Chapter 6 The Kiss

206 20 2
                                    

Chapter 6 The Kiss


***MEG POV***

ILANG ulit kong kinusot ang aking mga mata para mawala ang antok ko. Marahil dahil sa pagod at sa pangit na panaginip na dumadalaw sa akin gabi-gabi.


Sa hindi ko malamang kadahilanan. Lagi akong ginagambala ng batang babae. Gusto raw niyang makipaglaro sa akin. Minsan nga umiiyak ito at sinasabi na kailan daw ba ako tutupad sa pangako ko, na malay ko naman kung ano.


Dati-rati, panaka-naka lang siyang sumusulpot sa panaginip ko, ngayon parang araw-araw na. Hindi ko naman siya kilala. Kaya heto ako ngayon, kulang sa tulog. Buti na lang hindi ako dinalaw ng batang iyon ngayon. Kahit papaano naging maayos ang pag-idlip ko ngayong araw.


Nasa garden daw ako tapos maraming nakatitig sa akin. Katabi ko yung lalaking gusto ko. Mali, mahal pala. Nagpakasal daw kaming dalawa, tapos kapwa kami nag-I-do sa isa't isa.


Hindi ko mapigilan ang magpakawala ng isang malungkot na ngiti. Sa panaginip lang may happy ending dahil sa totoong buhay ay walang ganoon. Hindi lahat masaya at hindi lahat ay may magandang katapusan.


Hindi lahat ng relasyon ay nagtatagal. May masisira at sisira nito kahit gaano mo pa kamahal ang isang tao. Kung ayaw ng tadhana na maging kayo, wala kang magagawa. Kagaya na lang nang nangyari sa akin. Nauwi sa hiwalayan ang sa amin ni Brendon. Ngayon batid ko na galit siya sa akin. Baka nga kinamumuhian na niya ako.


Gustuhin ko mang bawiin ang mga sinabi ko nang gabing iyon, ukol sa pakikipaghiwalay ko sa kanya. Ngunit hindi na maaari dahil nakipagkasundo na ako sa magiging fiance niya. Kahit naman ipaglaban ko siya, talo pa rin ako. Dalawang babae ang kalaban ako, si Nathalie na siyang nakatakda niyang mapangasawa at si Aya na first love niya.


Sa mga naiisip muli akong nakaramdam ng hinagpis. Ang bawat sulok ng mga mata ko ay nagsisimula nang humapdi.


Okay lang na ganito. Ayos lang sa akin na masaktan basta ba maging masaya lang si Brendon sa piling ng babaeng sunod niyang mamahalin.


Ako, patuloy ko siyang mamahalin kahit nasa malayo lang. Kahit na hindi niya alam.


Kagat ang ibabang labi na iminulat ko ang aking mga mata. Kailangan kong yakapin ang reyalidad na sa panaginip ko lang makakasama si Brendon at hindi sa totoong buhay.


Tss! Ang drama ko na!


Huminga ako ng malalim upang kalmahin ang aking sarili. Hindi ito ang tamang sandali upang magmukmok. Kailangan kong ngumiti upang itago ang nararamdaman kong pighati. Ayaw kong maapektuhan ang mga kasamahan ko sa clan. Lalo na ang mama ko.


Lupaypay ang utak at katawan na sinulyapan ko ang kisame. Ang kulay purple na pintura ang agad na sumalubong sa akin. Kahit saan ko ilibot ang aking mga mata, ganitong kulay lang ang sumasalubong sa akin. May kulay din na medyo mapusyaw pero ganoon pa rin ang kinalabasan. Purple pa rin siya.


Ewan, tila ba malamig ito sa mga mata. Na tila, ang lahat ng dinaramdam ko ay nilalamon ng lupa at unti-unting nawawala.

Clash of CLANS 3: Battle Between Hearts, Minds, and IdentitiesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon