s: si Senyor Salazar [ 4.1 ]

71 9 94
                                    

[ 1894 - Ang pagbabalik ]

Anim na taon na silang kasal ni Manuela. Mayroon na silang limang taong gulang na anak na babae at isang buwang gulang na sanggol at siguro dahil doon ay nakalimot si Isidro. Nalimutan niya na siguro na hindi naman talaga sa kanya si Manuela. Nakalimutan niya na ang puso ng asawa ay pagmamay-ari ng isang binatang akala niya ay hindi na talaga babalik.

Nanaginip lang pala siya. Nakakatuwa dahil ilang beses niyang pinaalalahan ang sarili na panatilihin ang mga paa sa lupa. Ngunit, matapos niyang makayanan ang isang taong pag-aayos ng tahanan nila para mas maging komportable ang asawa ay nagsimula na siyang managinip. Nagsimula na siyang mag-isip na maaring matutunan ni Manuela na mahalin siya.

Matagal na pala siyang nakapikit. At nalaman lang niya ito ng isang araw ay masaya niyang kinuha ang sanggol sa asawa at hinalikan ito sa pisngi. Nagpahalik ito katulad ng dati at nakangiti na rin. Kakulay ng lupang mga mata ang nakapokus sa kanya hanggang sa bigla iyong nawala.

Parang sinapian ang asawa niya at basta nitong ipinasa sa kanya si Lela at nagsimulang maglakad. Siya naman ay parang nahipnotismo na sinundan ito ng tingin hanggang sa nakita niya ang rason ng biglang paglayo nito sa kanya.

Isa lang at dahil matagal na niyang tinitignan ito sa likod noon ay hinding-hindi niya makakalimutan kung sino ito: si Apolinario.

Anim na taon.

Isang araw.

Lumalayo si Manuela, naglalakad lang sa simula, hanggang sa halos patakbo na itong humabol sa papalayong kalesa.

Isang araw lang.

Nakatulala lang siya sa gitna ng daan. Wala siyang marinig na kahit anong ingay dahil parang biglang tumahimik ang mundo. Wala na rin siyang maramdaman kahit ang alam niya ay umiiyak na ang batang kanyang karga at kanina pa hinahatak ni Lela ang kanyang manggas.

Parang ngayon lang niya nakita nang mas malinaw ang mundong kanyang kinagagalawan at ngayon lang niya mas narandaman ang mga paa niyang nakatapak sa lupa.

Isang araw lang.

Hindi pa siya babalik sa huswisyo kung hindi pa siya itinulak ng kung sino. "May balak ka bang magpakamatay?" sigaw sa kanya ng isang babae habang hinahabol nito ang hininga. Nang hindi siya sumagot ay kinuha nito ang sanggol saka siya sinampal. Napakurap-kurap siya at napahawak sa pisngi.

Doon lang mas nagbalik ang pandinig niya. Pinandilatan niya ang babae at pati na ang umiiyak niyang anak na si Lela. Lumuhod siya sa harap ng bata at hinawakan ito sa magkabilang pisngi. "Ayos ka lang ba, anak? May masakit ba sa'yo?" nag-aalalang tanong niya.

Umiiyak na umiling naman ang bata at niyakap siya. Nahahapong binuhat niya naman ito bago muling binalingan ang babaeng ngayon naman ay pinapatahan ang sanggol. "P-Patawad at naabala ka namin, binibini."

"Hesus, Ginoong Maria," napapailing na wika ng babae na ngayong tinitignan niya ay nakilala niya. Ito ang matalik na kaibigan ni Mirabella, si Luciana. "Isidro naman. Pansinin mo naman ang iyong paligid. Huwag mong basta-bastang ikalat ang iyong sarili sa daan. Buti sana kung mag-isa ka lang o wala kang anak."

Naghigpit nang kaunti ang pagkakahawak niya kay Lela, "Ayos lang ba talaga sa aking mawala kung mag-isa lang ako o wala akong anak?"

Lumambot ang ekspresyon ni Luciana at napapailing muli bago nag-iwas na lang ng tingin. Napansin niya rin ang pamumula ng mga pisngi ng dalaga. "B-Binibigyan lang kita ng ehemplo ngunit hindi ko tahasang sinasabing basta kitilin mo ang iyong buhay. Mabuti na lang talaga at nakita kita. Kung hindi lang ako narindi sa paghaharutan ni Mirabella at Samaniego ay nakisabay na ako sa pagbisita sa inyo ni Manuela."

Limang Minuto: Mga Liham para kay Ginoong Mabini ꞁ ✓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon