BO - Chapter 33

9.3K 167 19
                                    

CHAPTER 33


[PAOLO's P.O.V.]

Kasalukuyan akong nagliligpit ng pinagkainan namin nang biglang pumasok si tita Mira sa kusina na may dala-dalang parang photo album.

"Ah, 'nak?" Nilingon ko naman siya habang nagpupunas ng mga kamay ko sa suot kong apron dahil tapos na rin naman ako maghugas ng mga pinggan.

"Po?" Magalang at nagtataka kong tanong.

"Pwede ka bang makausap sandali?"

Pumayag naman ako at saka kami nagpunta sa sala nila.

Tatlong araw na akong dito tumutuloy. At sa mga nakalipas na araw, ngayon lang ako inaya ni tita Mira na makausap nang masinsinan.

Pagkaupo niya sa mahabang sofa ay iminuwestra niya sa akin na umupo sa tabi niya. Pagkaupo ko ay hindi agad ako nagsalita at hinihintay ko lang kung ano ang sasabihin niya. Nakakalong pa rin sa kanya ang photo album na dala-dala niya kanina.

"Pwede mo bang ikwento sa akin ang tungkol sa pamilya mo?" Bungad niya sa usapan.

Nagtataka man ay napangiti na lang ako. Bigla kong namiss sila nanay at tatay. Yumuko ako bago magsalita.

"Ah. Sina nanay at tatay po ba?" Napangiti ulit ako. "Sa totoo lang po, sila po ang pansamantalang tumatayo kong mga magulang." Napahinto ako. Hindi ko alam kung itutuloy ko ba o hindi.

"Anong ibig mong sabihin? Na hindi mo talaga sila kaano-ano?" Napabuntong-hininga ako sa tanong niya.

"Sa totoo lang, hindi po. Pero mahalaga po sila sa akin dahil--" Napatigil ako at napatingin kay tita Mira nang ipatong niya ang mga kamay niya sa isang kamay ko.

"Ang totoo nyan," Huminga siya nang malalim, "Kaya kita gustong makausap ay dahil gusto ko sanang makita mo ito." At saka niya pinatong sa mga hita ko ang photo album.

Nagtataka ko naman itong tiningnan bago muling ibaling sa kanya ang mga mata ko. "Ano pong meron dito?"

Bahagya siyang ngumiti na hindi naman umabot sa mga mata niya. "'Yan ay ang photo album ng nawawala kong anak na si Luke mula pa nung bata pa siya." Lalong nangunot ang noo ko sa pagtataka. "Gusto ko sanang makita mo 'yan."

Bago pa man ako makapagsalita ay niyakap na niya ako at saka umakyat sa kwarto nila.

Naiwan naman ako sa sala na nagtatakang nakatingin sa photo album na hawak hawak ko. Hindi ko alam pero biglang bumilis ang tibok ng puso ko sa kaba. Malakas ang pakiramdam ko na malaki ang kinalaman nito sa akin.

Huminga muna ako nang malalim bago buklatin ang photo album.

Unang bumungad sa akin ay ang nakatawang letrato ng isang baby na sa tantya ko ay isang taong gulang pa lamang. Nakadikit ito sa pinakagitna ng pahina. At sa may bandang ibaba ng letrato, may naka-printed na Luke De Merced.

Ahh. So, ito pala 'yung anak ni tita Mira.

Binuklat ko pa sa sunod na pahina, picture naman ito na karga ni tita Mira 'yung anak niya habang nakahawak sa braso ng baby at nakangiti sa tapat ng camera. Sumunod naman na picture paglipat ko ng pahina ay si tito Celso naman ang may karga sa baby, nasa parehong lugar din sila.

Nasaan na kaya 'yung anak nila?

Sa pagbuklat ko ng bawat pahina, ilang pictures din ang baby pa lang 'yung anak nilang si Luke, hanggang sa mapatigil ako sa isang pahina. Nasa letrato na hinihipan nung Luke na anak nila ang kandila na number five sa birthday cake.

Hindi ko alam pero nakaramdam na lang ako bigla ng pagkirot ng sentido ko, kaya napahilot ako sa may bandang ulo ko.

Muli kong binuklat ang pahina at sa picture naman ay naroon sila sa isang beach resort, kasama si tita Rian, si tito Liam, isang batang lalaki na sa tantya ko ay nasa labing-isa o labindalawang taong gulang, at ang isang batang babae na parang mga pitong taong gulang pa lang. Sa letrato ay magkakaakbay ang mag-aasawa, habang ang batang lalaki naman ay nakatingin nang mataman sa batang babae habang hawak ang isang kamay nito. Samantala, ang batang babae naman ay nakangiting nakatingin sa anak ni tita Mira na sa tantya ko ay nasa walong taong gulang. Ganon din naman ang anak ni tita Mira na nakangiti at nakatingin lang din sa batang babae.

Brother's Obsession [EDITING]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon