DENISE
Paggising ko kinabukasan ay mukha akong walking dead. Hindi kasi ako nakatulog ng maayos kagabi dahil hindi mawala sa isip ko ang nangyari kagabi.
Totoo bang liligawan niya ako?
Nakagat ko ang aking pang ibabang labi at natulala na lang sa kisame ng aking kwarto. Napailing iling ako at napabuntong hininga. Nanlaki ang aking mga mata at agad na napabangon ng marinig na may kumakatok sa pintuan.
Agad akong tumayo at tinignan sa salamin ang aking itsura. Nangingitim ang ilalim ng aking mga mata at sobrang gulo ng aking buhok. Lalo akong nataranta ng marinig ko na ang boses ni Van mula sa labas ng bahay.
"Denise!"
Tumakbo ako papunta sa CR at agad na naghilamos. Nilagyan ko ng concealer ang aking eyebags at nagsuklay ng buhok bago ko tuluyang buksan ang pintuan.
"Ang aga mo ah." bungad ko sa kaniya.
"Nagising ba kita?"
"Ah hindi naman. Pasok ka." nilakihan ko ang bukas sa pintuan para makapasok siya.
"Nagluto ka na ba ng breakfast?"
"Ah hindi pa eh. Hindi ka pa ba kumakain? Anong gusto mo?" sunud sunod kong tanong.
"Good. Magbihis ka na. I'll wait you here."
"Huh?" kunot noo kong tanong.
Ngumiti lang siya kaya naman kahit naguguluhan ay bumalik ako sa aking kwarto para magbihis.
"Hmm. Saan ba tayo pupunta?" tanong ko ng makasakay kami sa kaniyang sasakyan. "May pasok pa kasi ako mamaya."
"What time?"
"After lunch pa naman."
"Dala mo na ba yung uniform mo?"
"Hindi pa eh. Matatagalan ba tayo?" napanguso ako dahil hindi man lang niya ako nililingon. "Van?"
"Hindi naman. Kakain lang tayo ng breakfast."
Nanahimik na lang ako at tumingin sa labas ng bintana. Medyo makulimlim at sana lang ay wag umulan. Agad ko siyang nilingon ng makita kung saan kami huminto.
"Van."
Ngumiti lang siya at lumabas na ng sasakyan. Umikot siya at pinagbuksan din ako ng pintuan.
"Noong college ay palagi kitang nakikita dito every morning. Baka lang namimiss mo na ang lugar na ito."
Napangiti ako at niyakap siya.
"Thanks Van."
"My pleasure."
Agad akong pumasok sa karinderya ni Nanay Osang at agad napangiti ng makita siyang nagluluto.
"Nay!" nag angat siya ng tingin at natigil sa ginagawa ng makita ako.
"Den Den?" ngumiti siya ng malawak at tumakbo palapit sa akin. "Naku anak! Kamusta ka na?"
Niyakap ko siya ng mahigpit na ikinatawa niya.
"I miss you Nay. Sorry ngayon lang ako ulit nakabalik."
"Ano ka ba? Wala yun." napatingin siya sa aking likuran at nakangisi na ng tignan akong muli. "May kasama ka ng boyfriend ah."
"Nay!" nahihiyang saway ko sa kaniya.
"Good morning po." magalang na bati ni Van kay Nanay. "Ako po si Van. Manliligaw ni Denise." nanlaki ang aking mga mata dahil sa narinig.
"Mukhang mabait ka hijo! Salamat naman at dinala mo si Den Den dito." tinapik niya ako sa balikat at nginitian. "Oh sige na! Maupo na kayo at ihahain ko na ang paborito mo."
"Salamat Nay."
Nang makaupo ay napangiti ako ng mapansin ang malaking pagbabago sa karinderya ni Nanay Osang. Marami ng tao ang kumakain at bago na din ang mga lamesa at upuan.
"Noong college ako kapag hindi ako nakakapagbaon ng lunch ay dito ako kumakain. Medyo mahal kasi yung pagkain sa cafeteria natin." napangiti ako habang nagkukwento kay Van. "Nakilala ko si Nanay na naging pangalawang Mama ko na. Palagi niya akong pinagtatabi ng paborito kong ulam noon. Kapag nalalate ako ng dating dito nag aalala na siya agad." napabuntong hininga ako at tinignan siyang mabuti. "Thank you, Van. Thanks for bringing me back here."
"Your happiness is my priority now, Denise."
Kinagat ko ang aking pang ibabang labi para mapigilan ang pagngiti pero hindi ako nagtagumpay. Nailing na lang ako at pinanatili ang ngiti sa aking mukha.
Pagkatapos kumain ay inihatid din ako ni Van sa bahay para makapagpahinga muna bago pumasok sa trabaho mamaya. Nangako ako kay Nanay Osang na babalik ako doon kapag day off ko. Mangiyak ngiyak pa nga siya kanina dahil baka matagalan na naman daw akong bumalik doon.
"May pupuntahan ka pa ba pagkatapos mo akong ihatid?"
"Pupunta ako sa company. Gusto kasi akong makausap ni Dad. Why?"
"Hmm. Wala naman."
"I'll call you later. Mag ingat ka pagpasok mo ha." sabi niya pagkarating namin sa bahay.
"Ikaw din. Ingat. Bye!" hinintay ko munang makalayo ang kaniyang sasakyan bago ako pumasok sa bahay.