Chapter Three: Eight Years Ago

3K 69 0
                                    

"Maraming salamat, Mr. Ramos. Hindi ko alam kung paano ko susuklian ang kabaitan ninyo," puno ng pasasalamat na wika ni Maggie sa kaharap na matandang lalaki. Hanggang ngayon ay nararamdaman pa rin niya ang takot na unang lumukob sa kaniya noong malaman niyang isinugod sa ospital ang kapatid. Tinawagan siya ni Mr. Ramos sa mumurahing cellphone na ibinigay sa kaniya ng kapatid noong sampung taong gulang siya. Ayaw niya sana dahil luho lang iyon pero pinilit siya ni Patrick para may paraan na macontact siya, lalo na kapag ganitong may emergency.

Ngayon ay nasa ospital na ito ang kapatid at nagpapahinga. Nawalan ito ng malay habang nagbubuhat ng mga sako ng semento para sa ginagawang bahay na inekstrahan nito. Ayon sa doctor ay dahil iyon sa sobrang pagod. Sino ba naman kasi ang hindi mapapagod sa ginagawa ng kapatid? Madaling araw pa lang ay umaalis na ito para magtrabaho at hatinggabi na babalik, paulit-ulit iyon sa araw-araw at hindi ito nagpapahinga. Nang pigilan niya ang kapatid ay nalaman niya ang dahilan kung bakit sobra-sobra ang pagkayod nito.

Maliban sa pagsuporta sa pag-aaral niya at sa araw-araw nilang gastusin, nalaman niyang malaki ang utang nila sa bahay at kapag hindi iyon nahulugan ng kapatid sa bangko ay maiilit iyon. At saan na naman sila pupulutin kapag nagkataon? Hindi niya alam ang bagay na iyon. Isinanla pala ang ina ang bahay nila sa bangko noong mamatay si James. Ang bahay na ito ay binili ni James para kay Margarita noong ipinanganak nito si Patrick. Dito na rin siya ipinanganak, lumaki at nagkaisip. Hindi pumasok sa isip niya na ang bahay na tanging ala-ala ng ama ay maaari pang makuha sa kanila. She felt so safe on their house; it was hers and Patricks.

The house was their safe haven. Hindi niya gugustuhin na pati iyon ay mawala pa sa kanila. Iyon ang isang bagay na akala niya ay hindi na nila proproblemahin pa. Pero nagkamali siya, ngayon ay binabayaran na rin ito ni Patrick sa bangko, dagdag gastos at bayarin na naman. Nangako si Patrick na hindi ito papayag na mailit ang bahay at lupa. Kaya ngayon ay triple-triple kayod ang kapatid. At wala siyang magawa kung hindi ang panoorin ang kapatid sa walang tigil nitong pagbabanat ng buto.

Grabeng pasasalamat ang nararamdaman niya sa matandang lalaki dahil hindi na niya proproblemahin ang ibabayad sa ospital. Ito ang boss ng construction company na iniekstrahan palagi ni Patrick. Nagulat pa siya ng sa isang pribadong ospital siya papuntahin ng matandang lalaki. Nag-alala siya dahil wala siyang ibabayad lalo pa at nasa isang pribadong kuwarto rin ang kapatid. Isa pa niyang ipinag-alala ay kung bakit nandoon ang kapatid. Malala ba ang kalagayan nito at kailangang ikuha ng kuwarto? Ang pagkakaalam niya, dapat ay nasa emergency section lang ito kung hinimatay lang at hindi naman grabe.

Pero pinawi ni Mr. Ramos ang lahat ng pag-aalala niya. Sinabi nitong ikinuha nito ng kuwarto si Patrick para makapagpahinga ng maayos at matignan ng doctor. Ginarantiya din nito, at ng doctor na tumingin mismo sa kapatid na hindi naman grabe ang kalagayan ng kapatid. Pero mainam na manatili ito magdamag sa ospital para mabantayan. Sinigurado rin sa kaniya ng matandang lalaki na wala siyang babayarin kahit isang sentimo at hindi rin iyon nito sisingilin sa sahod ni Patrick. Kahit nahihiya ay tinanggap na lang niya ang tulong nito. Hindi sana niya gustong magkaroon ng utang na loob kahit kanino pero hindi naman niya puwedeng unahin ang pride niya.

"Huwag mo nang isipin iyon, Maggie. Matagal na sa aking ume-extra ang kapatid mo. At bilib ako sa mga kabataang katulad niya na hindi tumatakbo sa responsibilidad. Isa siya sa pinakamasipag na taong nakilala ko. Wala rin akong problema sa gawa niya, maayos siyang magtrabaho. Kung may maitutulong ako, bakit hindi ko naman gagawin? Sabihan mo ang kuya mo na magpahinga ng isang linggo. Huwag rin siyang mag-alala dahil may trabaho pa siyang babalikan. Hindi ko na rin babawasan ang sahod niya sa isang linggong ipapahinga niya."

Nanlaki ang mga mata niya sa sinabi ng matandang lalaki. "Talaga po? Hindi ba at sobra-sobra na po yata iyon?"

Nakangiting tumango si Mr. Ramos. "Huwag mo na iyong isipin. Masaya ako at nakatulong ako sa inyong magkapatid."

RANDY's Sweetheart 05: DestinyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon