CHAPTER 28

3.1K 70 1
                                    

Multong Tagapagligtas

August 11th, 2010

Para akong itinulos na kandila sa aking pinagkukublihan nang makita kong ang matandang lalaki na nasa kuwadro ang siyang naglalakad, suot ang putikang bota nito at papanhik sa ikalawang palapag!

Ang multo ba ay dapat katakutan? Ito ang nadarama noon ni Andronico na talagang nakaranas ng presensiya ng isang multo sa bahay na kanyang nililinis. Pero biglang nabago ang kanyang pananaw. Inilahad niya ang kanyang tunay na karanasan tungkol dito.

SA kawalan ng mataas na pinag-aralan, hindi ako mapasok ng trabaho sa aking mga ina-apply-an. Dahil doon ay tumulong na lamang ako sa mga gawaing-bukid ng aking tiyuhin.

Isang araw, pinuntahan ako ng aking Ninong Alberto at inalok ng trabaho. Sabi niya ay maglilinis ako ng isang malaking bahay na walang nakatira. Ipinagkatiwala ng may-ari sa aking ninong ang bahay na iyon.

Ayon sa aking ninong, sa ibang bansa naninirahan ang may-ari ng bahay at walang katiyakan kung kailan babalik sa Pilipinas.

“Pumayag ka na, Andronico,” pangungumbinsi ng aking tiyuliin. “Hindi naman pala mabigat na gawain ang iniaalok sa iyo ng ninong mo.”

“Oo nga naman, hijo. Dalawang beses mo lang namang lilinisan ang bahay sa loob ng isang linggo at babayaran kita ng dalawang libo kada buwan.”

“Sige na nga ho,” pagsang-ayon ko. “Kailan ho ako magsisimula?”

“Ngayong linggo na ring ito. Umalis na kasi iyong dating tagapaglinis ng bahay.”

DALAWANG palapag ang bahay na lilinisan ko. May kalakihan din iyon kaya tiyak na maghapon ang ilalaan kong panahon doon. Sa second floor ng bahay ay mayroong limang silid. Sa loob ng mga iyon ay walang gamit maliban sa isang kuwarto na may nakasabit pang kuwadro ng isang lumang larawan. Litrato iyon ng isang matandang lalaki kung saan nakasuot ito ng bota at may hawak na baston. Kung pagmamasdan, sa anyo at pananamit ng matandang lalaki ay may pagka-mestisong Kastila at masasabing aristokratiko ito noong unang panahon.

Maliban sa larawang iyon, wala nang gamit pang makikita sa buong kabahayan. Naisip kong marahil ay hindi na importante sa dating nakatira sa bahay na iyon ang kuwadro bagaman mukhang antigo iyon.

Maghapon kong nilinis ang bahay. Inalisan ko iyon ng mga agiw, tinanggal ang mga alikabok at nilampaso ang mga sahig. Nang iwan ko iyon ay tiniyak kong malinis lahat. Nakakahiya sa ninong ko kapag bumisita roon at makita iyong marumi pa rin.

Tatlong araw ang pinalipas ko nang muli akong bumalik doon upang maglinis. Inisip kong kaunting pagpag na lamang marahil sa alikabok ang aking gagawin dahil wala namang magdudumi roon. Subalit nagulat ako sa aking nakita. Mula sa pinto ng sala patungo sa hagdan paitaas ng ikalawang palapag ay nakita kong may mga bakas ng mapuputik na sapatos. Sinundan ko ang bakas na iyon na tumutumbok patungo sa isang silid na nasa itaas. Pinasok ko ang silid na iyon at nakita kong humangga ang bakas ng mapuputik na sapatos sa ibabang bahagi ng nakasabit na kuwadro.

Siyempre pa, galit ang umiral sa akin. Sinong tao o bisita sa bahay na iyon ang pumasok na hindi man lamang nagpahid ng sapatos bago tumuloy? Sariwa pa ang bakas kaya iniisip kong kagabi lamang may pumasok doon. Tinanong ko si Ninong Alberto tungkol sa bagay na iyon.

“Wala akong duplicate key ng pinto sa bahay, Andronico. Ibinigay ko ang susi sa iyo, hindi ba?” nagtatakang tanong ng ninong ko.

“Nasa akin naman ho ang susi at wala akong pinagbibigyan nito,“ nagtataka pa ring sabi ko.

Nanatiling mahiwaga sa akin ang pangyayaring iyon pero binale-wala ko na lamang. Muli kong ginampanan ang aking trabaho na panatilihing malinis ang bahay. Nilampaso kong mabuti ang sahig na naputikan. Pero ganoon na naman ang nakita ko sa muling pagbabalik ko sa bahay. Katulad na katulad ng naunang nasaksihan ko bakas ng maputik na pares ng sapatos na dumaan sa salas paakyat sa hagdan at humangga sa nakasabit na larawan.

ALL HORROR STORIES Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon