CHAPTER 23

3.3K 70 0
                                    

(  Bantay  )

Sa tuwing umuuwi sa kanilang probinsiya si Lino, ang kanilang malawak na lupa ang madalas niyang pinapasyalan. Namamalagi siyang matagal sa ilalim ng puno ng akasya na nasa gitna ng malawak na palayan. Pinagmamasdan niya ang kalawakan ng lugar na iyon. Alam niya na ang palay ang pangunahing paborito ng mga ibon, kalapati at uwak, pero ang ipinagtataka niya ay hindi man lang magawang dumapo ng mga iyon kahit sa pilapil ng palayan. Waring mayroong kinatatakutan.

“Alam mo ba kung bakit hindi nila magawang bumaba sa pilapil at kainin ang mga tanim nating palay?” natutuwang tanong ni Lolo Manding nang umupo satabi ni Lino.

“Bakit nga ba Lolo!”

“Kasi ay dahil sa mga scarecrow na inilagay ko sa paligid ng bukid, tingnan mo, yari sila sa mga malalaking manikang basahan at dayami, tapos ay isinuot ko sa kanila ang mga luma kong damit. Nilagyan ko rin ng sumbrero at ang kanilang mga kamay ay nakadipa upang isipin ng mga ibon na mga buhay na tao ang mga iyan at binubugaw sila!”

Mahabang paliwanag ni Lolo Manding habang itinuturo ang mga scarecrow na nakatayo sa paligid ng malawak na bukirin. Limang scarecrow iyon na nakakalat sa lugar na iyon.

“Iyon pala ang dahilan kung kaya marami palagi kayong ani Lolo Manding!” napapahangang sinabi ni Lino.

Napatawa lang ng impit si Lolo Manding. Matapos ay muling pinagmasdan ang kalawakan ng lupaing sinasaka nila. Napansin na malapit na namang anihin ang mga palay na iyon.

Subalit kagaya ng lahat ng bagay, lumilipas ang mga araw, ang tao ay nagkaka edad at tumatanda, humihina at namamatay. Isang bagay na ikinalulungkot ng mga taong maiiwanan mo. Kagaya ngayon, nagdadalamhati ang mga mahal sa buhay ni Lolo Manding na kanyang inulila

“Lolo! Bakit mo kami iniwan!” umiiyak na sinabi ni Lino habang nakaharap sa kabaong ni Lolo Manding.

Habang nakaburol ang matanda at nagdadalamhati ang pamilya nito ay mayroon namang mga taong mapagsamantala. Tulad sila ng mga ibon na kapag walang bantay ay kaagad na tinutuka at kinakain ang mga butil ng palay. Ganito ngayon ang ginagawa ng tatlong kalalakihan. Dala ang mga karit ay sinimulan ng gapasin ang mga uhay ng palay.

Tanglaw nila ang liwanag ng buwan para magawa ang kanilang hangarin.

“Dalian ninyo, kailangang makarami tayo ng magagapas bago sumikat ang araw. Hindi naman nila mapapansin ang gagawin natin dahil lahat sila ay nasa lamay ng matandang namatay!” sabi ng isang lalake habang patuloy ang paggapas sa uhay ng palay.

“Kanya-kanya tayo! Ang makuha mo sa iyo… ganuon din ang sa akin!” sabi naman ng ikalawa!”

“Tama na ang kwentuhan.. .nakawin na natin ang lahat ng ating makakayang dalhin!” sabi naman ng ikatlo.

Pero maya-maya lang ay natigilan ang tatlo nang bigla ay humangin ng malakas.

Napakalamig ng hangin. Nanunuot sa kanilang kalamnan. Kasunod ang nakakapangilabot na tinig na waring kasing lamig ng hangin.

“Mga walanghiya kayo! Huwag ninyong kunin ang bagay na hindi ninyo pinaghirapan, umalis na kayo kung ayaw ninyong mapahamak!” sabi ng tinig.

Nagkatinginan ang tatlong lalake. Nakiramdam ang mga ito habang ang malakas na hangin ay patuloy nilang nararamdaman.

“Pare, ikaw bang nagsalita!” tanong ng una.

“Hindi ah!” ang ikalawa. “Baka si pareng Berto!”

“Hindi rin ako!” ani Berto.

Nagulat ang tatlo nang bigla ay gumalaw ang mga scarecrow na naroon na siyang bantay sa bukirin.

Kasunod ay nakita ng tatlo ang multo ni Lolo Manding na nakaupo sa gilid ng pilapil at nakatingin lamang sa kanila. Bakas sa mukha ng matanda ang matinding galit.

“Multo… Multo!” malakas na sigaw ng tatlo nang bitiwan ang mga karit at kumaripas ng takbo palayo.

Pero sahalip na tuloy-tuloy na umuwi ang tatlong magnanakaw ay sa burol ni Lolo Manding nagtuloy ang mga ito. Lumapit sa kabaong ng matanda at doon umiiyak nang umiyak dahil sa matinding takot.

“Lolo Manding! Patawarin n’yo napo kami! Hindi na kami uulit!” sabi ni Berto.

“Oo nga po!” sabi ng ikalawa.

“Huwag na kayong magpapakita ulit sa amin, mamamatay kami sa matinding takot!” sabi ng ikatlo.

Nagulat ang lahat ng mga taong naglalamay ng gabing iyon. Hindi mawari ng lahat kung ano ang tunay nanangyari sa tatlong lalake. Walang nakakaalam sa mga bagay na binabanggit ng mga ito.

Kinabukasan, wala sa hinagap ni Lino na makakarating siya sa palayan na palagi nilang pinapasyalan ni Lolo Manding. Napansin niya ang mga uhay ng palay na naputol na. Nakita rin niya ang tatlong karit na naroon. Nabuo sa isipan niya na ang tatlong lalaking iyon ay mga magnanakaw na nagtangkang nakawin ang kanilang aanihing palay.

Pero ang hindi alam ni Lino ay kung paano natakot ng husto ang mga magnanakaw. Iisa lang ang tiyak niya. Nakita ng tatlong magnanakaw ang multo ni Lolo Manding na siyang BANTAY sa gabi sa kanilang palayan laban sa mga magnanakaw at ang mga scarecrow na ginawa naman niyon ang bantay sa araw laban sa mga IBON.

Ang Wakas…

ALL HORROR STORIES Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon