( Killer Bridge )
Sa kahabaan ng expressway patungong norte ay nagkalat ang patrol car na ang trabaho ay upang pangalagaan ang mga motoristang dumadaan sa nasabing lansangan sa bahaging iyon.
Continuous monitoring ang ginagawa ng mga patrol officers upang ipaalam sa isa’t isa ang kalagayan ng trapiko. Isa sa mga traffic officer na ito si June. Sa patrol car, sparring partner niya si Oliver.
Isang hapon ay natimbrehan sina June at Oliver na may aberya sa isang tulay na sakop ng kanilang sona. Agad silang sumakay ng patrol car at nagresponde.
Naabutan nila sa punong tulay ang isang kotse. Dalawang lalaki ang nasa labas at sinisipat ang ilalim na bahagi ng sasakyan. Ilang hakbang mula sa nakatigil na kotse nila inihinto ang patrol car. Pagbaba nina June at Oliver ay agad nila itong kinausap.
“Ano’ng problema rito?” si June.
“Boss, sumabog ang gulong, e.”
“Hindi n’yo ba tsinek bago n’yo ginamit?”
“Iyon nga ang ipinagtataka ko, e. Kagagaling lang nito sa talyer. Ang sumabog na gulong iyong bagong palit pa. Bago iyong gulong na nadale. Mukhang may nagulungang matulis na bagay kaya nabutas.”
“Pare, kailangan ng back up. Mayamaya lang mag ko-cause ito ng traffic kapag hindi pa ito naalis dito. Bago pa magkaroon na naman ng aksidente rito.”
“Boss, saan ba ang pinakamalapit na talyer dito?”
Nagbalik si Oliver sa patrol car upang humingi ng back up. Alin sa dalawa, hihila sa kotse o kokontak sa pinakamalapit na talyer upang siyang gumawa sa sumabog na gulong.
Mukhang may kaya ang may-ari ng kotse. Kaya marahil mas gugustuhin nito ang umupa ng gagawa sa sasakyan kaysa ito mismo ang magpalit ng gulong na sumabog.
Sa loob ng patrol car, napakunot-noo si Oliver nang matuklasang hindi gumagana ang gadget na ginagamit nila upang kumontak sa headquarter. Sinubukang ayusin ni Oliver ang gadget ngunit bigo itong mapagana iyon. Saka lang nalaman nito ang dahilan nang sipatin ang koneksyon.
“Pag mamalasin ka nga naman, oo.”
Muling bumaba ng patrol car si Oliver. Lumapit sa noo’y nag-uusap na si June at ang lalaking may ari ng kotse.
“Pare, hindi ako nakakontak. Na-disconnect tayo.”
“Paano nangyari ‘yon?” kunut-noong tanong ni June. “Kanina lang nakatanggap tayo ng mensahe, ‘di ba?”
“Ewan ko. Disconnected, e.”
Iniwan ni June ang kausap at tinungo ang patrol car. Kasunod nito si Oliver.
Samantala, nang mga sandaling iyon ay iritado ang isa pang highway patrol officer. Dahil ilang minuto na nitong sinusubukang kontakin sina June at Oliver.
Naitimbre sa quarter na mayroong isang cargo truck a few kilometers away sa tulay na mukhang nawalan ng preno. Ito ang kasalukuyang sinusundan ng dalawang patrol car.
Tinimbrehan ang iba pang patrol car upang bigyang babala. Maliban kina June at Oliver na hindi nga makontak-kontak.
“Pambihira! Naglakwatsa ‘ata ang dalawang ‘yon. Ayaw sagutin.”
Ang totoo, may connecting tone na naririnig mula sa Head Quarters. Ngunit sa mismong patrol car nina June at Oliver ay disconnected ang gadget.
“Paano naman na-disconnect…”
Hindi na natapos pa ni June ang sinasabi. Napalingon sa likurang direksyon dahil sa narinig na kakaibang tunog. At ang sumunod pa doon ay ang pag-ilanlang ng nakangingilong tunog. Tunog na nilikha ng nagsalpukang bakal.
Nakapangingilabot na eksena ang natambad sa ilang saksing motorista na nagawang maihinto ang minamanehong sasakyan.
Ang rumaragasang cargo truck ay sumalpok sa patrol car na kinalululanan nina June at Oliver. Sumalpok din ang patrol car sa nakahintong kotse na pumutok ang gulong.
Nagmistulang accordion ang tatlong behikulo na pasadsad na bumalandra sa isang bahagi ng tulay. Halos mayanig ang buong tulay sapagkat nabasag ang isang konkretong bahagi nito sa lakas ng impact.
Saglit na katahimikan ang naghari. Saglit din lang at unti-unting dumami ang taong ibig mag-usyoso. Ilang patrol car na kasunod ng cargo truck ang mabilis huminto. Ang mga patrol officers ay mabilis na nagresponde.
Sa aksidenteng iyon, malubhang nasugatan ang dalawang lalaking sakay ng nasirang kotse. Tumilapon ito matapos masalpok ang kotse. Tinangkang tumakbo ng dalawa ngunit hindi pa nakalalayo’y nahagip din ng sasakyan.
Patay ang driver ng cargo truck. Ang isang kasama nito ay malubhang nasugatan. Si Oliver ay nasa fifty-fifty condition sa hospital at si June ay sinamang-palad na masawi sa mismong lugar na pinangyarihan ng aksidente, sa loob mismo ng patrol car na kinalululanan.
Minsan pang kumalat sa lugar ang iba’t ibang komento.
“Talagang killer ang tulay na ‘yon. Pang ilang aksidente na nga ba iyon sa taong ito? Hindi na mabilang. Talagang hindi titigil ang tulay hanggang walang nagbubuwis ng buhay kada taon.”
“Pinamamahayan na nga daw’ ata ni Kamatayan ang tulay na ‘yon. Sa dami na nang nagbuwis ng buhay sa aksidente ro’n.”
“Kung may daan nga lang na iba.. .totoong nakakatakot nang dumaan pa sa tulay na ‘yon.”
Makaraan ang ilang araw, lumabas ang investigative report sa naganap na sakuna Natuklasan na hindi disconnected ang patrol gadget para sa communication ng patrol car na gamit nina June at Oliver.
Siniyasat maging ang loob ng wrecked patrol car matapos sabihin ng naka-duty sa Head Quarter na hindi sinasagot ng dalawa ang tawag. Nang makausap matapos makaligtas sa panganib si Oliver, pinatotohanan nito na wala silang natatanggap na tawag dahil disconnected ang gadget Bagay na pinatunayan din mismo ng dalawang lalaking may ari ng nasirang kotse.
Sa mga nakakaalam ng katotohanang ito, ipinagkibit-balikat na lang ang kataka-takang sitwasyon. Ngunit may ilang nagsabi na sinadya iyon ng masamang ispiritu o ng diablo upang may magbuwis na naman ng buhay sa killer bridge.
Ang Wakas…
BINABASA MO ANG
ALL HORROR STORIES
HorrorHuwag Magbasa kung Walang Kasama © All Right Reserved 2014