s: si Senyor Salazar [ 3.3 ]

63 8 39
                                    

Isinara ni Isidro ang pinto ng magiging kwarto nila. Naroroon na sila sa bahay kung saan sila titira ni Manuela. Kakatapos ng kanilang kasal at tama lamang siguro na hayaan niya ang asawang magluksa. Ilang oras din itong nagsuot ng maskara ng isang masaya at butihing magiging asawa. Tinulungan niya ito kung papaano panatilihin iyon dahil siya ang magaling sa pagsusuot ng maskara.

Nanatili siya sa tabi nito sa buong kasal kaya randam niya rin ang nararandaman nito na parang mali ang ginawa nila. Mas lalo na nung pinayagan na siyang halikan ito.

Noong bata pa siya, ang alam niya ay kung hahalikan niya ang magiging asawa ay siya ang magiging pinakamasayang lalaki sa mundo. Ngunit, labag pa sa kalooban niyang halikan si Manuela. Pinatagal niya lang nang konti ngunit hindi niya idiniin. Parang naglapat nga lang ang mga labi nila at hindi niya pa alam kung ano nga ba ang pakiramdam noon.

At ngayong nakauwi na sila sa magiging tahanan ay hinayaan niya itong dumiretso sa kwarto nila. Sumandal siya sa pinto at naririnig niya ang hindi napigilang paghikbi nito, narinig niya rin ang paghihingi nito ng paumanhin kay Apolinario. Na hindi ito naghintay. Na hindi ito umasa na maaring baka bumalik pa rin ito. Na hinayaan niyang halikan ito ng ibang lalaki. Na hinayaan nitong makasal.

Naiintindihan niya ang sakit na nararandaman nito dahil pati siya ay nakakarandaman na parang may ginawa siyang masama. Na parang may ninakaw siya. Na parang nang-angkin siya ng hindi para sa kanya. Pakiramdam niya ay trinaydor niya rin ang sarili na matagal na nangakong hindi gigitna. Ngunit, andito siya. Suot niya ang singsing na simbolong asawa na niya sa batas at sa simbahan si Manuela.

Kahit bumalik man si Pole o hindi, hindi na nila magagawang maputol ang isang bagay na permanente na sa lahat.

Kinatok niya ito at sa marahang boses, "Manuela, asa sala lamang ako kung ako'y iyong kailangan. Doon na rin ako matutulog."

Hindi ito sumagot at hindi niya alam kung narinig ba siya nito. Ngunit, hindi na siya nanatili roon. Sa halip, umalis siya at pumunta sa sala. Humiga siya sa ratan at tumingala sa kisame. Hindi niya alam kung magagawa niya bang gawing tahanan ito para kay Manuela. Sa ngayon, isa lamang iyong bahay na may apat na haligi. Magarbo dahil isa siyang Senyor at tagapagmana. Ngunit, walang kaluluwa. Walang kahit na ano bukod sa dalawang taong pinilit maging mag-asawa.

Parang mabilis ang mga nangyari at ang boses na lagi niyang isinasantabi dahil ang alam niya'y tama ang iniisip niya ay nagsimula ng mas lumakas ngayon.

Siya ang sinisi.

Siya ang nagmamadali.

Siya ay naging makasarili.

Napakasaya sigurong tanggalin muna ang utak, kahit saglit lang, para hindi nito isinisisi o pinapalala ang mga bagay-bagay.

[ ika-siyam na araw ng Abril, 1903 ]

"Isang taon kaming nasanay sa presensya ng isa't isa. Hindi naging madali iyon dahil pakiramdam talaga namin ay nagtaksil kami sa iyo, Pole. Ngunit, sa isang taon ring iyon... doon nagbunga ang pagsubok naming maging mag-asawa, dahil sa susunod na taon ay ipinanganak si Lela..." Saglit siyang tinignan ni Isidro, nais siguro nitong kastiguhin ang magiging ekspresyon niya.

Hindi hinayaan ni Apolinario na makakuha ito ng kahit na anong sagot mula sa kanyang mukha kaya pinanatili niya lamang iyong patag. Ayaw niya ring isipin ang sinabi nito. At ngayon pa lang na naririnig niya ang rason kung bakit naging mag-asawa ang dalawa at ang malungkot na simula noon ay palihim niya ring sinisi ang sarili. Ngunit, pinatatag niya na lamang ang ekspresyon dahil huli naman na ang lahat.

"Ako ang nagpangalan sa kanya, Pole. Ginawa ko ang pinangako ko kay Manuela. Tumanggi man siyang gawin iyon ay ipinilit ko. Kwinestiyon na ako ni Samaniego, ni Eustacio, ni Manolo, at ni Montego. Ngunit, wala akong pakialam. Bagay naman sa aming panganay ang pangalang iyon."

Dito naman siya hindi nakatiis. Imposibleng may taong kayang magpaka-martir nang ganito. Alam niyang maaring may rason ito o maaring hindi ito nagpapakatotoo sa kanya. Kung marunong lang talaga siyang basahin ang ekspresyon ng senyor.

Mataman niyang tinitigan si Isidro. "...Sa mga sinasabi mo ay parang naniniwala kang ni minsan ay hindi ka talaga minahal ni Manuela. Hindi ako naniniwalang gagawin niya iyon sa'yo, Isidro. Gayong andami mo nang isinuko sa kanya.

"Alam kong minahal ka niya. Ikaw ang nagsilbi niyang lakas nang panahong wala ako sa kanyang tabi. Pati ako ay humahanga sa iyong tatag at sigurado akong ganoon rin siya."

Pagbaliktarin man nila ang mundo ay alam niyang malaki ang puso ni Manuela. Hindi man nito pinapasok ng ganoon kadali sa puso nito ang naging asawa ay alam niyang may pagmamahal rin itong inilaan para rito. Kaya alam niyang nasuklian rin ang pagmamahal ni Isidro para kay Manuela.

Tipid na ngiti ang binigay sa kanya ni Sidro. "Ang akala ko ay totoo iyan, Ginoo. Ang akala ko ay dahil anim na taon na kaming magkasama ay maaring naibaling niya nga sa akin ang kanyang atensyon kahit katiting lamang. Ang akala ko ay hindi ako sakim. Ngunit..."

Huminga ito nang malalim at nakita niya ang saglit na pagtigas ng ekspresyon nito. "Malapit na palang matapos ang parte ko sa istoryang ito. May ikwekwento pa ako sa iyo, Pole. Ngunit, bago iyon, ang talagang rason kung bakit ako naparito ay dahil gusto kitang dalhin sa puntod ni Manuela. Isa iyon sa mga huling hiling niya sa akin," ginawaran siya nito ng isang mapait na ngiti, "Patawarin mo sana ako kung ngayon lamang ako nagkaroon ng lakas ng loob na ayain ka."

Gulat na napatingin siya rito. Ni minsan ay hindi niya naisip na may makakaisip ngang dalhin siya sa puntod ng iniirog. Ilang beses na niyang pinadalhan si Socorro ng sulat para sabihin nito kung asaan inilibing si Manuela. Hindi pa ito sumasagot kaya pasensyoso na lamang siyang naghihintay ng liham mula rito

"M-Maraming salamat, Isidro," wika niya sa nabasag na boses. Lumalamlam na rin ang kanyang mata at nais niya sanang lumuha ngunit pinigilan niya ang sarili.

Umiling lang ito. "Mas ikaw ang dapat kong pasalamatan dahil hindi ka nagreklamo ni minsan kahit na pakiramdam ko ay kailangan mo akong suntukin dahil sa mga ginawa ko. At utang ko ito sa'yo, Pole. Utang ko ito sa inyong dalawa ni Manuela."

Kung sinisi na niya ang sarili sa naganap ay may mas malala pa pala sa kanya. Tumango na lamang siya at tumayo naman si Isidro, ito na ang tumulong sa kanyang madala sa kalesa. Ito na rin ang naglagay ng kanyang upuan sa likuran.

At nang magsimula nang gumalaw ang kalesa ay doon lamang ito nagpatuloy.

At nang magsimula nang gumalaw ang kalesa ay doon lamang ito nagpatuloy

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.
Limang Minuto: Mga Liham para kay Ginoong Mabini ꞁ ✓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon