13 | Bakit, Paano Kaya at Sana

12 0 0
                                    

Ilang taon na akong nabubuhay na puno ng bakit, paano kaya at sana. Paulit-ulit itong naglalaro sa aking isipan na para bang sirang plaka. Saksi ang tinta sa bawat pag-iyak ng mga salita, na nais kumawala sa bikig ng aking kaluluwa.

Bakit... bakit ikaw pa? Wala kang ibang nais
kundi mapabuti ang 'yong pamilya. Dugo't pawis ang 'yong inalay para mabigay lang ang kinakailangan. Kahit sa tagpong nahihirapan ka na. Hindi ka sumuko, hindi ka nagpakita ng kahinaan. Bakit... bakit madaya ang mundo?
Sa lahat ng tao hindi ba pwedeng hindi na lang ikaw? Masakit kasi... mahirap tanggapin.
Alam kong mali pero umabot ako sa punto na kinuwestyon ko ang diyos. Nasaan siya? Hindi ba siya nakikinig sa lahat ng naging panalangin ko? Bakit ka niya kinuha agad? Bakit... bakit?

Alam niya bang umiiyak pa rin ako... kami sa tuwing nanunumbalik ang bawat alaala ng kahapon, ng dati...

Lumipas man ang maraming taon, may parte pa rin ng puso ko na nasa sa'yo.
Nangungulila, nananabik...
Nauuhaw sa bawat senaryong
"Paano Kaya..."
Paano kaya kung kasama ka pa namin.
Masaya siguro tayo...
Baka hindi ganito na parang nakararamdam ako ng pagkukulang.
May lungkot, pait at dilim.

Hihinga ng malalim para mapigilan ang mga luha na nais tumakas sa sulok ng aking mga mata...

Nadaya rin ako. Sinubukan ko ring maniwala katulad ng iba.
Ang humiling sa mga tala sa kalangitan, dahil baka sakali... baka sakaling sa pagkakataong ito, pagbigyan ako ng tadhana.
Na sana sa pagmulat ko ay bumalik na lang ulit, kung saan tayo ay buo pa.
Na sana magkakasama pa tayo.
Mahirap pero masaya.

Ngunit ilang ulit man akong pumikit, umidlip, managinip at magising... patuloy lang akong sinasampal ng katotohanan.
Hindi na pwede...
Wala ng pag-asa...
Ganito na talaga...

Kailan ko lang napagtanto kung bakit gusto kong magsulat.
Dito na lang kita mayayakap gamit ang mga salita.
Dito ko na lang mapababatid ang nais kong sabihin.
Mababasa mo naman siguro ito mula sa langit diba?
Hindi mo gusto ng drama, ayaw mo rin nang iyakan.
Kaya susubukan ko na sa susunod na babanggitin ko ang pangalan mo ay hindi na luha ang mangingibaw kundi ang tuwa.
Alam ko rin naman kasi na lahat nang 'to ay may rason.
Hindi ko alam kung ano, pero maiintindihan ko rin yan, pangako.
Masaya ka ba diyan? Hindi ka na masasaktan o mahihirapan.

Wala ka man dito pero nasa puso ka namin,
Gusto kong sabihin na mahal kita.
Mahal na mahal.
Hanggang sa muli, Papa.

// Bakit, Paano Kaya at Sana, 06/17/2018

(Love you!)

Sa Pagitan ng Salita at DamdaminTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon