CHAPTER 22

3.2K 54 0
                                    

(  Boksingero )

“Ano ang dahilan at hindi mapanatag ang kaluluwa ng isang BOKSINGERO?”

Isa ako sa magagaling na boksingero ng Fistfighter’s Gym. Nakilala ko ang gym na ito dahil sa matalik kong kaibigang si Antonio “Batong Kamao” Vasquez.

Magaling talaga ang kaibigan kong ito. Naalala ko pa, madalas, sabay kaming nagte-training. Sabay na nagda-jogging sa umaga. Madalas din kaming magka-sparring (mag-kadibisyon kasi kami at iisa ang humahawak sa amin). Pareho din kaming nakatira sa dormitoryo sa loob mismo ng gym. Inaamin ko na nahihirapan akong kalaban siya at mas magaling siya sa akin. Masipag siyang mag-ensayo. Kung ako ay alas otso ng gabi kung lumabas sa gym siya naman ay alas-onse. Dedikado talaga siya at hangad na maging tanyag. Ito lamang din ang alam niyang ipambubuhay sa pamilya niya.

Dahil na rin sa kanyang dedikasyon, una siyang nabigyan ng pagkakataon kaysa sa akin. Marami siyang pinatumbang mga boksingero kaya mabilis siyang naging number one contender dito sa Pilipinas. Ngunit sa di-inaasahang pangyayari ay nagkagulo-gulo ang buhay niya. Namatayan siya ng anak. Labis niya itong dinibdib at napabayaan niya ang pagbuboksing. Sinabi ko sa kanya na huwag siyang susuko at ipagpatuloy niya ang laban. Ngunit talagang tuluyang bumagsak ang kanyang fighting spirit. Nalulong siya sa bisyo. Kung gaano naging mabilis ang kanyang pagsikat ganun din kabilis ang kanyang paglubog. Nagpumilit pa rin siya na lumaban kahit na walang ensayo. Sa una, nanalo pa rin siya. Ngunit dahil hindi na nga kundisyon ang kanyang katawan, napuruhan siya sa isa sa kanyang mga laban. Tatlong araw ang itinagal niya sa ospital at di naglaon ay binawian siya ng buhay. Pinarangalan siya ng may-ari ng gym na aming pinanggalingan. Ini-hang ang boxing gloves na kanyang ginamit sa isa sa mga sulok ng gym. Inilagay ito sa kuwadrong de-salamin.

Labis akong nalungkot at nanghinayang sa pagkawala niya. Nawalan ng sigla ang dormitoryo sa paningin ko sapagkat ang taong nagdala sa akin sa lugar na iyon ay wala na. Dahil doon, nagpasiya na rin akong tumigil sa paglaban. Ngunit may isang pangyayari na nagpabago ng aking desisyon.

Alas-nuebe ng gabi habang ako ay nasa tinutuluyan naming dorm, nag-iimpake na ako ng aking mga gamit, nang may marinig akong mga yabag palabas ng pinto. Ang mga ingay kasi sa lugar na iyon ay bahagyang umi-echo kaya talagang naririnig kahit munting yabag. Lumingon ako ngunit wala akong nakitang tao. Pinilit kong huwag isiping ako’y minumulto. Dala ang aking gamit at hawak ang aking boxing gloves ay nagtungo ako sa gym upang sa huling pagkakataon ay sulyapan ang lugar na iyon at balikan ang ilang alaalang nabuo roon. Tinitingnan ko ang mga training gears and equipments nang muli kong marinig ang mga yabag. Nilingon ko ang locker room at nahuli kong umuuga ang pinto nito. Napalingon ako sa paligid kung may ibang tao o kung may nagti-trip lang sa akin pero wala akong nakita. Wala namang hanging maaaring lumikha ng ganong galaw kaya nilapitan ko na ito.

“May tao ba d’yan?” tanong ko pa para mabasag ang katahimikan.

Nagulat ako nang madatnang bukas ang mga ilaw ng locker room. Naulinigan ko ding bukas ang shower ngunit nang silipin ko ito ay walang tao. Nakabukas ang dutsa at bumubuga ng tubig. Nagsimula na akong mangilabot at matakot. Naalala ko si Antonio dahil ito ang madalas mang-good time noon. Parang sumpong kung mag-biro ito at manakot.

“Wag mo kong tatakutin Tonyo, pare!” bulong ko pa.

Mula sa loob ay may naulinigan ako sa labas na parang may sumusuntok sa punching bag. Paglabas ko ay hinanap ko ang pinagmumulan ng ingay at dumako ang tingin ko sa p’westo naming madalas ni Tonyo.

Dumuduyang mag-isa ang punching bag na pinagpapraktisan niya. Kahit hangin ay di kayang pagalawin ang bagay na ‘yon, alam ko. Ang lalong ikinapanindig ng aking balahibo ay nang makita ko ang salamin ng frame ng gloves niya. May mga crack iyon na parang sinubok kunin ang mga gloves.

Hindi man sinasabi sa akin nang tuwiran ay nadama kong may ibig iparating sa akin ang aking kaibigan. At iyon ay ang ipagpatuloy ko ang paglalaro. Ipagpatuloy ko ang aming mga pangarap.

Heto ako ngayon, patuloy sa aking career bilang boksingero at umaasang isang araw ay mararating din ang mga pangarap ko.

Wakas!

ALL HORROR STORIES Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon