pangpitong liham: kasagutan [ 1 / 3 ]

113 10 123
                                    

ikatatlong araw ng Abril, 1903

Magandang gabi, Manuela. Tama ka, marami nga ang nagbabago sa isang araw. Tulad na lamang ng isa mong ehemplo, kung saan nakapagtapos ako. Ang sabi mo hindi ka pumunta ngunit nakita kita Manuela. Naroroon ka.

Nakatakip lang ng belo ang iyong ulo ngunit alam ko kung gaano ka katangkad. Alam ko kung paano ka manamit. At alam ko na lagi kang umuubo sa iyong kamao sa tuwing nahihiya ka. Hindi nga ako makukumbinsi na ikaw iyon kung hindi dahil sa iyong manerismo..

Ngumiti ako sa'yong direksyon at nag-iwas ka naman ng tingin. At dahil mukhang ayaw mong ipahalatang naroroon ka ay hindi na rin kita tingnan. Nakatulong sa akin ang presensya mo roon, Manuela.

Hindi na ako kinabahan at payapa lamang ang aking pakiramdam hanggang matapos ang programa. Sabik pa nga akong puntahan ka pagkatapos noon at dahil madami namang tao ay may tiwala akong walang makakakita sa atin. Balak pa sana kitang ayaing kumain ng pansit at may naitabi naman akong pera.

Hinanap kita ngunit mukhang nauna ka nang umalis para walang makapansin. Nanlulumong aalis na sana ako kung hindi lang may nagbigay sa akin ng isang bulaklak at ang sabi sa akin ng ale na nagbigay ay may dalagang gustong batiin ako sa aking pagtatagumpay na magtapos.

Ikaw iyon, Manuela. Hindi natin pinagusapan ang nangyari ngunit sa susunod nating pagkikita, dinagdagan ko pa ang ipon ko at pinapili kita ng pupuntahan.

KANINA pa paroo't parito si Manuela at hindi na alam ni Apolinario kung aawatin niya na ba ang nobya. Matapos niya kasing tanungin kung saan nito gustong pumunta ay bigla itong natahimik bago ito nagsimulang maglakad paroo't parito upang mag-isip.

Napagod naman siya sa kakatayo kaya naupo siya at sinusundan ang ginawagawa nitong paglakad. Naisaisip na lamang niya na buti umaga niya ito inaya dahil kung gabi ay baka inumaga na sila.

Hindi naman siya nagrereklamo dahil naaliw lang siya. Mukha kasing sabik na sabik itong magsabi. Namumula na kasi ang mga pisngi nito at kanina pa ito bumubulong sa sarili sabay iling.

"Marami ka bang balak puntahan, mahal ko?" pagpuputol niya sa ginagawa nitong pag-iisip. Napatingin naman ito sa kanya at nahihiyang umubo sa kamao. Namumula na rin pati ang mga tenga nito.

"H-Hindi naman..." sagot nito nang makabawi. "Iniisip ko lang kung ano ang pwede nating puntahan. Nais ko sanang pumunta sa isang galerya, ngunit maraming makakita sa atin sa ating dadaanan. Nais ko rin sanang pumunta sa palengke at nang makabili tayo nang maari nating kainin o tumingin-tingin lamang sa paligid subalit mas marami namang tao roon. Nais kong..."

Ito na mismo ang natahimik at huminga nang malalim. "Dito na lamang tayo, Pole. Pwede naman tayong maglaro sa tubig o manghuli ng isda."

Napailing naman siya, "Halika nga rito, Manuela."

Lumapit naman ito at hinawakan niya ang mga kamay ng nobya. "Saan mo talaga nais pumunta?"

"Ngunit, Pole--"

"Sige na, Manuela. Walang gustong hindi natin magagawan ng paraan."

"Sigurado ka ba, Pole?"

Matamis na ngiti ang iginawad niya rito at binigyan niya ito ng halik sa noo. "Ayos lang sa akin, Manuela. Kung kailangan nating magtakip ng mukha o kailangan kong magdamit babae para lamang puntahan ang matataong lugar na nais mong puntahan ay gagawin ko."

Natawa ang dalaga sa suhestiyon niya at nahihiyang umubo muli sa kamao. Hindi na nito masyadong ginagawa iyon sa loob ng dalawang taon ngunit iyon ang pinakanagugustuhan niyang manerismo nito. Saglit na humawak lamang ito sa kanyang mga kamay at nag-isip bago napailing at ngumiti.

Limang Minuto: Mga Liham para kay Ginoong Mabini ꞁ ✓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon