CHAPTER 26

3K 76 4
                                    

(  Operating Room  )

Ang tanging pangarap ni Mang Aldo para sa mga anak ay ang makapagtapos ng pag-aaral. Dahil sa tulad nilang mahirap, ang talino lamang ang maaari nilang asahan upang makibaka sa buhay.

Walo ang anak ni Mang Aldo. Sa kasamaang palad, wala itong suwerte sa mga anak. Ang apat sa mga ito ay maliliit pa. Dalawa sa mga ito ang nag-aaral sa public school, isang grade three at isang grade four.

Ang isa pang anak na lalaki ni Mang Aldo ay nalulong sa drugs. Nagpapalabuy-laboy at mas gusto pang sumama sa mga kaibigang gumagamit din ng ipinagbabawal na gamot.

Ang isa pa na babae ay nabuntis naman sa edad na 16. Pinangakuang pakakasalan ng lalaki ngunit nang makapanganak ay iniwan na lang at sukat. Ang sanggol ay nakadagdag pa sa pasanin ng mag-asawang Aldo at Guada.

Ang isa pang lalaki na panganay ni Mang Aldo ay naglayas noong ito ay edad 12 pa lamang. Hanggang sa kasalukuyang panahon ay wala silang balita rito. Ngunit umaasa pa rin si Mang Aldo na muling babalik sa kanila ang anak, buhay man ito o patay.

Sa walong anak, isa ang natitirang inaasahan ni Mang Aldo na mag-aahon sa kanila sa kahirapan. Si Johnny ang natitirang anak na kinakapitan pa ni Mang Aldo ng pag-asa na tutupad sa kanyang pangarap. Ang makapagtapos ng pag-aaral.

Si Johnny ay edad 18 na ngunit nasa second year high school pa lang sa isang public school. Bata pa lang ay likas na masikap, matiyaga at mahilig sa pag-aaral si Johnny. Sa kanya ibinubuhos ni Mang Aldo ang suporta.

Isang pangkaraniwang construction worker si Mang Aldo. Kung saan-saan siya pinapadpad. Kung saan may construction site ay nandoon siya at nagtatrabaho.

“Kamusta ang pag-aaral mo, anak?” si Mang Aldo.

Madalas iyong itanong ng ama sa anak sa tuwing nakikita nitong nag-aaral si Johnny ng leksyon sa gabi.

“Ayos lang, Tay. Next year, titiyakin kong makakapasa na ako sa scholarship para wala na tayong bayaran sa school na miscellaneous fees.”

“Sana nga anak. At huwag ka din sanang babarkada sa…”

“Alam ko ho iyon. Huwag kayong mag-aalala at lagi kong iniisip ang gusto ninyong mangyari sa akin. Promise, ‘Tay, makakatapos ako at magkakatrabaho.. .gaya ng gusto ninyo.”

Lihim na napapaluha si Mang Aldo sa pag-iisa kapag naaalala ang mga pangako ng inaasahang anak.

Hanggang isang araw, naaksidente sa construction site si Mang Aldo. Nabagsakan ito ng mga hollow blocks na nagbagsakan mula sa ikaapat na palapag ng itinatayong gusali. Bumigay kasi ang kahoy na kinapapatungan ng mga hollow blocks. Nasa ibaba si Mang Aldo at may buhat na isang supot ng semento na iaakyat sana nito sa fourth floor.

Nagawa pang dalhin sa hospital si Mang Aldo. Ngunit hindi ito nakaligtas sa tinamong pinsala sa ulo, kung saan ito nasapol ng bumagsak na hollow blocks.

Parang ibong nawalan ng pakpak ang mag-anak ni Mang Aldo sa pagkamatay nito. Sa tulong ng mga kapitbahay at ng mayor ng kanilang lugar ay naipalibing si Mang Aldo.

Ang nangyari sa ama ay naging malaking hamon kay Johnny. Sa halip na masiraan ng loob ay waring lalo itong tumapang at tumatag.

“Nay, natanggap akong tagahugas ng pinggan sa kanto. Sa gabi ho ang trabaho ko. Ako ang humiling na panggabi para makapag-aral pa rin ako sa umaga.”

Naluha ang ina ni Johnny.

“Ayokong biguin si Tatay. Magpapatuloy ako ng pag-aaral. Sabi ni Gina tatanggap daw siya ng labada…kayo din daw. Magtutulungan tayo, ‘Nay. Kaya natin ‘to.”

Sa murang edad ay ganoon na katatag ang disposisyon ni Johnny. Pinatatag ng hangarin nitong mabigyang katuparan ang pangarap ng iniidolong ama.

Nakaraos si Johnny sa second year. Sumapit ang pasukan at muli siyang nag-enroll. Kumuha siya ng scholarship at nakapasa. Patuloy pa rin siya sa pamamasukan sa gabi. Dobleng paghihigpit ng sinturon ang ginawa ng buo nilang pamilya.

Isang gabing pauwi si Johnny mula sa pinapasukang restawran, hinarang siya ng tatlong lalaki. Mga kaedad din lang niya ang mga ito. Sa itsura pa lang ay hindi maipagkakamaling mga bangag ito sa droga.

Mabilis ang pangyayari. Nasaksak ng ilang ulit si Johnny ng mga addict at basta tinakbuhan pagkatapos. Pagkaraan pa ng isang oras ay saka lang natagpuan si Johnny ng isang barangay tanod na nagroronda. Humingi ito ng saklolo kaya nadala si Johnny sa pinakamalapit na hospital.

Sa operating room, hindi naiwasan ng mga umasisteng nurse ang magkomento.

“Ang lakas ng loob ng batang ‘to.. .lumalaban…”

Gising si Johnny kahit maraming dugong umagos mula sa katawang nasugatan.

“Ang lalim ng saksak…” paanas lang na asal ng isang nurse

Ang doktor ay umiling. Pagkuwa’y sumenyas sa mga naroong nurse. Isang nurse ang lumabas mula sa operating room.

“Sino ho ang kaanak ng biktima?”

Ang isang naiwang barangay tanod ang nasa labas ng OR.

“Baka parating na… pinasabihan na ng isang barangay tanod na kasama ko. Ano’ng lagay ng pasyente, Miss?”

“Delikado ho. Malalalim ang tinamong saksak.. .may vital organ na tinamaan.”

“Ganoo’nba?”

“Maliit ho ang chance.. .pakisabi na lang sa pamilya niya.”

Muling nagbalik sa loob ng OR ang nurse. Sa OR table, himalang mulat pa rin si Johnny, bagamat namumungay ang mga mata, matapos masaksakan ng anesthesia. Pagkuwa’y waring nagdeliryo si Johnny. Paulit-ulit nitong binigkas ang salitang ‘Tatay’. Hanggang igupo ito ng antok nang dahil sa itinurok ditong anesthesia.

Mabilis ang kilos ng mga umaasisteng nurses at doktor. Pagkalipas ng ilang segundo, sa pagkagulat ng lahat, lumakas ang tunog ng monitor ng aparatong nakakabit sa katawan ni Johnny. Senyales ng pagbabalik at paglakas muli ng mga vital signs.

Dumoble ang tulin ng kilos ng lahat upang gawin ang nararapat. Pagkalipas ng ilan pang minuto, idineklara ng doctor na ligtas na ang pasyente. Pumalakpak ang naroroong mga nurses.

Nagpapagaling na lang si Johnny sa hospital na iyon. Marami na ang mga kaklase at teachers niyang dumalaw sa kanya. Iisa ang kuwento ng ina ni Johnny sa mga ito. Bagong buhay na daw iyon ng kanyang anak. Nanatiling pinid ang bibig ni Johnny sa nangyari. Tanging pasasalamat ang kanyang sinabi sa kanyang mga naging bisita.

Ngunit isang gabi, palihim nakinausap ni Johnny ang ina. At ang kanyang sinabi ay hindi magawang paniwalaan ng ina.

“Totoo…nagsasabi ako ng totoo, Nanay. Naroroon sa operating room si Tatay noong oras na inooperahan ako.”

“Paano magiging posible iyon maliban kung.. .nagmumulto ang Tatay mo?”

“Hindi ko rin ho alam. Pero hindi ako puwedeng magkamali. Nasa gawing likuran siya ng nurse…kitang-kita ko. Narinig ko din.. .ang sabi ni Tatay, huwag akong susuko.. .lakasan ko ang loob ko. H-hindi daw ako puwedeng mamatay…” Nabasag ang boses ni Johnny.

Hanggang tuluyang tumulo ang luha niya. Hindi kumibo ang ina ni Johnny. Ngunit nagsimula na ring mamasa sa luha ang mga mata nito.

“Kung hallucination ko lang iyon.. .hindi ko masabi.’Pero gising ako noon… at nakita ko talaga si Tatay.. .narinig ko ang sinabi niya…siya ‘yon, ‘Nay…si Tatay iyon. Binantayan niya ako sa operating room.”

“Siguro, anak, dahil ayaw ng Tatay mo na masayang ang pagpapakahirap mo na makapagtapos ng pag-aaral. Siguro.. .hindi pa niya tayo iniiwan.. .siguro naririyan lang siya sa paligid. At.. .a-at binabantayan tayo.”

Kay lungkot ng mukha ni Johnny. Basa ang mga mata ngunit nagawa nitong ngumiti. Saka tumango ng ilang ulit.

“Siguro nga, ‘Nay. Nand’yan lang ang kaluluwa ni Tatay at nagbabantay.”

Pagkuwa’y luminga-linga si Johnny.

“Tatay, nand’yan ka ba? Buhay pa ‘ko, ‘Tay. Kaya iyong pangako ko sa inyo…tutuparin ko. Promise, ‘Tay, promise…”

Ang Wakas…

ALL HORROR STORIES Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon