panglimang liham: kasagutan [ 1 / 3 ]

104 13 88
                                    

ika-unang araw ng Abril, 1903

Magandang gabi, Binibining Manuela. Nang mga araw na iyon ay hindi ko alam kung paano maging isang nobyo. Ikaw kasi ang aking unang nobya at ako ay natatakot na baka may magawa akong mali o may masabi akong mali. Hindi ko rin maisip ang aking sariling magagawa kung ano man ang nagagawa nang magkasintahang Eustacio at Socorro, o ng iba ko pang mga kaklaseng may kasintahan. At naniniwala akong maaring matakot ka sa akin kung sakaling sinubukan ko man at maaring ako rin ay mahiya nang magpakita muli sa'yo.

May naidudulot ka ring maganda sa akin, Manuela. Ako rin ay mas nakakapag-aral sa tuwing alam kong nandyan ka. Minsan kapag hindi ko maintindihan ang isang aralin ay mapapatitig ako sa iyo. Nakatutok ka lamang sa iyong dalang libro, ngunit may munting ngiti kang pinipigilan. Minsan, bigla kang mapapakunot ng noo. Minsan, mukha kang maluluha.

Napakadami ng kaya mong gawing ekspresyon at natutuwa ako dahil ako lamang ang nakakita noon.

Hindi ko alam kung papaano ka naapektuhan ng mga kataga, mahal ko. Ngunit alam kong ang ibig sabihin niyon ay mayroon kang busilak na puso. Nararamdam mo ang mga kataga kahit na wala namang litrato ang binabasa mong libro.

Minsan, gusto na kitang tabihan upang malaman ko naman kung ano ba ang iyong binabasa at nang makasalo kita sa mga emosyong iyong nadarama. Ngunit, dahil hawak-hawak ko rin ang aking mga aralin, nakuntento na lamang akong hulaan kung ano man ang nangyayari sa iyong binabasa. Iyon na nga siguro ang nakasanayan kong gawin na pampalipas oras.

Ako ay lubos na nagpapasalamat sa iyo, Binibini. Sapagkat, kahit na ako'y hindi masyadong nagpapakita ng aking damdamin ay hindi ka nagrereklamo. Ayos lang rin sa iyo na ako'y tahimik, na ako'y bumabati lamang minsan at nagpapaalam sa iyo.

Hindi ko alam kung papaano mo iyon kinaya ng isang buwan. Ang buong akala ko ay susugurin mo na ako matapos ang isang linggo at ako'y iyong tatanungin. Napakalaki ng pasensya mo sa akin at tama ka na parang ikaw na nga talaga ang lalaki sa ating relasyon.

Manuela, minsan ko nang napanaginipang ikakasal ka sa akin. Maganda ang panahon sa aking panaginip at doon sa batis naganap ang ating kasal. Marami tayong mga bisita, lahat sila ay nakaputi. Naroroon ang aking mga magulang, ang aking mga kapatid, at ang iyong mga magulang at ang iyong mga kapatid. Naroroon rin si Eustacio, Socorro, at ang iba pa nating kakilala. Ngunit, hindi sila ang aking tinitignan.

Ang aking mga mata ay nakapako lamang sa iyo. Naglalakad ka patungo sa akin, suot ang isang puting traja de boda. Hawak-hawak mo ang isang balumbon ng bulaklak na orkidya. Malawak ang iyong ngiti. Malawak ang aking ngiti.

Ngunit bago ka pa makalapit, ako ay magigising at mapapailing na lamang habang sinusubukang hindi masaktan.

Kung naroroon man ako ng araw na iyon, oo, Manuela, ako ang magiging pinakamasayang lalaki sa mundo.

NAPANSIN ni Apolinario na mukhang nakatulog si Manuela. Buti na lamang at napatingin siya rito dahil muntik na itong mahulog sa batis. Dali-dali niya itong pinuntahan at sinalo. Pigil ang hiningang niyakap niya ang nobya at mabilis niya ring kinuha ang librong binabasa nito bago pa iyon mahulog sa tubig.

Nakahinga lamang siya nang maluwag nang magawa na niya itong mailayo nang bahagya.

Doon niya naman napagtantong hawak-hawak niya pala ito. Parang may binuksan sa kanyang puso at biglang lumakas ang tibok noon at uminit ang kanyang mukha. Mas lalo pa iyong naghurumentado nang inayos pa ng dalaga ang sarili at isinilid nito ang mukha sa kanyang balikat.

Limang Minuto: Mga Liham para kay Ginoong Mabini ꞁ ✓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon