pangalawang liham : kasagutan

136 14 135
                                    

ikadalawampu't siyam ng Marso, 1903

Binibining Manuela, naaalala ko ang araw kung kailan ikaw mismo ang naiinis sa akin dahil pinipilit ko pa ring mag-aral kahit na ako'y inaatake ng malupit na ubo at nilalagnat. Nagawa mo akong puntahan sa aking tinutuluyan at basta ka lamang pumasok, ni hindi ka man lang kumatok.

Nang makita mo akong nagpupumilit na basahin ang aking mga aralin ay basta mo iyong hinablot mula sa aking mga kamay. Ako naman ang sunod mong hinila at dahil wala na akong lakas ay nagpahila ako sa'yo. Ihiniga mo ako sa kama at sabi mo, "Pole... Huwag na huwag kang gagalaw mula riyan kung hindi masasakal kita."

At para mas masiguro pang hindi ko talaga susubukang mag-aral muli ay kinuha mo ang mga binabasa ko at itinago iyon sa kung saan. Pagbalik mo, may dala kang batsa at bimpo. Umupo ka sa tabi ko at inilagay ang basang bimpo sa aking ulo bago mo ako kinumutan nang maayos.

"Nanahimik ka ata?" tanong mo sa akin habang gamit ang isang bimpo ay pinupunasan mo naman ang mga aking mga braso. Ikaw pa mismo ang nagtaas ng aking mga manggas at hindi ko alam kung kakabahan ba ako sa ginagawa mo o hindi.

"Iniisip ko pa kung nanaginip ba ako o hindi," naisagot ko na lamang sa iyo. Pakiramdam ko kasi ay nagdedeliryo lamang ako at dahil gustong-gusto kitang makita ay bigla ka na lamang nagpakita sa akin. Alam mo naman ang nagagawa ng lagnat sa isang tao.

Tinitigan mo naman ako at sinipat ang aking ekspresyon upang malaman mo kung ako ba ay seryoso o hindi. Binigyan kita ng alanganing ngiti. Wala ka nang sunod na sinabi, lumapit ka lang at narandaman ko na lamang ang mga labi mo sa akin. Mariing napapikit ako at tutugunin ko na sana ang iyong halik ngunit doon ka naman humiwalay sa akin. Isang maliit na ngiti ang lumitaw sa iyong mga labi. "May sakit ka, Pole."

"Ikaw ang humalik sa akin, Manuela."

Ngumiti ka lang at tinapos ang pagpupunas sa aking mga braso bago ka tumayong muli. Hindi naman na ako nag-alinlangang imahinasyon lang kita dahil sa ginawa mo kaya napapikit na lang ako. Palagi akong mag-isa dahil nag-a-aral ako sa malayong lugar.

Ikaw ang unang nag-alaga sa akin. Hindi ko nga alam kung papaano mo nalaman na may sakit ako. Ngunit, masaya akong dumating ka. Dahil kung sakali ay maaring nawalan lamang ako ng malay sa kalagitnaan ng pilit kong pag-intindi ng aking mga aralin. At iilan lang ang aking mga kaibigan kaya hindi na imposibleng walang nakapansing nawalan lang ako ng malay.

Ngunit sa iyong pagdating ay may nag-alaga sa akin. Nanatili ka sa aking tabi nang magdamag at kahit alam mong maaring kang mahawa ay natulog ka sa aking tabi. At totoo ngang mahahawaan kita sapagkat pagkagising natin ay ikaw na ang may sakit sa atin.

Sinubukan naman kitang pigilang umuwi at aalagaan na sana kita ngunit niyakap mo lang ako at sinabing kung ako'y mag-isa lang sa tinutuluyan ko ay may kasama ka. Kaya mas mabuti pang pumasok na lamang ako sa klase kaysa sa alalahanin ka. At dahil hindi naman na kita napilit ay patagong inihatid na lang kita pabalik sa iyong tinutuluyan. Sinubukan din kitang halikan bago ako umalis subalit maagap mo akong pinigilan at sinaway. Sinabi mo pang kung hindi ako aalis ay hahabulin mo ako ng walis.

Natutuwa naman ako sa alaalang iyon dahil hindi ko alam kung bakit natakot ako gayong ikaw naman ang may sakit at imposible namang magawa mo ang sinabi mo. Kaya siniguro ko na lamang na makapasok ka bago ako umalis. Ngayon na ako ay nagbabaliktanaw ay naiisip kong maaring sinadya mo akong halikan at sinadya mong dumikit sa akin para mailipat sa iyo ang sakit.

Ganyan ka katapang at ganyan din kabusilak ang iyong puso, Manuela. Kaya naman nang nabasa ko ang iyong pangalawang liham, napapangiti na lamang ako dahil iyon ang mga araw na lubos naman ang hiya mo sa akin. Hindi ko nga alam kung bakit sapagkat parang ang gaan lang naman sa iyo nang una tayong nag-usap noon.

Limang Minuto: Mga Liham para kay Ginoong Mabini ꞁ ✓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon