(Bangkay sa online )
Friend, habang binabasa mo ang mensaheng ito ay isa na akong malamig na bangkay. Pinasok ng tatlong adik ang kuwarto ko at walang awa akong tinadtad ng saksak. Sa kabila ng pagmamakaawa ko ay hindi parin ako nilubayan. Binaboy ako. Ginawang ashtray at pinaso ng sigarilyo ang maseselang bahagi ng aking katawan. Hindi na sila naawa. Sigaw ako nang sigaw pero walang nakarinig. Tulungan mo ako. Huwag kang umalis. Huwag…huwag…please…
Kinilabutan si George Tuscan sa nabasa niya. Pagbukas niya ng Friendster sa online ay ang mensaheng ito agad ang bumulaga sa kanya. Nagmamakaawa ang bawat letra. Humihingi ng tulong.
Lalaki siyang tao pero kinabog ang kanyang dibdib. Ni hindi na niya nagawang mag-log out pa at agad niyang isinara ang kompyuter sa mabilis na paraan.
Hindi makatulog nang gabing iyon si George. Balisa siya at nanlalamig. Sobrang kilabot ang naramdaman niya sa mensaheng nabasa kanina. Ang mensahe ay basta nalang remehistro sa screen. Ni hindi nga niya matukoy kung sino ang sender.
Kung totoong may nangyaring krimen, sino ang babaing iyon sa Friendster? Isang biktima ba iyon ng karumal-dumal na krimen? O isang manloloko na gusto lang siyang igudtaym? Masamang biro ito.
Halos walang itinulog si George. Nangangalumata pa siya kinabukasang humarap sa tropa. “Pare, bakit para kang puyat na unggoy? Sino na naman ba ang kaungguyan mo kagabi?” At siyempre pa, tawanan ang tropa.
“Bad trip nga, Pare! Hindi ako pinatulog nang nabasa ko kagabi. Believe it or not pero totoo.” Ibinida ni George ang nakakakilabot na mensahe.
Nagkatinginan ang tatlong katropa, makahulugan ang mga tingin na para bang mga salarin na may itinatagong krimen.
“Pare, bakit ganyan kayo kung makatingin? May problema ba?”
Tanggi agad ang lalaking ginawa na yatang tambutso ang bibig sa hithit-buga sa sigarilyo. “Aba, wala… baka ikaw ang may problema.”
Tinapik-tapik ni Dagul si George sa likod. Sa laki ng kamao ni Dagul ay napaubo ang binatilyo. “Pare, nagiging kabog ka na yata ngayon? Sa lahat ng ayaw ng tropa ay may lalampa-lampa.”
Halos masapo ni George ang dibdib. “Ako matatakot, no way!” At para ipakitang matapang siya ay tumagay si George ng isang shot ng alak, diretso, bottoms up. Iyon lang at napahalakhak ang tropa.
Hindi nakatiis ay may isang naglitanya, “Friend, habang binabasa mo ang mensaheng ito ay isa na akong malamig na bangkay -”
Napalo ni George ang mesa. “Putcha, Pare… parehong-pareho nang nabasa ko ang intro. Huwag nyong sabihing ginugudtaym nyo ako.”
“Baka ito?” Kay Jojo nakaturo ang mga daliri ng tropa niya. Alam kasi nilang bihasa si Jojo sa mga kalokohan sa online. Hindi nga ba’t kung saan-saang site ito naka-log in at nag-iiba-iba ng pangalan.
“Hindi ako,” sobra sa tanggi ang ginawa nito.
Walang tiyaga si Jojo sa Friendster. Mabagal daw. Hindi kagaya sa mga online chat na pinapasok. Isang click lang daw para raw siyang nanonood ng X-rated film gabi-gabi. Nakangisi pa ito. Tumayo, at gumire. “Lahat na yata ng klase ng gubat ay napasok ko.” Kung ano man ang gubat na iyon, tiyak ng mga ito na hindi iyon ordinaryong gubat. Sa ngisi lang ni Jojo ay kitang-kita ang malisya sa mga mata.
Si Dagul naman ay bopol sa internet. Mas gusto pa nitong mag-ukit ng letra sa lapida kaysa magtitipa sa harap ng kompyuter. Pambibili na lang daw nito ng yosi ang pera kaysa magbabad sa internet cafe.
“Baka si Joshua!” Itinuro ng grupo ang isang katropa na laging tulala. Bad trip lagi si Joshua. Iniwan yata ng syota.
Turuan. Sa huli, wala ring umamin. “Pare, sa internet maraming gimikero. Huwag ka masyadong magpapaniwala. Hindi lahat ng kausap mo totoo.” Si Joshua ang maysabi nito na para bang may masamang karanasan sa pakikipag-usap sa net.
BINABASA MO ANG
ALL HORROR STORIES
HorrorHuwag Magbasa kung Walang Kasama © All Right Reserved 2014