pangalawang liham

338 25 148
                                    

ika-tatlumpo't isang araw ng Mayo, 1887

Ginoong Mabini, hindi maganda ang aking karamdaman ngayon. Ang sabi sa akin ng aking Tiya ay kailangan kong mahiga na lamang at huwag nang gumawa ng kahit ano. Ngunit, hindi ko pa rin napigilan ang sariling magsulat bago ako matulog. Gusto kong matapos na ito, Ginoo. Gusto ko na ring makalimot. At hindi ko magagawa iyon hangga't hindi kita binibitiwan.

Kaya, ikwekwento ko na ang susunod na mga nangyari at nang mabawasan ulit ang mga alaala ko sa iyo.

HINDI makapaniwala si Manuela na matagal na pala niyang nakikita si Apolinario o, tulad ng sabi nito na dapat itawag niya rito, Pole, ang palayaw ng binata. Lagi itong naglalakad sa lansangan malapit sa kanyang tahanan at maari niya itong tanawin mula sa bintana. May nakatali lamang siyang panyo sa ulo at nakapaa lamang ang binata. May hawak-hawak itong libro at halata ang konsentrasyon nito roon.

Ngayon lang niya napansin si Pole dahil hindi naman siya laging tumitingin sa labas. Lumapit siya sa bintana at ibinuka ang kanyang bibig para sana tawagin ito pero hindi niya nagawa. Sa halip, tumuntong na lamang siya sa bintana at pinanood ito. Malakas ang araw ngayon at mukhang sobrang init. Hindi niya alam kung bakit kinaya ng binata ang paglalakad kahit na ganoon ang panahon.

Nais niya sanang lapitan ito at samahan. Maaari niya namang bigyan ito ng sapin sa paa at ng payong. Siya pa ang maghahawak ng payong kung nanaisin man nito. Ngunit, ngayong pinapanood niya ang nawawala ng pigura ni Pole ay wala siyang ginawa kahit isa roon.

Pakiramdam niya kasi na kahit ano man ang gawin niya ay tatanggihan siya nito. Hindi niya rin alam kung naalala nga ba siya ng binata. Ilang araw na ang nakalipas simula nang makita niya ito.

"Anong ginagawa mo riyan, Manuela? Mahuhuli ka na sa klase, kanina pa naghihintay ang ating kalesa sa labas."

Itinaas niya ang kanyang mga mata upang tignan ang nagsalita. Ang Ina niya iyon na nakakunot noong nakatingin sa kanya. Tumayo na siya at tumalima sa sinabi nito.

May kalesa sila. May magdadala sa kanya sa eskwelahan. Hindi niya kailangan pang maglakad sa kalsada sa init ng araw na walang sapin sa paa.

[ - ]

MAG-GAGABI na nang makita muli ni Manuela si Pole. Naglalakad ang binata pauwi at hindi na nito hawak ang librong dala nito dati. Tulad nang nangyari noong umaga, pinanood niya lang ang paglalakad nito. Wala pa rin itong sapin sa paa at natitiyak niyang hindi maganda iyon para rito. Ngunit hindi naman niya masabi, hindi niya rin magawang tawagin ito.

Ang nagagawa niya lamang ay isipin kung ilang beses nga bang naglalakad ang binata sa kalsada. Ilang beses na ba na hindi niya ito nakita gayong parang matagal naman na nitong ginagawa iyon. Nagpakawala siya ng buntong hininga. Alam niya ang sagot sa kanyang katanungan. Matagal ng sinabi iyon ng pinsan niyang si Socorro.

Wala kang pakialam sa iyong paligid, pinsan. Lagi kang may sariling mundo.

Lagi siyang may sariling mundo. Kaya bakit nga ba niya sinusundan ng tingin ang binatang nakilala lang niya ng isang gabi? Kung wala siyang pakialam sa paligid, bakit niya ito binibigyang pansin sa halip na simulan ang sariling mga takdang aralin?

Hindi na siya nag-isip. Sa halip, ihiniga na lang niya ang ulo sa braso at tinignan ang pigura nito bago ito kinain ng dilim at tuluyan ng nawala sa kanyang paningin.

[ - ]

ARAW-ARAW na pinagmamasdan ni Manuela si Pole. Hindi niya alam kung bakit niya ginagawa iyon. Ang alam niya ay hindi niya mapigilang lumapit sa kanyang bintana at panoorin itong naglalakad. Palagi na rin siyang pinapagalitan ng kanyang Ina dahil nakatulala lamang siya sa bintana sa halip na umalis at maghanda sa pagpunta sa eskwelahan.

Limang Minuto: Mga Liham para kay Ginoong Mabini ꞁ ✓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon