( UNOS )
Ang Liputan ay isang baryo sa Meycauayan na nakalutang sa tubig. Isa itong munting isla na napalilibutan ng tubig. Maaari lang itong marating sa pamamagitan ng bangka.
Sa lugar na ito nakatira ang mag-anak na Santiago. Likas na mahirap ang pamilyang ito. Isang bangkero si Mang Uro noong ito’y nabubuhay pa. May maliit itong bangka na siyang ginagamit panghanapbuhay.
Naghahatid siya ng mga pasahero paroo’t parito sa isla ng Liputan.
Ngunit kailan lang ay sinamangpalad na mamatay si Mang Uro. Tumaob ang sinasakyan nitong bangka at kasama ng iba pang pasahero ay bumulusok sa maitim na tubig ng ilog Meycauayan. Sa mga sakay ng bangka, si Mang Uro ang nagbuwis ng buhay. Pinalad na makaligtas ang kanyang mga pasahero.
Naganap ang insidenteng iyon isang panahon na kasagsagan ng unos o bagyo. Doon lalong nadama ng iniwang pamilya ni Mang Uro ang kahirapan. Ang asawang si Mabel ay madalas pang may sakit. Anim ang kanilang mga anak. Ang panganay na si Leo, na edad 17 ang umako ng responsibilidad.
Ngunit hindi sinundan ni Leo ang yapak ng ama. Sa halip na maging bangkero, pinili nitong magkargador sa palengke ng Meycauayan.
Madaling araw pa lang ay sumasakay na ng bangka si Leo upang makarating sa palengke. Ang kita sa maghapong pagkakargador ay sinisikap niyang maiuwi kinagabihan upang may makain ang maliliit pa niyang mga kapatid at ang sakitin nilang ina. Napilitang balikatin ni Leo ang responsibilidad dahil wala itong iba pang maaasahan. Maliliit pa ang lima niyang kapatid. Ang ina nama’y sakitin.
Isang umaga ay tinanghali ng gising si Leo. Nasarapan ang kanyang tulog dahil sa malamig na klima. Umuulan kasi noon. May bagyo. Nang nagdaang gabi pa lang ay malakas na ang ulan.
“Kung ipagpaliban mo muna kaya ang alis mo, anak?”
Nakabihis na noon si Leo. Kupasing maong na shorts at lumang t-shirt ang suot nito.
“Hindi puwede, ‘Nay. Wala tayong ihahapunan kapag hindi ako pumunta ng palengke ngayon.”
“Pero malakas daw ang bagyong ito. Delikadong tumawid sa ilog. Anak…”
“Kapag takot ang pinairal natin, ‘Nay, mamamatay tayong pare-pareho ng dilat. Aalis na ho ako. Kayo na ang bahala rito. May maisasaing pa naman tayo para sa tanghalian. Iyong sardinas kong uwi kagabi ang ulamin ninyo. Aalis na ho ako.”
Maghapong umulan. Lubhang lumaki ang tubig sa ilog ng Meycauayan. Nasabay pa sa high tide. At maghapon ding basa ang buong katawan at damit na suot ni Leo. Ngunit hindi nito iyon alintana sa kagustuhang kumita ng karampot na pera sa pagbubuhat sa palengke.
Pagsapit ng gabi, tumindi pang lalo ang buhos ng ulan. Ang dati’y higit sa anim na mga bangkang pumapalaot sa ilog upang sumundo at maghatid sa pasahero ay naging isa na lang. Hindi na nakipagsapalaran marahil ang ibang bangkero dahil masungit ang panahon.
Hindi na nakaimik pa ang ina ni Leo. Ngunit ang totoo, aandap-andap ang loob nito sa pangambang mapahamak ang anak nang dahil sa unos.
Ang totoo, andap din ang loob ni Leo nang sakay na ng nag-iisang bangka. Lima silang sakay nito at pang-anim ang bangkero. Wala isa man sa mga sakay ng bangka ang nagtangka pang takpan ang sarili laban sa ulan. Sadyang malakas ang ulan kaya gamitan man ng payong ay balewala rin.
Bitbit ang bigas at ilang piraso ng isda, at ang kaunting baryang natira sa maghapon niyang kita, umuwi na si Leo sakay ng bangka.
Hindi pa nakakalayo sa pampang ang bangka ay muling bumuhos ang ulan. Sobrang lakas na may kasama pang hangin. Pagkuwa’y kumidlat kasunod ng nakabibinging kulog. Napatili ang nag-iisang babaeng sakay ng bangka.
Ang tiling iyon ay nasundan nang biglang gumewang ang bangka. Naalarma ang lahat. Sumigaw ang bangkero na huwag silang gumalaw at pumirmi lang. Ngunit ang totoo, kabado na rin noon ang bangkero.
Ang sumunod na pangyayari ay naging mabilis na. Hindi na nakontrol ng bangkero ang sitwasyon. Tuluyang tumaob ang bangka at ang sakay nito ay bumulusok sa madumi, maitim at maburak na tubig ng ilog.
Pagkalipas ng mahigit isang oras, halos napapitlag si Mabel pagkarinig sa sunud-sunod na katok. Agad nitong binuksan ang pintong halos magiba na sa kalumaan upang mamangha sa nakita.
“Diyos ko, anak! Ano’ng nangyari sa iyo?”
Halos makulapulan ng burak ang buong katawan ni Leo. Hapo at halos hindi nito magawang magsalita.
Tubig ang unang hiningi ni Leo. Kapiraso mang salita ay walang nasabi si Leo sa ina hanggang igupo ito ng antok.
Kinabukasan ay kumalat sa buong baryo ang masamang balita. Tatlo ang nawawala na sakay ng lumubog na bangka nang nagdaang gabi. Kasama ang bangkero. Ang dalawa ay lumutang at walang buhay.
Mula sa labas ay humahangos ng pasok si Mabel. Naabutan nito si Leo na nakaupo na waring tulala ang itsura.
“Diyos ko, anak! May nagbuwis na naman pala ng buhay sa ilog kagabi. Nawawala ang anak ni Imelda. Iyong isa, bangkero daw at iyong isa taga dulo daw at hindi pa umuuwi. Tiyak na sakay din daw iyon ng bangkang lumubog. Iyong dalawa naman…”
Humagulgol nang tuluyan si Leo sa buong pagkagulat ng kanyang ina.
“A-Anak…?”
“‘Nay… ‘Nay, sakay din ako ng bangkang iyon…”
Napaawang ang bibig ni Mabel. Mabilis na tumulo ang luha nito sabay kabig ng yakap sa anak.
“Diyos ko, anak…nakaligtas ka…salamat sa Diyos at nakaligtas ka.. .Diyos ko salamat po!”
Magkayakap na nag-iyakan ang mag-ina. Nang mahimasmasan si Leo ay saka ito muling nagsalita.
“Nay, h-hindi kayo maniniwala.. .s-si.. .Tatay… siya ang nagligtas sa akin kagabi…” kunot-noong napatitig sa anak si Mabel.
“Totoo ho.. .kitang-kita ko si Tatay.. .hinila niya ako.. .m-mahigpit niya akong niyakap, ‘Nay.
“A-Anak…?”
“I-Iyon lang ang natatandaan ko tapos.. .hindi ko na alam kung paano ako nakarating sa pampang.”
Katotohanan iyong wala nga marahil makapagpapatunay. Ngunit ang tulad ni Leo na nasuot sa bingit ng kamatayan ay hindi magagawang magsinungaling at humabi ng kuwento.
Pinaniwalaan ni Mabel ang sinabi ng anak. Marahil nga’y iniligtas ni Uro ang panganay na anak na tanging kakandili sa naiwan niyang pamilya.
Ang Wakas…
BINABASA MO ANG
ALL HORROR STORIES
HorrorHuwag Magbasa kung Walang Kasama © All Right Reserved 2014