CHAPTER 10 episodes

4.2K 93 5
                                    

( Si Kuya  )

Wala ng hahanapin pa si Marie sa pagdating ng kanyang ika 21st birthday. Successful siya sa naging trabaho niya bilang secretary sa isang malaking opisina at natagpuan niya ang lalaking nag mamahal sa kanya ng totoo. Si Elmer. Matanda sa kanya ng dalawang taon ang kanyang boyfriend. At ngayon nga’ng ipinagdiriwang niya ang kanyang kaarawan ay kapiling niya ang mga kaibigan at ang kanyang katipan.

“Happy Birthday mahal!” Bati ni Elmer. Hinagkan ng bahagya sa pisngi ang dalaga.. “gift ko para sa iyo!.”

“Salamat Elmer!”

Nakilala ni Elmer ang iba pang kaibigan at kamag-anak ni Marie. Pero nang kalagitnaan na ng kasiyahan nila ay saka napansin ni Elmer ang malaking picture ng lalaking sundalo na naka-laminate doon. Hindi napigilan ni Elmer ang sarili na hindi mag-usisa.

“Sino ang lalaking ito?” tanong niya.

“A, si Kuya Gimo! Siya ang panganay sa aming magkakapatid!” paliwanag ni Marie..

Iyon lang at hindi na nagtanong pa si Elmer. Iisa lang ang nasa isipan niya. Nasa destino si Gimo kung kaya wala sa pagkakataong iyon. Muli nitong itinuon sa mga naroon ang pansin, nakipag-inuman at nakipag-videoke.

Subalit sabi nga, hindi sa lahat ng pagkakataon ay maganda ang takbo ng relasyon ng magkatipan. Dumarating ang mga pagsubok at rebelasyon. Nagkaroon ng tampuhan sina Elmer at Marie. Ilang araw at ilang gabi na hindi sinundo ni Elmer sa trabaho ang katipan. Isang bagay na lalong ikinainis ni Marie.

“Talagang ang damuho na iyon! Hindi man lang ako naalalang sunduin! Ang gusto pa yata ay ako ang manunuyo sa kanya gayong siya naman ang may kasalanan!”

“Bestfriend, huwag kang masyadong highblood, siyempre nag-iisip pa iyon, baka kumukuha pa ng magandang tayming. Pasasaan ba’t magkakabati rin kayo!”

“A, basta…kapag hindi niya ako pinuntahan bukas ng umaga, hindi ko na siya tatanggapin pa!”

Nang mga pagkakataon namang iyon ay kalalabas lang din ng pabrikang pinapasukan ni Elmer. Alas-otso na iyon ng gabi. Sakay ng motorsiklo ang binata kung kaya kaagad nakarating sa kanilang bahay. Pero bago siya makapasok ay nakita niya sa labas ng kanilang bakod ang isang sundalong nakatayo na sadyang siya ang hinihintay. Nang makita siya ng sundalo ay kaagad iyong lumapit sa kanya. Nakilala naman iyon ni Elmer.

“K-Kuya Gimo!” nangangambang tawag ni Elmer.

“Ako nga Elmer, narito ako para tiyakin sa iyo ang isang bagay!”

“Ano iyon kuya!”

“Mahal mo ba ang kapatid kong si Marie?”

“Oo naman!”

“Kung gayon ay bakit pinapayagan mong unti-unting masira ang inyong relasyon. Kailangan mong kumilos at gumawa ng paraan dahil kung hindi ay malalagot ka sa akin!”

Kinabahan si Elmer. “Kasi Kuya…….!”

“Huwag ka ng mag-isip ng ano pa man, ang mahalaga ay ikaw ang boyfriend ng kapatid ko. Mahal ka niya at ayaw kong umiiyak siya ng dahil sa iyo. Kaya ayusin ninyo ang problema ninyo habang maaga, kung hindi ay magagalit ako sa iyo!”

“Sige Kuya Gimo, ngayon din ay kikilos na ako sir.. .makikipagbati ako kay Marie.”

Noon din ay muling sumakay sa kanyang motorsiklo si Elmer at pinaandar iyon. Pero bago siya umalis ay nilingon pa si Gimo subalit wala na iyon sa kinatatayuan kanina.

Nagulat pa si Marie nang makitang nasa harapan ng pintuan ng kanilang bahay ang katipan. Hindi na iyon pinaabot pa ng umaga.

“Mahal! Alam kong nahihirapan ka rin sa pag-aaway natin, pero tama si Kuya.. .huwag nating payagan na unti-unting masira ang ating relasyon! Sorry na!”

“Sorry din! Ang totoo ay naiinip na talaga akong Makita ka!”

“Hay salamat! Ngayon ay hindi na ako mangangambang magalit sa akin si Kuya Gimo!” sabi ni Elmer nang yakapin ang katipan.

“Sino..?”Gulat si Marie.

“Si Kuya Gimo! Pinuntahan ako sa bahay kanina at pinagsabihan. Kaya narito ako ngayon. Nakausap ko siya. Maya-maya lang ay pabalik na iyon dito. Kelan pa ba siya umuwi galing destino!”

Kinilabutan si Marie, hindi makapaniwala sa mga narinig sa katipan dahil ang totoo ay isang taon ng patay ang Kuya Gimo niya. Nakasama ito sa isang truck ng sundalo na inambush sa Basilan. Hindi naging madali para kay Marie na ikuwento kay Elmer ang buong pangyayari.

Kinilabutan si Elmer. Hindi niya inisip na kaluluwa na lang pala ni Kuya Gimo ang kumausap sa kanya. Naisip niya na napakalaki ng pagmamahal ni Kuya Gimo kay Marie kaya mas dapat niya itong mahalin at ingatang huwag masaktan dahil ibang klase ang tagabantay nito.

Napaiyak si Marie sa ikinuwento ng katipan at malaki ang naging pasalamat niya kay Kuya Gimo dahil kahit nasa kabilang buhay na ang Kuya niya ay nagagawa pa rin siyang proteksiyunan kahit sa anong paraan.

Ang Wakas…

ALL HORROR STORIES Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon