( ANGELITO )
guRO ng isang pampublikong elementarya sa ikaapat na baitang si Grace. Unang araw ng klase, nakita niyang itinulak ng isang estudyanteng lalaki ang katabi nitong kaklaseng babae.
Nasaktan ang batang babae. Umiyak. Tinulungan niya itong bumangon at sinita ang salbaheng bata, “Bakit mo siya itinulak?”
Umirap pa ang salbahe. “Kasi, ma’m… ang dungis-dungis niya ang bahu-baho. Nakakadiri!”Natigilan si Grace. Sa narinig ay bigla siyang may naalala. Si Angelito.
Pero saglit lang iyon. Muli’y istriktong hinarap niya ang batang salbahe. “Huwag mo nang uulitin ‘yon, ha? Sige! Humingi ka ng sorry sa kanya.”
“Opo.”
Sinabihan ni Grace ang buong klase. “Class, huwag kayong mang-aaway ng kaklase, ha? Masama ‘yon.”
“Yes, ma ’m!” sabay—sabay na tugon ng mga estudyante.
Recess, tanging ang madungis na batang babae ang nalabi sa classroom. “Bakit hindi ka nagri-recess, Wenna?” tanong dito ni Grace.
“W-wala po akong pera,” nahihiyang tugon ng bata.
Hula niya’y iyon talaga ang dahilan. Nagtanong lang siya bilang panimulang usapan. “Halika, may baon ako hati tayo,” yaya niya sa bata.
Tumanggi ang bata pero pinilit ni Grace. Halatang gutom na gutom si Wenna habang kumakain. Mayamaya’y nagsimula na itong magkuwento. “Alam n’yo, ma’m tinutukso ako palagi ng aking mga kaeskuwela. Simula pa noong greyd wan. Marumi raw po ako..mabaho.”
“Talaga?”
“Opo. Sobra kung apihin nila ako. Tuloy, gusto ko na po sanang huminto na sa pag-aaral. Pero paano naman ako magkakaroon ng trabaho kung hindi ako makakatapos? Ulila na po ako sa ama at nag-iisang anak. Paano kami makakatakas sa kahirapan ni inay?”
Kung mangusap ang bata’y parang matanda. Nakakahanga. Kinurot ang puso ni Grace. Para talaga itong si Angelito.
BUMALIK sa alaala ni Grace ang nakaraan nila ni Angelito… Napasukan niya sa classroom na umiiyak si Angelito. Pinagkakaisahan ito ng mga kaklase. “Angelitong baho! Angelitong baho!” sabay-sabay nakutya ng mga ito.
“Quiet!” sigaw ni Grace.
Noon ay inis siya kay Angelito. Sa mga katulad niya.
“Kasalanan mo!” mariin niyang sabi habang pinagsasabihan si Angelito. “Ilang beses ko nang sinabi sa ‘yong mag-ayos ng sarili ay hindi mo naman sinusund.”
Minsan ay kinausap ng co-teacher si Grace tungkol kay Angelito. “Kapitbahay namin sina Angelito,” anito. “Nag-iisa siyang anak. Walang trabaho ang ama niyang lasenggo. Ang ina naman niya ay walang inatupag kundi ang magsugal. Siya ang gumagawa ng mga gawaing bahay at siya rin ang naghahanapbuhay. Sa umaga, bago siya pumasok sa eskuwela’y naglalako muna ng tinapay. Sa gabi naman e napupuyat sa pagtitinda ng balut. Kaya sana naman, Grace unawain mo ‘yong bata.”
Pero ewan ba ni Grace kung bakit mainit ang dugo niya kay Angelito…
“Pambihira ka, Angelito! Late ka na’y wala pang assignment!” sermon niya rito.
Madalas niyang napaparusahan ang kawawang si Angelito. “Ganyan ka hanggang sa matapos ang klase,” aniya kay Angelito habang nakaluhod ito at nakadipa. May nakapatong na mga libro sa ulo at sa magkabilang mga kamay.
“Buti nga sa ‘yo, Angelitong baho,” sabi pa ng ilang kaklase.
February 14, birthday ni Grace. Lahat nang estudyante at kani-kanilang mga parents ay kumbidado. Maliban kina Angelito.
“Tuloy kayo,” magiliw na sabi niya sa mga ito. “Nakahanda na ang pagkain.”
Alas-siyete ng gabi, biglang sumungit ang panahon. Mayamaya’y lumapit kay Grace ang kanyang katulong.
“Ma’m Grace, may naghahanap sa inyong batang lalaki. Parang pulubi,” anang kasambahay.
Sumilip sa pintuan si Grace. Kahit na may kadiliman at malakas ang ulan ay nasigurado niya kung sino ang nasa labas ng gate. Si Angelito. Babad na babad ng ulan. May dalang isang kumpol ng bulaklak ng ilang-ilang.
At sa kung anong bugso ng damdamin. Kumuha ng payong si Grace at mabilis na pinuntahan si Angelito.
“Angelito, pumasok ka. Basang-basa ka na!”
Malamlam ang mga mata ni Angelito.
“Huwag na po, ma’m. Ibibigay ko lang naman po sa inyo ang mga bulaklak na ito ng ilang-ilang. Alam ko pong paborito n’yo ito.”
Parang kinurot ang puso ni Grace. “Ha?”
Iniabot ni Angelito ang mga bulaklak ng ilang-ilang. “Maligayang kaarawan po, ma’m.”
“S-salamat.”
Inamoy ni Grace ang mga bulaklak. Ewan, pero parang iyon na ang pinakamakabuluhang regalong natanggap niya. “Pagkatapos ng mga pagmamalupit ko sa kanya ay nagawa pa niya akong alalahanin.” Nahihiya sa sariling sabi niya sa isip.
Bigla, parang bulang naglaho ang inis ni Grace kay Angelito. Dali-dali niyang binuksan ang gate. “Halika, Angelito. Pumasok ka. Baka magkasakit ka.”
“Hindi na po, ma’m. Aalis na po ako, e.”
“Basta, pumasok ka. Kumain ka muna. Marami akong handa.”
Biglang tumakbo si Angelito.
“Angelito! Sandali!”
Hinabol ni Grace si Angelito. Pero mabilis itong nakalayo. Nanlumo siya. Pagpasok niya sa bahay ay nagbukod siya ng mga pagkain. “Ibibigay ko ito kay Angelito bukas.”
Pero kinabukasan ay walang Angelito na sumipot sa kanyang klase. “Absent si Angelito. Baka nagkasakit siya dahil kagabi,” alalang sabi niya sa isip.
Nag-uumpisa nang magklase si Grace ng hangos na pumasok sa classroom ang co-teacher niya. “Grace, si Angelito …”
“B-bakit? A-ano’ng nangyari kay Angelito?” alalang tanong niya. Matagal bago nakapagsalita ang co-teacher. “P-patay na siya. Kahapon pa.”
Tigalgal si Grace.
Nagtungo kaagad siya sa barung-barong nina Angelito. Abang-aba ang burol nito. Tabla lang ang kabaong, at kung hindi pa siya dumating ay walang maitutulos na kandila.
Kinilabutan si Grace. Namatay si Angelito nang dahil sa pagkahulog sa puno ng ilang-ilang. Ang oras alas-singko ng hapon.
“Paanong nangyari iyon?” tanong niya sa sarili. “Pasado alas-siyete ay nasa amin siya. Diyos ko!”
Maliwanag na multo na lang ni Angelito ang kausap niya noong gabing birthday niya.
Mabigat ang mga paang lumapit sa kabaong ni Angelito si Grace. Ang tingin niya ay isang anghel ang natutulog. Isang anghel na pagod sa pakikipaglaban sa mga pagsubok ng buhay. Pumatak ang luha niya.
Ito ba ang Angelitong hindi niya magawang unawain? Ang Angelitong dapat niyang kainisan? “Kahit nasa kabilang buhay ka na’y ipinadama mo pa rin sa akin ang kahalagahan ko sa ‘yo. Pakaiingatan ko ang regalo mo sa akin, Angelito habang ako’y nabubuhay.”
NAPUTOL ang alaala ni Grace nang punahin siya ni Wenna.
“Ma’m, bakit po kayo umiiyak? Ma’m!”
Dali-dali niyang pinalis ang luha. “Ha? Hindi ako umiiyak. Napuwinglang ako.” Hinaplos niya sa buhok si Wenna. “Wenna, pagbutihin mo ang pag-aaral, ha? Huwag mong intindihin ang mga tumutukso sa‘yo. Kung may kailangan ka, sabihin mo lang sa akin.
“Opo, ma’am.”
Dumalaw si Grace sa puntod ni Angelito. Nagtulos siya ng kandila. “Angelito, ikaw ang nagbukas ng puso ko sa tunay na pagmamahal. Hinding—hindi kita malilimutan.”
Wakas
BINABASA MO ANG
ALL HORROR STORIES
HorrorHuwag Magbasa kung Walang Kasama © All Right Reserved 2014