s: si Senyor Salazar [ 2.3 ]

76 8 73
                                    

[ 1885 - Ang pagtatangka ]

Tatlong taon lang ang inilagi ni Isidro sa Pransya. Tatlong taon niyang sinubukang kalimutan si Manuela. Sa panahong iyon ay nagkaroon siya ng nobya. Minahal niya naman ang nobya at mahal rin naman siya nito kahit na magkaiba sila ng lahi at natural na sa mga taga-ibang bansa na maging mababa ang tingin sa kanilang mga Ilustrado.

Minahal niya si Augusta. Ngunit, hindi sapat upang manatili siya. Hindi sapat para maging katulad ng kay Manuela na makakarandam siya ng kakaibang kapayapaan ng dahil lang sa presensya nito. Ang sabi nga ng kapatid niya nang sinubukan nitong ibaling ang atensyon sa iba, hinahanap pa rin nito si Socorro.

Wala itong pakialam kahit na alam nitong parang imposibleng maibigay ni Socorro ang atensyon dito. Wala itong pakialam kung mukha na ba siyang nakikialam, nanghihimasok, nagiging martir. Ang nais lamang ng kapatid niya ay makasama at ibigin si Socorro. Maghihintay kahit na walang kasiguraduhan.

Tatlong taon. Nakakatawang akala niya ay makakalimot siya. Mabait naman si Augusta. Nakakausap niya ito sa lahat ng mga bagay na naiinteresan niya. Tinitignan siya nito na parang siya lang ang pinakagwapo, pinakamabait, at pinakapasensyong lalaki sa balat ng lupa. Matatamis na mga salita na sinabi naman nito sa sinserong boses at 'di naman ito marunong magsinungaling. 

Ngunit, mahirap sabihing mahal mo ang isang tao at panindigan iyon gayong kahit na sinusubukan mo ay tumitibok pa rin ang puso mo para sa iba. Para sa talagang nagmamay-ari niyon.

Kaya, hindi nagtagal ay bumalik siya. Sa pagbabalik niya ay wala si Manuela. Nasa Maynila raw ito kasama ni Socorro at nag-aaral na magpinta sa ilalim ng tiyahin ni Eustacio. Ang kapatid niya naman ay sa Maynila rin nag-aaral kaya naabutan niya itong nag-e-empake para sa pagbabalik nito roon nang dumating siya. At kahit kababalik niya ay sinabihan niya ang kapatid na gusto niyang sumama.

"Bakit ka sasama sa akin, Kuya? Sigurado ka bang hindi mo kailangang magpahinga muna?"

"Malayo naman ang paglalakbay natin kaya sa daan na lamang ako mamahinga."

Saglit na nanahimik ito bago pinaningkitan siya ng mata. "Ang akala ko ba'y masaya ka na kay Augusta."

"Nakita mo ba ang ekspresyon ko habang sinusulat ang mga liham na pinadala ko sa'yo?"

"Nagbibiro ka ba, Kuya?"

Baka nga.

"Ikaw ba? Mahal mo pa rin ba si Socorro kaya sa Maynila ka nag-aral?"

Ibinato na lamang niya rito ang tanong. Ayaw niyang sumagot. Kung tutuusin kaya naman siya sumama kahit na kararating lamang niya sa Pransya ay gusto niyang malaman kung si Manuela pa rin ba talaga ang nagmamay-ari ng puso niya. Kung tama ba ang desisyon niyang pakawalan ang isang mabuting babaeng katulad ni Augusta.

Nanahimik naman ang kapatid kaya binalingan niya ito at nakita niyang may malungkot na ngiting nakapaskil sa mga labi nito. "Anong nangyari, Samaniego?" tanong niya dahil alam niyang hindi ito magsasalita kung hindi niya ito tatanungin.

Kumurap-kurap ito at nagpilit na huwag maluha. "Nagkausap kami bago sila tumulak pa-Maynila. Sinabi ko sa kanyang mahal na mahal ko siya at kaya kong maghintay hanggang sa maghiwalay sila ni Eustacio. Ngunit, umiling lang siya at sinabi niyang naawa siya sa akin. Na hindi dapat ako namamalimos ng pag-ibig sa kanya gayong hindi niya kayang ibalik dahil si Eustacio lamang talaga ang iibigin niya."

Saglit na huminga ito nang malalim. "Sabi niya, itigil ko na ang paghahabol sa kanya. Na maghanap na ako ng taong mas nararapat sa aking nararandaman. Sukuan ko na raw siya. Syempre, ako'y tumanggi. Mag-a-apat na taon ko na siyang sinusubukang ligawan. Hindi naman dahil nauna si Eustacio ay hindi na ako maaring gumawa ng paraan para maging kami. Ngunit..."

Napahilamos ito ng mukha at natawa sa sarili. "Tama naman siya, Kuya. Ako na ri'y nasasaktan. Ang hirap humabol sa taong alam mong hindi titigil para sa iyo. Hindi naman ako manhid. Hindi naman ako tanga."

Tahimik niyang tinitigan ang kapatid at inabot ang likod nito para marahang paluin. Nagpapasalamat lang na ngumiti ito sa kanya. Parehas lang pala sila nang pinagdadaanan. Ngunit, mukhang mas malala ang epekto rito. Ito kasi ang mas tahasang humahabol. Siya ang patagong sumusuporta lamang at alam na hindi niya naman talaga makakamit ang pag-ibig nang minamahal.

Iba talaga na hindi sila parehas ng pagpapalaki. Parang ang sobrang pagkokontrol sa kanya ng Ama nang siya ay bata pa ay ganoon naman ang pagkaluwag nito kay Samaniego. Mas sensitibo at mas handa tuloy itong basta-bastang sumuong sa kahit na ano. Samantalang siya ay kontrolado, nakadikit lagi ang mga paa sa lupa, at ni minsan parang hindi pinayagang magkaroon ng emosyon o masaktan.

Hindi niya naman masasabing ayos lang na sumuko ito. Hindi naman ganoon kadali at pati naman siya ay iyon ang sinubukang gawin. Ngunit, hindi niya naman maaring diktahan ang sariling puso. Ang sabi nga ng Ama nila ay kung bata ka pa, mas mapusok ang iyong puso.

Mas bulag kang tumatawid kahit alam mong may kalesa na maaring basta-bastang bubundol sa'yo. Tatawid ka dahil naniniwala kang aayon rin ang lahat sa gusto mo. Ngunit, kapag lumaki ka na, malalaman mong hindi pala ganoon kadali ang lahat.

Bakit pa siya nito palalakihin na hindi magiging bulag sa kahit anong sitwasyon?

Kaya tahimik na lamang niyang inalo ang kapatid at hindi na ito nagsalita. Tahimik lamang itong lumuluha at hindi na rin nito pinahid. Napaisip tuloy siya kung hanggang kailan ito itinago ng kapatid. Sigurado kasi siyang malilintikan ito kung nakita man iyon ng kanilang Ama. Wala raw umiiyak na Salazar.

Kinuha niya ang sombrerong inilagay niya sa kanyang bagahe at isinuot iyon sa kapatid. Hindi naman ito nagtanong, basta mas isinuot lang nito ang sombrero sa ulo. Gusto niya ring umiyak. Ngunit, hindi niya alam kung ano nga ba ang iiyakan niya.

Bago siya umalis ng Pransya ay nakipaghiwalay siya kay Augusta. Umiiyak ito at niyakap niya na lang ito para aluin. Paulit-ulit siyang tinatanong nito, bakit?

Pourquoi, Isidro? Est-ce que j'ai fait quelque chose de mal?

"Bakit Isidro? May ginawa ba akong mali?"

Wala. Wala itong kasalanan.

Siya ang mali. Siya ang may mali.

Kaya hindi niya kayang lumuha dahil siya naman ang may kasalanan.

Kaya hindi niya kayang lumuha dahil siya naman ang may kasalanan

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.
Limang Minuto: Mga Liham para kay Ginoong Mabini ꞁ ✓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon