chapter 9

8.3K 215 26
                                    

Sa pagod at pag-alala ay di ko namalayang nakatulog ako habang nakaupo sa tabi ng kinalalagakang machine ni Donovan.

Naalimpungatan ako nang marinig ko ang  pamilyar na tunog ng isang machine.

Bahagya pa akong natigilan nang mapansin ang kinaroroonan kong silid.

Nasanay ako sa mga nagkikislapang mga bato na palamuti sa kisame ng kwarto ni Donovan na laging namumulatan ko pagkagising ko.

Ang muling pagtunog ng pamilyar na ingay na gumising sa akin ang nagpabalik sa alaala ko sa mga nagdaang nangyari kung paano ako bumalik dito sa sasakyan ko.

Mabilis ang ginawa kong paglingon sa kinalalagyan ni Donovan kung saan nanggaling ang ingay na naririnig ko.

Gising na siya at mukhang handa na niyang basagin ang salamin na tumatakip sa kinahihigaan niya kung hindi lang siya nahihirapang kumilos sa kinaroroonan niya.

Parang lumukso ang puso ko habang nakatitig sa akin ang asul niyang mga mata at wala akong pakialam kung sirain niya ang napakamahal na medical machine dahil ang mahalaga ay gising na siya at base sa nagkasalubong niyang mga kilay ay mukhang maayos ang pgsasaayos ng mga pinsala niya sa katawan.

Bago pa man tuluyang masira ang nagligtas sa buhay niya ay mabilis ko nang pinindot ang open button ng machine.

Pagkabukas na pagkabukas ng kinalalagyan niya ay parang napapasong mabilis na tumalon pababa si Donovan habang nanlaki ang mga matang napatitig sa kinaroroonan namin.

"Rayawa!", mura nito bago tumitig sakin.

Isang butil ng luha ang di ko napigilang naglandas sa pisngi ko habang pinagmasdan siya.

Kumunot ang noo niya at nag-alalang lumapit sakin at yumuko upang magpantay ang mga mukha namin.

" Wala namang masakit sayo, di ba? Nailigtas naman kita, may masakit ba sayo?", puno ng pag-alala nitong tanong habang pinupunasan ng mga palad niya ang mga luha kong patuloy sa pag-agos.

Sa dalawampung taon kong pamumuhay ay ang muling pagkakita kay Donovan na nasa maayos na kalagayan ang pinakamagandang nangyari sakin.

"Huwag ka nang umiyak. Nasasaktan ako.", pakiusap nito.

At sa kauna-unahang pagkakataon ay nakita kong namula ang asul na mga mata ng isang Irah Donovan habang pinipigilang mapaiyak habang inalo ako.

Isang napakalaki at napakalakas na tao na ginagalang ng kanyang nasasakupan at kinatatakutan ng mga mababangis na hayop sa kagubatan ng Dragus ay nakakayang paiyakin ng isang katulad ko lamang at wala pa nga akong ginawa niyan kundi ang umiyak lang.

Di niya siguro alam na naiiyak ako sa galak dahil magaling na siya at hindi na niya ako iiwan.

Natigil ako sa pag-iyak nang automatic na bumukas ang pinto at pumasok si Grevon na nakasuot ng isang armor mula sa Earth.

Iglap lang ay natagpuan ko ang sarili ko na nasa likuran ni Donovan na para bang pinoprotektahan niya mula sa bagong dating.

Di niya nakilala ang kaagaw dahil sa helmet na kasama ng suot nitong armor na nasuot sa ulo nito at nakatakip sa mukha hanggang leeg.

Mukhang pakana ni Xandra kung bakit ganito ang ayos ni Grevon. Nakatulog lang ako saglit pero paggising ko ay mukhang magsakasundo agad ang dalawa.

" Sandali! Donovan!!", malakas kong sigaw nang agad na sinugod ni Donovan si Grevon nang akmang huhubarin ng huli ang suot na helmet.

Napapikit ako nang sabay silang bumagsak sa sahig, si Grevon ang nasa ilalim ni Donovan.

Ipinagpasalamat ko nalang at wala ang mga armas nila na espada sa paligid dahil kung nagkataon ay tiyak masisira ang sasakyan ko sa dalawang ito.

Falling SkyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon