CHAPTER 21

3.1K 65 1
                                    

( Beaver )

Maliit pa lang si Manet ay mahilig na ito sa mga hayop kaya hindi nakapagtatakang nang sumapit ito sa kanyang ika-labindalawang kaarawan ay isang aso ang hiniling nitong regalo sa ama. Pinangalanan ni Manet ang aso na Beaver…

Maliit pa lang si Manet ay mahilig na ito sa mga hayop kaya hindi nakapagtatakang nang sumapit ito sa kanyang ika-labindalawang kaarawan ay isang aso ang hiniling nitong regalo sa ama.

Pinangalanan ni Manet ang aso na Beaver na isang cute na imported dog. Simula noon ay higit pa sa pet ang naging turing ni Manet kay Beaver.

May mga pagkakataong nagseselos na ang ina at ama ni Manet kay Beaver dahil higit na pinagbubuhusan ng oras at atensyon ni Manet ang alagang aso.

Pagdating ng bahay mula sa eskuwelahan, si Beaver agad ang kukunin at lalaruin ni Manet.

Maging sa pagtulog ay gustong maging katabi ni Manet si Beaver. Hindi lang ito pinayagan ng nakatatandang kapatid na si Leika na ka-share niya sa room.

Sa apat na magkakapatid, tanging si Manet ang mahilig sa pet. Dahil matalino at bibo si Beaver kaya naman buhus na buhos ang loob ni Manet sa alaga.

Ngunit may isang malaking problema dahil asthmatic si Manet. Masama sa kondisyon nito ang pag-aalaga ng pet lalo na iyong may mga balahibo katulad ng aso.

Sa tuwing susumpungin ng hika si Manet at dinadala sa doctor, paulit-ulit na ipinapayo ng doctor na tigilan na ni Manet ang pag-aalaga ng aso. Ngunit hindi iyon kayang gawin ni Manet dahil para na nitong kapatid ang alagang aso at talagang napamahal na ito sa kanya.

Minsa’y pinagalitan na ng ama si Manet dahil dito.

”Mas mahalaga pa ba sa iyo iyang aso mo kaysa sa kalusugan mo ha?”

Hindi sumagot si Manet ngunit sumama ang loob nito noon sa ama.

“Ipamimigay ko na ang asong ‘yan bukas na bukas din.”

“D-Daddy.. ..huwag po.. .parang awan’yo na..”

Lumuha ng todo noon si Manet. Hindi ito halos nakakain. Kaya naman naawa rito ang ina at ipinakiusap sa asawa na huwag ng gawin ang plano.

Pumayag ang ama ni Manet sa kondisyon na hahayaan lang si Beaver sa kulungan at hindi ito lalapitan ni Manet. Masakit man sa loob ay napilitang pumayag si Manet sa kondisyon ng ama huwag lang maipamigay si Beraver sa ibang tao.

Lingid sa kaalaman ng pamilya, tuwing gabi, kapag tulog na ang lahat ay lihim na lumalabas si Manet upang puntahan si Beaver. Kahit sa maikling minuto ay patago at buong kasabikan nitong nilalaro ang aso.

Para namang may isip si Beaver na sa sandaling makita na si Manet ay tuwang-tuwarin. Gustung-gusto rin nitong kalaro ang amo.

Paulit-ulit na pumupuslit sa gabi si Manet upang kalaruin lamang si Beaver.

Isang araw ay muling sinumpong ng asthma si Manet. Matinding sumpong ang nangyari rito at halos hindi ito makahinga. Kinailangan itong itakbo sa ospital.

Sa ospital ay kinailangang i-oxygen si Manet. Iyon ang naging simula ng tuluyang pagkaratay ni Manet sa karamdaman. Nag tuloy-tuloy na ang sakit nito at nanghina nang husto ang katawan..

Isang gabi ay muli itong isinugod sa ospital. Mataas ang lagnat ni Manet. Na-diagnos na may pneumonia si Manet at nagkaroon pa ng kumplikasyon.

Kinaumagahan ay iniwan na ni Manet ang pamilya. Binawian ito ng buhay nang dahil sa hindi naagapang kumplikasyon.

Hindi matanggap ng pamilya ang nangyari sa bunsong si Manet. Ibinunton ng ama nito ang sisi sa asong si Beaver pagkalibing ni Manet.

“Ipamigay n’yo na ang malas na asong iyan bago ko pa ‘yan-magilitan ng leeg!”

Ang panganay na kapatid ni Manet ang agad tumalima. Sa isang kakilala nito ipinamigay si Beaver.

Kinagabihan ay wala isa man sa mag-anak ang makatulog gayung lahat sila ay puyat dahil sa ilang gabing pagpupuyat sa paglalamay sa burol ni Manet.

Bukod sa pangungulila kay Manet, may iba pang dahilan ang hindi nila pagkatulog.

Kung anu-anong ingay ang kanilang naririnig. Ingay na hindi nila batid ang pinagmumulan. Ingay na waring sadyang ipinaririnig sa kanila. Ingay na waring sadyang ibig gumambala sa kanilang pagtulog at bumuluhaw sa katahimikan ng gabi.

Kinabukasan, halata sa mukha ng isa’t isa ang puyat. Hindi maitatago ang kanilang pananamlay. Halos hindi nila magawang kumain ng almusal.

“Hindi ko alam kung ako lang ang.. .kagabi ang dami kong naririnig na…”

“Kayo din pala,” mabilis na sambot ng panganay na anak..”Hindi rin ako halos nakatulog. Nakakarinig ako ng kutkot ng mga kuko sa dingding…”

“Ako din,” sambot ng isa pang kapatid ni Manet. ”

“Parang.. .parang naririnig ko ang ungol ni Beaver.”

Humingang malalim ang kanilang ama.

“Palagay ko ay nagkamali ako ng desisyon. Hindi natin dapat inalis dito si Beaver.”

“Iyan din ang sasabihin ko… naunahan mo lang ako. Alam nating lahat kung.. .k-kung gaano….” nabasag ang boses ng kanilang ina. Pagkuwa’y naluha ito. “Kung gaano kamahal ng kapatid ninyo si Beaver. Hindi natin ito dapat ipinamigay.”

“Babawiin ko si Beaver sa pinagbigyan ko, Mommy.”

“Gawin mo ‘yon,” ang ama nito. “Gawin mo agad.”

“Okay lang sa inyo?”

“Oo. Hindi ko dapat ibinunton kay Beaver ang sisi sa pagkamatay ng kapatid ninyo. Bawiin mo si Beaver.”

Hindi na kailangan pang bawiin si Beaver sa bagong may-ari nito. Bago mananghali ng araw ding iyon ay ibinalik si Beaver ng pinagbigyan dito.

“Naku! Hindi kami pinatulog ng asong ‘yan. Magdamag umiyak. Kaya isinasauli ko na.”

Nagkatinginan ang mag-anak. Iyon marahil ang paraan ni Manet nasa kabilang buhay man ito, upang ipaunawa sa kanyang pamilya ang kagustuhang mapanatili roon si Beaver. Ang aso na itinuring na ni Manet na miyembro ng kanilang pamilya.

Wakas

ALL HORROR STORIES Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon