( Call Center )
MAHIRAP ang trabaho ng isang call center agent. Halos laging gabi ang oras ng trabaho lalo na yung mga naa-assign sa graveyard Shift…
Si Leonarda ay isa lamang sa napakaraming mga call center agent. Dahil bihasa sa pag-i Ingles ay naging madali para sa kanya ang makapasok sa nasabing hanapbuhay.
Ashley ang nickname niya sa pinapasukang IT outsourcing company kung saan ay isa siyang inbound technical support representative.
Nakabase ang kanilang kumpanya sa Amerika kaya halos Amerikano ang kanyang mga callers. 10pm to 6am ang pasok niya kayat halos alas siyete pa lamang ay umaalis na siya buhat sa kanilang bahay sa Sampaloc sa Tanay Rizal patungong Makati city.
Bagong tayo pa lang ang dalawampung palapag na gusaling pinagtatrabahuhan ni Ashley. Ngunit kakatwang kahit noong bago pa lang itong itinatayo hanggang sa matapos na ang pagtatayo rito ay tila naging batbat na ng misteryo ang nasabing gusali.
Habang ginagawa at inilalagay pa lamang ang mga pundasyon ng gusaling iyon ay nahulugan ng mga bakal ang ilang trabahador na nagtatrabaho sa ibaba. Ang insidenteng ito ay nagresulta sa pagkamatay ng tatlong katao.
Nagkaroon din ng insidente kung saan ay nakuryente ang ilang electrician dahil pinagtrabaho pa rin ang mga ito sa kasagsagan ng bagyo. Nag-trip ang circuit breaker dahil tinamaan ng kidlat kaya nakuryente ang mga electrician na nagtatrabaho ng mga oras na iyon.
Nang matapos ang gusali ay may mga insidente namang nangyari kung saan ay tumalon mula sa pinakaituktok ng building ang isang empleyado ng call center na nasawi sa pag-ibig. May mga sumunod pang pangyayari kung saan ay may natagpuan na isang empleyado na nagbigti sa isa sa mga cr ng nasabing gusali dahil naging aburido ito sa problema sa pamilya.
Ang lahat ng mga pangyayari hinggil sa gusali ay hindi lingid sa kaalaman ng mga empleyado.
Sa katunayan ay ito ang isa sa pinakapaboritong paksa ng mga empleyadong katulad nina Ashley, Bert at Toni. “Alam n’yo sa palagay ko ay talagang kakaiba at haunted itong building natin dahil sa maraming hindi maipaliwanag na pangyayari,” sabi ni Ashley kina Bert at Toni na kasama niya noon sa loob ng elevator.
Ilang segundo pa ay biglang tumigil ang elevator. Bigla ring namatay ang ilaw nito. Walang operator ang elevator ngunit sa kada palapag na hinihintuan nito ay maririnig ang recorded voice ng isang babae na nagsasabi kung nasaang palapag ka na. Nang muling mag-ilaw sa loob ng elevator ay binalot ng kilabot ang tatlong magkaka-opisina dahil boses ng isang lalaki ang kanilang narinig. Iba ang boses na iyon at tila hindi mawari kung saan nanggagaling. Sa takot ay nagyakapan sina Ashley at Toni habang si Bert ay umuusal ng panalangin. Takot ang naramdaman ng tatlo hanggang sa huminto at bumukas ang pinto ng elevator sa ikaanim na palapag. Hindi na nila natandaan kung paano sila nakarating sa unang palapag at kung paano sila nakalabas ng gusali ng gabing iyon.
Ang sumunod na insidente ay talagang nagdulot ng kakaibang pakiramdam kay Ashley. Alas tres ng madaling araw noon. Nakapuwesto si Ashley sa “line 3″. “Hello technical support, how can I help you?” sagot ni Ashley sa linya. “Hey, is this 911 here? Please call the police, the national guard or even the FBI. For God’s sake, someone break in to our house and is slaughtering my family, please help!!!” at agad naputol ang linya.
Inakala ni Ashley na prankster lamang ang nasabing caller dahil may mga pagkakataon talaga na nakakatanggap siya ng mga kaparehong tawag kung saan ay nanloloko lamang ang nasa kabilang linya. Kagaya ng dati ay hindi na lang niya ito pinagtuunan ng pansin.
Lunes ng matanggap ni Ashley ang tawag na iyon. Martes ay muling tumawag ang nasabing caller sa ganoon ring oras ngunit ng mga panahong iyon ay nasa line 4 na siya.
Hindi katulad sa mga kaparehong tawag na natanggap na niya, nakaramdam ng kakaibang takot at kilabot sa katawan si Ashley dahil sa mga tawag na iyon.
Nagpasya si Ashley na magpalipat sa eighteenth floor kung saan ay mas marami sila at kung saan ay na-assign siya sa line 56. Miyerkules noon at pagsapit ng alas tres ng madaling araw ay tumawag pa rin ang misteryosong caller. Sa pagkakataong iyon ay nagawa niyang sumagot bago naputol ang linya.”Hey sir you might have dialled the wrong number, we’re quite a hundred miles away from each other. I don’t think I can help you with….” ngunit naputol na ang linya.
Ang caller ay halos isang linggong singkad na tumatawag kay Ashley nang walang patid tuwing alas tres ng madaling araw at magpalipat-lipat man siya ng telepono at floors ay laging sa kanya bumabagsak ang tawag na iyon.”
Makaraan pa ang ilang araw ay may nabasa si Ashley mula sa isang lumang diyaryo na kanyang nadampot sa kung saan hinggil sa isang sensational na balita na nalathala sa pahayagang iyon. Isang Kano ang pinatay sa loob ng condo kasama ang pamilya nito.
Napag-alaman ni Ashley na ang kaso pala ng napatay na Kano ay iniimbestigahan ng kanyang boyfriend na si Ronnie na isang pulis. Sa pagpapatuloy ng pagsisiyasat ay may naikuwento ang nobyo ni Ashley na si Ronnie habang pauwi na sila ng sunduin siya nito sa trabaho ng Sabadong iyon.
“Mahal, magulo ‘yung iniimbestigahan kong kaso ngayon. ‘Yung tungkol sa Amerikano na pinatay sa loob ng kanyang condo unit kasama ng kanyang pamilya. Nung i-check kasi namin ang mga cell phone na nakita namin sa crime scene, nakita ko na naka-register sa telepono niya ang number ng kompanya n’yo. Hindi ako maaaring magkamali dahil kabisado ko iyon dahil doon ka nga nagtatrabaho.”
Ewan ni Ashley kung bakit kinilabutan siya sa narinig mula sa nobyo. Kaagad niyang niyaya si Ronnie upang bumalik sa opisina. May gusto siyang tiyakin.
At hindi nga nagkamali ang kutob ni Ashley. Ang mga numerong nag-register sa caller ID ay ang cellphone number ng napatay na Amerikano. Lalong nanindig ang kanyang balahibo ng maisip niyang ang tumatawag pala sa kanya sa loob ng isang linggo ay isang linggo na ring patay sanhi ng isang karumal-dumal na krimen.
Ang inakala niyang overseas call ay mas malayo pa pala ang pinaggalingan dahil sahukay na ito nagmumula.
Isang taimtim na panalangin ang inialay ni Ashley para sa Amerikano at sa pamilya nito na pinatay Ipinanalangin niya na sana ay makamit ng mga ito ang katarungan nang matahimik na ang kaluluwa nito at nang hindi na rin sila gambalain na ang hangad lang ay maghanapbuhay ng malinis.
Ikaw kakayanin mo ba na ma-assign sa graveyard shift???
Wakas
BINABASA MO ANG
ALL HORROR STORIES
HorrorHuwag Magbasa kung Walang Kasama © All Right Reserved 2014