s: si Senyor Salazar [ 3.2 ]

72 8 80
                                    

Wala pang mahigit walong minuto ay nakarating sila sa batis. Nauna siyang bumaba bago niya inalalayan si Manuela. Hindi naman siya hinintay nito. Sa halip, naglakad ito patungo sa batis at naupo sa batuhan. Patay ang mga matang nakatingin ito sa repleksyon sa tubig.

"Matagal na akong hindi nakabalik rito. Hindi man lang ito nagbago," sa walang emosyong boses ay wika ng dalaga. Pinaningkitan nito ng mata ang repleksyon sa tubig.

Alanganing tinabihan niya ito. Doon lang siya mas kinabahan at unti-unting nawala ang lakas ng loob na nagtutulak sa kanya kanina. "Patawarin mo ako, Binibini. Ngunit, wala na akong alam na mas pribado pa bukod sa lugar na ito."

"Naalala ko na kung sino ka. Ikaw si Ginoong Isidro, hindi ba?" pag-iiba nito sa usapan. Itinaas nito ang ulo upang matamang tignan siya. Mabilis na tumango siya at nang ibinalik na nito ang tingin sa tubig ay bigla siyang napalunok.

Nakalimutan na ata niya kung ano nga ba ang dahilan kung bakit siya sumugod sa bahay ng mga Guevarra. Ngunit, ang mas nagpakaba sa kanya ay ang katotohanang wala ng buhay ang mga mata nito. Parehas sila ni Apolinario nang huli niya itong makita nang nakaraang linggo.

"Bakit gusto mo akong kausapin, Ginoo?"

Ibinuka niya ang bibig ngunit walang lumabas na mga salita mula roon. Parang pisikal siyang pinipigilan ng katawang magsalita. Tumikhim siya at pumikit bago muling nagsalita. "Narinig kong may balak ka na raw magpakasal. Ikaw ba ay talagang handa nang magpakasal?"

Marahang natawa ito at sa mapait na boses ay sumagot, "Sino bang may pakialam kung ako'y handa? Kung nais ko ba? Wala, Ginoo." Tinignan siya nito at kahit nakangiti ay hindi iyon umaabot sa mga mata ng dalaga. "Hindi na siguro basehan ang damdamin sa pagpapakasal sa ating mga mayayaman, ano, Ginoo? Basta magkasundo ang ibang tao ay basta na lang ikakasal ang mga--"

"Kung hindi mo naman pala gusto ay bakit hindi ka tumanggi? Bakit hindi mo hanapin si Apolinario at--"

Pinandilatan siya nito at napatigil siya sa pagsasalita dahil narandaman niya ang mahigpit na paghawak nito sa kanyang mga braso. May bahid ng pag-a-alala sa ekspresyon nito. "A-Ayos lang ba si Pole? Saan mo siya nakita?"

"Ayos lang siya, Manuela. Ngunit, tulad mo ay--"

Binitawan siya nito at nag-iwas ng tingin. "Siya ang tumapos sa relasyon namin, Ginoong Isidro. Siya ang umalis. At alam mo ba ang ibig sabihin noon? Hindi na siya babalik..." Nabasag ang boses nito sa huling binitawang mga salita at mukhang nais na naman nitong umiyak. "Alam kong ayaw niyang umalis... ngunit, hindi man lamang siya nangakong siya'y babalik."

Gusto niya itong yakapin at aluin, ngunit pinigil niya ang sarili. Ang magagawa niya lang ngayon ay subukan itong kumbinsihing puntahan muli sa Maynila si Apolinario at kausapin. Naniniwala siyang maari pa ring masalba ang relasyon ng dalawa. Gayong mukhang mahal na mahal pa rin naman nila ang isa't isa.

"Binibini, maaring sinabi niya lang iyon dahil nadala siya sa emosyon. Ngunit, naniniwala akong kapag kinausap mo siya muli ay maayos niyo rin ang lahat."

Matalim na tinignan siya ng dalaga at sa matalim na boses ay nagsalita ito. "Anong alam mo patungkol sa amin, Isidro? Nagsasalita ka na parang alam mo ang lahat nang naganap. Isa ka rin ba sa huhusga sa amin?"

Napaamang naman ang bibig niya sa sinabi ng dalaga. May punto nga naman ito. Hindi niya nga naman alam kung bakit naghiwalay ang dalawa. Ni hindi niya nga alam ang ibang parte ng kwento. Naroroon lang naman siya upang...

Kailangan niyang sabihin dito ang rason kung bakit alam niya.

"...Manuela."

"Sagutin mo ako, Isidro."

Limang Minuto: Mga Liham para kay Ginoong Mabini ꞁ ✓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon