CHAPTER FOURTEEN

40.5K 933 26
                                    


NANG umagang iyon ay umalis si Gino patungong Cebu upang tingnan ang progress ng trabaho sa subdivision na dine-develop ng kumpanya ng mga ito. Dalawang araw itong mananatili roon at aasikasuhin na rin kung anuman ang dapat asikasuhin sa pagpapakasal nila.

Tinutulungan ni Alora na mag-general cleaning si Manang Lucia. Si Lani naman ay wala at nasa bahay nito at si Ronald dahil dumaong ang huli kahapon at magtatagal ng isang linggo sa Davao.

"Pasagdi na lang 'ko, day. Kayang-kaya ko ang mga trabaho dito."

"Sige na, Manang Lucia. Naiinip ako. Ano ba ang ginagawa ninyo?"

"Kinukuha ko itong mga lumang diyaryo at gagamitin kong pamunas ng salamin sa mga bintana ng bahay." Isa-isang dinampot nito ang peryodiko.

Sa dami ng binuhat ay nalaglagang iba.Dinampot iyon ni Alora. Ibibigay na lang niya sa matanda ang peryodiko nang mapansin ang larawan sa may front page sa pang-ibabang column. "Businessman nagbaril sa sarili!" Bagaman sa larawan pa lang ay nakatitiyak nasi Alora ay binasa pa rin niya ang pangalan nito. Nanginginig ang mga kamay na binitiwan niya ang peryodiko.

"H-hindi! Hindi!" bulalas niya na ikinalingon ng matanda.

"Alora, bakit? Anong nabasa mo diyan sa lumang peryodiko?"

Hindi pa rin makakilos ang dalaga. Para siyang nauupos na kandila. Napakapit siya sa pinto ng store room. "PAPA!!!" malakas niyang sigaw. Inilabas noon ang lahat ng naipong sindak, sama ng loob at dalamhati sa ama.

Hindi malaman ng matanda ang gagawin. Nataranta sa kanya. "Alora, hija..." nag-aalangang hawakan siya nito. Nanatili siyaug nakasandal sa pinto ng store room.

Pagkalipas ng ilang mga saudali ay tahimik na ang pag-iyak niya.

"H-hija..." si Manang Lucia uli.

Tumingala ang dalaga. "D-dala ho ba ni Lani ang cellular, Manang?"

"Oo, Alora. Pero nasa silid ni Gino ang sa kanya. Maaari mong gamitin kung gusto mo siyang tawagan..."

Walang kibong tinakbo ng dalaga ang itaas papanhik sa silid ni Gino. Samantalang dinampot naman ni Manang Lucia ang peryodikong nabitiwan niya at sinundan siya ng tingin.

Patuloy sa pag-iyak ang dalaga. Ang petsa ng pagbabaril ng ama ay ang araw mismo ng pag-alis niya. Ang araw na matuklasan niya ang lihim nito. Dumapa siya sa kama ni Gino at humagulgol ng iyak.

"Bakit, Papa? Bakit?" Sa kabila ng lahat ay nangibabaw ang pagmamahal niya sa ama. Pagkatapos muling mahimasmasan ay hinanap ng mata ang telepono. Nasa tabi ito ng night lamp. Idinayal ang numero sa kanila.

"Hello?" sagot mula sa kabilang linya makalipas ang tatlong ring.

Napalunok si Alora. Boses ng mama niya iyon.

"M-Mama...?"

"Alora! Alora, ikaw ba iyan anak?" natatarantang sagot sa kabilang linya.

Napaiyak nang tuluyan si Alora. At sa pagitan ng mga hikbi ay nag-usap silang mag-ina. Nangako siyang uuwi bagama't hindi niya sinabi kung kailan. Hindi rin niya ibinigay ang lugar na kinaroroonan niya. Saka na niya ipaliliwanag sa mama niya kung paano siya napunta roon. Ang mahalaga ay nagkausap silang mag-ina.

Hihintayin niya ang pag-uwi ni Gino at sasama siyang umiwi.

Kahit nangangambang baka hindi na muli tatawag ang anak ay napahinuhod din si Margarita. Napanatag ang loob na walang nangyaring masama sa anak.

Matagal nang nakababa ang telepono ay naroon pa rin si Alora at nakaupo sa kama. Sari-saring emosyon ang pumupuno sa dibdib. Lungkot...tuwa at pananabik sa ina.

Makalipas ang ilang segundo ay marahan siyang tumayo upang lumabas ng silid. Sinulyapan ang larawan ng katipan sa kinalalagyan niyon. Sa kabila ng lahat ay napangiti siya. Nilapitan niya iyon at dinampot. Dinala sa dibdib. Nang mapuna niya ang isa pang kuwadro doon. Tinitigan niyang mabuti ito. Hindi siya makapaniwala sa nakitang nakalarawan doon. Si Jessica!

Hindi siya maaaring magkamali. Si Jessica ang nasa larawan! Mas bata kaysa noong ipakilala ito sa kanya ni Gino. Ang akala niya noong una ay si Lani ang nakalagay sa kuwadro. Ang akala niya ay larawan nito ang katabi ng kuwadro ni Gino. Bakit hangga ngayon ay naka-display ang larawang ito ni Jessica dito? Hindi niya maunawaan kung bakit iniingatan pa ito ni Gino kahit ngayong ikakasal na sila.

Parang hiniwa ng patalim ang puso niya. Dinampot niya ang larawan at wala sa loob na kinausap ito.

"Kaya ako tinuruang mangabayo ni Gino ay upang maging tulad mo! At kaya niya gustong laging magkarera kami ay upang sariwain ang masasayang araw ninyo! At my expense! At my expense!" humagulgol siya na naghihisterya.

Napaatras siya sa dulo ng kama hawak pa rin ang kuwadro. "Hindi ako mahal ni Gino, Jessica! Ikaw! Ikaw pa rin ang nasa puso at isip niya! Hindi kita kamukha, Jessica! Matapang ka, duwag ako. Pinipilit ni Gino na maging tulad mo ako!" namamalat na siya. Binitiwan ang kuwadro na bumagsak sa sahig. Nabasag ang salamin niyon. Parang natauhan si Alora sa pagkabasag ng salamin.

Patakbo siyang lumabas ng silid. Nakasalubong niya sa may pinto si Manang Lucia na narinig ang sigaw niya. Tuloy-tuloy siyang pumasok sa silid mya.

Naupo siya sa gilid ng kama. Walang luhang pumapatak. Sa loob lamang ng isang araw ay natuyong lahat ang emosyon niya. Ang papa niya... si Gino... si Jessica.

Nahiga siya at pumikit. Sana ay makatulog siya at hindi na muling magising. Isa siyang baliw upang maniwalang talagang mahal siya ni Gino! Si Jessica pa rin sa kabila ng mga taon. Hinuhubog siya tulad ng isang clay upang maging tulad ni Jessica! Gusto niyang sumigaw at ubusing lahat ang lakas niya.

Tinitigan niya ang engagement ring nila ng binata. Hinubad ito sa daliri niya. Inilapag sa night table at tumayo. Nagbihis. Isinuot ang lumang damit nang una siyang matagpuan ng binata. Ganoon din ang sapatos niyang luma.

Bumaba at hinanap si Manang Lucia. Nasa kusina ito at naghahanda ng pagkain nilang dalawa. "Alora..." nasa tinig ang pag-aalala sa kanya.

"Manang Lucia..." bungad niya. "Maaari po ba ninyo akong pahiramin ng kaunting pera?"

Hindi agad sumagot si Manang Lucia. Tiningnan siya mula ulo hanggang paa. "Bakit suot mo ang damit mong iyan, Alora?"

"Manang Lucia, narinig ba ninyo ako? Ang sabi ko ay kung maaari ninyo akong pahiramin ng pera..."

"Kahit magkanong kaya kong ipahiram, Alora, ay ibibigay ko sa iyo. Kaya lang, gusto kong malaman kung aanhin mo ang pera?"kinakabahang tanong ng matanda.

Huminga nang malalim ang dalaga."A-aalis na ako, Manang Lucia. Uuwi na ako sa amin..." aniya sa paos na tinig.

Hindi sumagot ang matanda na nakatingin lang sa kanya. "Please, ipadadala ko sa inyo ang bayad pagdating na pagdating ko sa amin."

"Hindi iyon ang iniisip ko, Alora. Ang gusto kong sabihin sana ay kung maaaring hintayin mo na si Gino. Bukas nang gabi ang uwi niya."

Iyon ang dahilan kaya gusto kong ngayon na umalis. Hindi ko nais na abutan pa niya ako dito, bulong ng dalaga.

"Hindi ko maipaliliwanag ang dahilan sa inyo, Manang Lucia. Kailangang umalis na ako ngayon..." Huminga nang malalim ang matanda. "Magkano ang kailangan mo, hija?"

"Tama lang pong pamasahe sa eroplano mula dito hanggang Cebu. At kung maaari po sanang may mapakiusapan kayong ihatid ako sa bayan ngayon." Tumangu-tango lang ang matanda. Malungkot na umiling pagkatapos.

With This Ring (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon