( Expressway )
Totoong masarap magbiyahe sa NLEX dahil walang traffic. Kung nagmamadali ay hindi mababalam at tiyak na makararating agad sa paroroonan. Iyon ay kung hindi mapapadaan sa isang bahagi ng NLEX napatungong Norte. Sa bahaging ayon sa sabi-sabi ay accident zone.
Ayon din sa sabi-sabi, madalas na maganap ang aksidente sa gawing iyon ng NLEX sa mga dilingkuwenteng oras. Tuwing madaling araw.
Sa mga motoristang nakakaalam ng kuwento, gawi na nilang bumusina o maghagis ng coin sa tuwing daraan sa gawing iyon ng NLEX. Paraan daw iyon upang itaboy ang bad spirit upang malayo sila sa aksidente.
Isang madaling araw ay sakay ng van ang pamilya ni Mr. Cruz. Siya, ang kanyang asawa at tatlong anak ang lulan ng van. Pinili nilang madaling araw maglakbay upang umuwi sa Ilocos para dumalo sa kapistahan doon. Tagaroon ang asawa ni Mr. Cruz.
Sa Quezon City nakabase ang mag-anak dahil doon na sila nakabili ng bahay.
Nalingunan ni Mr. Cruz ang tatlong anak sa backseat. Tulog ang mga ito. Ang katabing asawa nama’y mukhang napipikit na rin ang mga mata. Halos hindi kasi sila nakatulog daliil sa excitement sa biyahe nilang iyon na matagal din nilang pinagplanuhan.
“Ma…” untag ni Mr. Cruz sa asawa.
Umungol ang babae.
“Ma, huwag mo akong tulugan at baka antukin din ako. Mag kuwento ka nga.”
Naghikab pa ang babae.
“Nakakaantok naman kasi. Ano’ng oras na ba?” tumingin ito sa suot na wrist watch. “Ito naman ang hirap ‘pag ganitong oras nagbiyahe. Wala ngang traffic at malamig nakakaantok naman.”
“Mamaya ka na lang bumawi ng tulog pagdating natin do’n.”
“Oo nga. Nasan na ba tayo?”
“Part pa rin ng Pampanga ‘to.”
“Pampanga pa lang ba tayo? Tagal pa pala bago tayo makarating sa destinasyon natin. Dad, gusto mo ng coffee?”
“Good idea. Sige nga nang mawala rin ang antok ko.”
Hinagilap ng babae ang baon nilang thermos.
“Medyo mag-menor ka baka tumapon itong…Dad! May tumatawid!”
Ikinataranta ni Mr. Cruz ang pagsigaw na iyon ng asawa. Naapakan nito ang preno, nakabig ang kambiyo ngunit himalang dumeretso ng takbo ang van.
Mabilis ang sumunod na pangyayari. Sa kagustuhan ni Mr. Cruz na maiwasan ang papatawid na tao ay walang humpay na kabig sa manibela at padyak sa preno ang ginawa nito. Halos umekis sa pagtakbo ang van, tumawid na sa kabilang lane at dumeretso sa pabulusok na damuhan. Humangga ito sa mataas at konkretong pader.
Malakas na tunog ng pagsalpok ang sumunod na bumasag sa katahimikan ng gabi. Saglit lang, tunog na ng highway patrol car ang maririnig.
Kalat na ang liwanag nang madala sa pinakamalapit na hospital ang mag-anak. Dead on the spot si Mr. Cruz. Malubhang nasugatan ang dalawang anak. Ang bunso ay binawian ng buhay sa hospital. Fifty-fifty sa operating room ang asawa ni Mr. Cruz.
A week later, saka lang nagawang makausap ng awtoridad si Mrs. Cruz. Labis ang pagdadalamhati nito matapos malamang patay na ang asawa at ang bunsong anak. Hiningan siya ng pahayag ng pulis.
Dumating ang ilang kaanak ni Mrs. Cruz sa hospital, mula sa Ilocos na labis nagdalamhati sa sinapit ng mag-anak.
“A-Ano ba’ng nangyari? B-Bakit kayo naaksidente, Ate?”
Kasalit ng pagluha ay nagawang magkuwento ni Mrs. Cruz.
“K-Kitang-kita kong tumatawid ‘yung babae.. .masasagasaan namin siya.. .a-ang lapit niya.. .ang lapit-lapit na niya pero.. .h-hindi magawang ipreno ng asawa ko ang…”
Pilit pinakalma si Mrs. Cruz ng mga kaanak.
“P-Paano n’yo nalaman na…”
“May tumawag sa bahay bandang 2:30 ng madaling araw. Ibinalitang naaksidente daw kayo sa NLEX at…”
“2:30? Tumawag… sa inyo?”Nasa anyo na ni Mrs. Cruz ang pagtataka.
“Oo, Ate. Busy nga kami sa pagluluto kaya gising pa kami no’n. Nataranta na kami pagkatanggap namin sa balita.”
“Pero.. .paano nangyari ‘yon”
“Ang alin?”
“Hindi ganoong oras nangyari ang.. .past three na kami umalis ng Manila, Len. Nang mangyari ang aksidente.. .past four.”
Nagtinginan ang mga kaanak ni Mrs. Cruz.
“Hindi ako puwedeng magkamali, Len. Dahil bago mangyari ang.. .tumingin pa ako sa oras.”
“Hindi rin ako puwedeng magkamali, Ate. Bago ko sagutin ang phone tumingin din ako sa oras. Dahil nagtaka ako kung sino ang posibleng tumawag sa oras na ‘yon ng madaling araw. 2:30 talaga.”
Walang nagsisinungaling o nagkakamali sa dalawa. Totoong past three na nakaalis sa Manila ang mag-anak. Totoong 2:30 nakatanggap ng tawag ang pamilya ni Mrs. Cruz sa Ilocos. At totoo rin past four ng madaling araw naganap ang aksidente.
Sinadya ang lahat at itinakdang maganap nang mahiwagang “distractor” sa NLEX na marami ng nabiktimang motorista. Maraming buhay na ang nabuwis nang dahil sa mahiwagang distractor ng NLEX.
Si Kamatayan!
Ang Wakas…
BINABASA MO ANG
ALL HORROR STORIES
HorrorHuwag Magbasa kung Walang Kasama © All Right Reserved 2014