BINUKSAN ng hardinero ang gate na bakal at pumasok ang isang Mercedes Benz. Marahan niyong tinakbo ang may kahabaang driveway.
"Kotse ba ni Kiel ang nasa dulo ng garahe, Mang Kanor?" tanong ni Alora bagaman tiyak niyang kotse nga iyon ng katipan.
"Oo, Ma'am."
Napangiti ang dalaga. Napapadalas ang dalaw ng katipan. Siguro dahil malapit na silang ikasal. Sa ikadalawampu at isang taon niya at iyon ay apat na buwan mula ngayon.
Botong-boto si Mauro Arganza kay Kiel. Dapat naman dahil maginoo at mabait ang binata. Kuntento na ito sa pahawak-hawak ng kamay niya at pahalik-halik sa pisngi. Kung minsan nga ay nagpapakita na siya ng motibo upang higit pa doon ang gawin ng binata. Subalit kusa itong nagpipigil at lagi na ay sinasabing gusto nitong malinis siyang iharap sa altar.
Subalit may bahid ang kaligayahan ni Alora. Ayaw ni Margarita Arganza, ang kanyang mama kay Kiel. Ulila nasi Kiel at tiyahin na lang mayroon ito at ordinaryong empleyado lang ng papa niya. Hindi matapobre si Margarita kaya alam niyang hindi ang pagiging mahirap ni Kiel ang dahilan ng pag-ayaw ng mama niya sa kasintahan.
Lantarang pagtutol ang ginagawa nito. Nang mamanhikan si Kiel kasama ng tiyahin ay hindi humarap si Margarita. Ganoon pa man, batas ang gusto ng ama niya sa tabanan nila. At ito mismo ang gustong makasal sila agad ni Kiel.
Ang sabi ni Mauro ay nagiging unreasonable ang mama niya mula nang makulong ito sa wheelchair sanhi ng pagkahulog nito sa hagdan dalagita pa lamang siya.
Gusto ng papa niya na maging maligaya siya. Wala siyang gusto na hindi nasunod kay Mauro Arganza.
"Magugulat pa ang Papa at si Kiel niyan, Mang Kanor. Ang alam ng Papa ay magpapasukat ako sa modista ng damit-pangkasal," aniya sa driver. "Pero nagbago ang isip ko. Gusto ko sa sikat na couturier na lang sa Manila ako magpapagawa ng wedding gown," patuloy ng dalaga. Ipinarada ng driver ang Mercedes Benz sa harap mismo ng malaking pinto at bumaba ang dalaga.
"Isunod ninyo sa akin ang mga binili ko, Mang Kanor," utos niya sa driver.
Iiling-iling na tinungo ng driver ang backseat at dinampot ang isang malaking plastic bag. Binili ni Alora sa department store.
"Aanhin naman kaya niya itong mga sapatos na ito gayong sangkaterba naman ang mga sapatos niya? Magagamit pa kaya niya ito o matatago lang? Pastilan kining mga daghang kuwarta..." bulong ng driver habang hinatak ang shopping bag na may lamang tatlong kahon ng sapatos.
Papanhik na ito sa malaking hagdan nang makita ang among dalaga na akmang bababa.
"Alora! Bumalik ka, Alora!" narinig nito mula sa kinatatayuan ang sigaw ng among lalaki.
"Hindi!" sigaw ng dalaga na patakbong bumababa ng malaking hagdan. Luhaan at sindak ang nakita ng driver sa mukha nito.
Kung hindi umatras ang driver ay mababangga ito ni Alora. Patakbong lumabas ng kabahayan ang dalaga. Mabilis na sumunod si Mang Kanor at nakita nitong tumatakbo si Alora sa kahabaan ng driveway. Lumabas ng gate ang dalaga.
Patuloy siya sa pagtakbo. Walang tiyak na patutunguhan at hilam sa luha ang mga mata. May isa o dalawang sasakyang nakasalubong na iniiwasan ang walang saysay na pagtakbo.
Nasa gitna siya ng kalye na tila wala sa sarili.
Sa may pagliko ay isang sasakyan ang dumarating. Nakita na siya ng driver at mabilis ang pagtapak nito sa preno. Ganoon pa man ay hindi maiwasang madagil siya!
BINABASA MO ANG
With This Ring (COMPLETED)
Romance"One day, I'll teach you how to make love... at minsan, parang hirap na hirap akong hintayin ang araw na iyon... when you're this close..." Hindi niya alam kung sino siya at kung saan siya nagmula. Ang tanging alam niya ay kailangang makatakas siya...