DENISE
Ang sabi nila tanga ako pagdating sa pag ibig. Ang sabi nila martyr daw ako. Ang sabi nila madali daw akong maloko.
Sa ikatlong pagkakataon ay nahuli ko ang pangatlong boyfriend ko na may kasamang ibang babae. At ang pinakamasakit? Talagang ipinangalandakan pa niya sa mukha ko ang pagtataksil niya dahil doon sila mismo nagcheck in sa hotel kung saan ako nagtatrabaho.
Imbes na magwala ay nginitian ko sila.
"Good evening Ma'am, Sir." nakangiting bati ko sa kanila.
Umigting ang panga ni Ryan dahil sa aking inakto.
"Isang room. Yung deluxe." matigas na sabi niya.
"Wait a minute, Sir." magalang kong tugon.
"4,500 po Sir. May free breakfast na po iyon bukas ng umaga."
"Hindi ka ba magagalit?" tanong niya dahilan para matigil ako sa pagpindot sa computer na nasa harapan ko.
"Excuse me, Sir?" magalang pa ding tugon ko.
"The fuck, Denise!" galit na sigaw niya. "Boyfriend mo ako pero bakit ganito ang inaakto mo? Awayin mo ako! May kasama akong ibang babae oh!" sigaw niya dahilan para mapatingin ang ibang guest at mga katrabaho ko sa amin.
"Alam mo pa lang boyfriend kita pero bakit ganito ang ginagawa mo?" malumanay kong tanong. "It's okay, Ryan. Alam kong may pangangailangan ka at hindi ko maibibigay iyon. Hindi kita aawayin dahil alam mong hindi ako ganoon. Kung ayaw mo na sa akin ay maiintindihan ko."
Tinignan niya ako na para bang hindi niya ako kilala.
"Do you really love me?"
"Oo naman kaya nga hinahayaan kitang gawin kung ano ang makapagpapasaya sayo." nginitian ko siya.
Napailing siya at tahimik na natawa. Bigla na lang siyang umalis at iniwan sa harapan ko ang babaeng kasama niya.
"Wait! Ryan!" hinabol siya ng babae at sinundan ko lamang sila ng tingin hanggang sa mawala sila sa aking paningin.
Napabuntong hininga na lang ako at nginitian ang ibang mga guest na nakatingin pa din sa akin.
"Uy girl!" napatingin ako ng kalabitin ako ni Rowena. "Ano? Pinakawalan mo na naman ng ganun ganun lang?" hindi makapaniwalang tanong niya.
"Wala naman akong magagawa. Kung doon siya masaya eh di magpakasaya siya." kaswal kong sagot.
"Pero girl! Dyowa mo yun! Boyfriend mo! Bakit hinahayaan mo?" hindi makapaniwalang tanong niya. "Noong una si Rico, tapos si Louie at ngayon si Ryan? Kaya nila ginagawa sayo yan kasi hindi ka lumalaban. Hindi ka nagagalit."
"Wena, kung talagang mahal nila ako di ba dapat hindi sila gagawa ng mga bagay na ikasasama ng loob ko? Nang ikagagalit ko? Isa pa, nakakapagod lang makipag away."
"Alam mo girl? Hindi ko alam kung ganyan ka lang talaga kabait o baka naman hindi mo talaga mahal yung mga nagiging dyowa mo?" naiiling na tanong niya.
"Mahal ko naman sila pero hindi ko ipipilit ang sarili ko sa kanila kung ayaw nila sa akin."
Kinabukasan ay maaga akong naglaba. Night shift kasi ang schedule ko ngayon at balak kong mamaya na lang ulit matulog para naman mainitan ang mga lalabhan ko.
Nagtext kagabi si Ryan at nagsorry. Pinatawad ko naman siya pero sinabi kong ayaw ko na. Nagawa lang daw niya iyon dahil pakiramdam niya hindi ko talaga siya mahal. Mahal ko naman siya. Hindi naman siguro kami aabot ng pitong buwan kung hindi di ba?
Isa pa, bakit ko kailangang ipaglaban ang taong gumagawa na ng paraan para hiwalayan ko?
Tanggap ko naman na boring talaga akong maging girlfriend. Puro trabaho ang inaatupag ko. Kapag nakikipagdate naman ay tahimik lang din ako. Hanggang kiss sa labi lang ang kaya kong ibigay kaya hindi na din ako nagugulat kapag pinagpapalit nila ako sa iba. Okay lang naman. No hard feelings.
Mag isa na lang ako dahil noong grumaduate ako sa college ay namatay ang parents ko dahil sa isang car accident. May iniwan naman sila sa aking sarili naming bahay. Noong nagpakasal kasi sila ay ito talaga ang una nilang ipinundar kaya hindi ko problema ang pagbabayad sa renta. Tubig, kuryente at pagkain lang ang pinagkakagastusan ko.
Mag iisang taon na din akong nagtatrabaho sa El Grande Hotel at maayos naman ang trabaho ko doon. Mabait ang mga katrabaho at mga manager namin.
Nahinto ako sa pagsasampay ng marinig ang pagring ng cellphone ko. Nagpunas ako ng kamay at kinuha ang cellphone ko na nakapatong sa lamesa sa may dining. Magkalapit lang kasi ang laundry area at dining kaya narinig ko agad.
"Hello Rowena?" bati ko sa aking kaibigan ng masagot ang kaniyang tawag.
"Girl! Pumunta ka na dito sa hotel! Ang lukaret na Shantal kasi ay umabsent. Walang ibang front desk dito kaya pinatawagan ka ni Ma'am Ana."
"Ganun ba?" Napatingin ako sa mga labahin ko. "Okay sige. Maliligo lang ako."
"Ingat ka! Bye!"
"Bye."