s: si Senyor Salazar [ 4.3 ]

62 9 57
                                    

Dalawang araw na naghintay si Isidro mula sa kanilang bintana. Doon na siya halos kumain at natulog para lang siya agad ang unang makita ng asawa kung sakaling bumalik ito. Ngunit, ni anino nito ay wala siyang nakita. Minsan nga ay namamalikmata na siya at muntik niya pang talunin ang ikalawang palapag para lang batiin ito.

At sa pangalawang gabi, doon lang niya nakita ang pigura ng asawa na naglalakad papalapit sa kanilang tahanan. Mabilis pa sa alas-kwatrong umalis siya sa bintana kaya nang nakarating na ito ay naroroon na siya.

Suot pa rin ni Manuela ang suot-suot na damit nang iwan siya nito. Mukhang naglakad ito pabalik na walang sapin sa paa. Hapong-hapo siya at gusto niya sana itong hawakan ngunit pinigilan niya ang sarili.

Tinitigan niya lang ito at nakatitig lang rin naman sa kanya si Manuela. Suot pa rin nito ang singsing nila. Pinigilan niya ang sariling umasa.

"Isidro..." simula nito sa basag na boses. "O, Isidro..."

Isa-isang pumatak ang mga luha sa mga mata ng asawa at naikuyom niya ang mga kamay para pigilan ang sariling pahirin ito. Ibinuka niya ang bibig para sana magsalita ngunit wala siyang masabi. Hindi niya alam ang sasabihin.

Malungkot itong ngumiti at ibinaba ang tingin sa mga paang nahuhulaan niya'y may maraming sugat. "Patawarin mo ako, Isidro. Hindi ko..." tumigil ito at mas napahikbi. Nanginginig ang mga kamay na tinakpan nito ang bibig. "Hindi ko sinasadyang umalis. Hindi ko..."

Bumigay ang mga paa nito at napaluhod ito sa harap niya. Ibinaba rin nito ang ulo at nakikita na lang niya ang mga luha nitong pumapatak sa lupa. "Patawarin mo ako, Isidro..." Hindi na nito itinuloy ang sasabihin. Sa halip, umiyak na lamang ito at paulit-ulit na humingi ng tawad.

Naramdaman naman niya ang kakaibang pait at sakit na namumuo sa dibdib. Parang nanakit ang kanyang lalamunan at gusto na rin niyang umiyak. Sa halip, ibinaba niya na lang ang sarili at itinaas ang asawa mula sa kinasasadlakan.

Inilagay niya ang mga kamay sa mga pisngi nito at tinignan ito nang mabuti. Hindi ito nanlaban ngunit hindi rin ito makatingin sa kanya. "M-Manuela," nahihirapang wika niya. "Anong nangyari, Manuela?"

Lumuluhang kinuha nito ang kamay niya at hinalikan na mas lalong nagpasakit lang sa kanyang damdamin dahil alam niyang hindi iyon totoo. Nagsisi lang ito at hindi nito alam kung papaano humingi ng tawad.

Inulit niya ang pangalan nito at hindi ito sumagot. Sa halip, lumapit lang ito sa kanya at narandaman niya ang paglapat ng labi nito sa kanya. Napapikit siya nang mariin at bago pa ito kumilos para mas halikan siya ay siya na mismo ang humiwalay rito.

"Pakiusap... Huwag mo nang pilitin ang sarili mo, Manuela," nasasaktang wika niya. Hinawakan niya ito sa mga balikat para hindi na ito makalapit sa kanya. "Masasaktan ka lang."

"N-Ngunit... ikaw ang asawa ko, Isidro... Ikaw ang pinakasalan ko..." sa halos pabulong na boses ay sambit ng asawa. "H-Hindi dapat kita basta iniwan. Hindi dapat ako umalis... Kahit naman umalis ako ay..."

Napahikbi muli ito. "Humabol ako sa kalesa... Alam kong alam ni Pole na sumusunod ako, na hinahabol ko siya... Hindi siya lumingon, Isidro. Hindi niya ako nilingon."

Hindi siya nagsalita. Tinignan niya lang ito habang patuloy ang mga luhang umaalpas sa kulay lupa nitong mga mata. Ni minsan hindi na muli umiyak si Manuela matapos nitong magkulong ng isang linggo. Nang lumabas ito ay nakangiti na ito kahit pilit at hindi sinsero. Kahit ng unang gabi nila at sinabihan niya itong isipin na si Apolinario ang kasama niya ay hindi ito umiyak ng umagang magising siya sa tabi nito.

Ni isang beses, wala na siyang nakitang kalungkutan sa asawa.

Iyon pala ay nag-iipon ito tulad niya at ngayon, kahit gusto nitong pigilang tumulo ang mga luha ay hindi nito magawa.

"H-Hindi nagtagal ay tumigil na rin ako at hindi ko napigilang umiyak. H-Hindi talaga siya lilingon, Isidro. Alam kong nakita niya tayo. Alam kong naisip niya na maaring masaya na ako. Na mas pinili ko ang piling ng iba ngunit..." Nahihirapang inabot nito ang mukha niya at hinawakan ang kanyang pisngi. "Ma-Mahal ko pa rin siya, Isidro. Patawarin mo ako dahil mahal na mahal ko pa rin si Pole. Ngunit, kahit na gusto kong hanapin siya at sundan siya, hindi na pwede. Huli na ang lahat..."

Mas sumakit ang lalamunan niya sa narinig at kulang na lang ay mas pisikal siyang sampalin ni Manuela. Binitawan na siya nito at ginamit nito ang dalawang kamay para takpan ang mukha, sa pagsisi o sa pagkapahiya ay hindi na niya alam.

Ang alam niya lang ay parang nanalaytay na sa buong katawan niya ang sakit na nagmumula sa kanyang dibdib. Inabot niya ito at ikinulong sa mga bisig. Hinayaan niya itong umiyak sa kanyang dibdib at ginawaran niya ng mumunting halik ang sentido nito.

Hindi na niya napigilang lumuha at napakapit na lang siya sa babaeng hiniram lang naman talaga niya. At kahit anong gawin niya ay hindi talaga siya mamahalin. Nanatili sila sa ganoong posisyon hanggang sa wala na silang mga luhang mailuluha. Doon lang niya pinakawalan ang dalaga at hinawakan ang magkabila nitong pisngi.

"Manuela," pabulong niyang sabi. Hinawakan lang nito ang kamay niya bilang sagot. "Maari ba kitang halikan sa huling pagkakataon? Pangako, hinding-hindi na kita muling hahalikan pa matapos nito."

"Isidro... Huwag mong--"

"Pakiusap, Manuela. Kahit ito lang ang ibigay mo sa akin."

Alam niyang nagtutunog desperado na siya ngunit kailangan niyang gawin ito upang magpaalam sa sarili niyang damdamin. Kailangan na niya iyong patayin kung magpapatuloy sila sa pagkukunwaring masayang mag-asawa. Hindi niya pa rin iiwan ito at magiging mabuting asawa't ama pa rin siya. Ngunit, hindi na niya ito muling hahalikan at siguro sapat naman na ang dalawang anak para rito.

Nakita naman ni Manuela ang sakit at pagkahapo sa kanyang ekspresyon kaya narandaman niya muli ang mga labi nito sa kanya. At akala niya'y hindi na niya kaya pang umiyak ngunit napaluha na naman siya habang tinutugon ang halik nito. Mariin siyang napapikit at nagsimulang magbilang sa kanyang ulo. Hinalikan niya ito at unti-unting namamaalam siya sa kanyang damdamin. Hinalikan niya ito na parang kinabukasan ay maaring mamatay na siya. Hinalikan niya ito... at nangakong iyon na nga ang huli.

Nang maghiwalay na ang kanilang mga labi ay tinulungan na niya itong tumayo habang nagpupunas ng luha. Nakangiti na rin siya. "Halika na sa loob. Ika'y maglinis na muna ng sarili at lulutuan kita ng pagkain. May nais ka bang ipaluto?"

Maliit na ngiti ang iginawad ng asawa sa kanya. "Ayos lang ako sa kahit anumang iyong lulutuin. Sorpresahin mo na lamang ako, Isidro."

"Kailan ka pa nahilig sa sorpresa?"

"Ngayon lang."

"

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.
Limang Minuto: Mga Liham para kay Ginoong Mabini ꞁ ✓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon