CHAPTER 3

8K 152 2
                                    

Dugo ang luha ng kandila

Plak! Plak! Plak! Plak!

Malakas ang pagaspas ng malalaking pakpak ng matandang babaing manananggal. May hinahabol ito.

Tinutugis nito ang magkaibigang sina Marco at Dodong!

“Dali, Dodong! Bilisan mo ang takbo!” sigaw ni Marco na habol ang hininga sa mabilis na pagtakbo. “Huwag ka nang lumingon! Takbooo!”

Ho ho ho ho!

Ang malakas, makapanindig-balahibong halakhak ay galing sa isang mala-higanteng kapre na bigla na lamang humarang sa kanilang daraanan!

“Aaaaaaaaah!” pinagsamang sigaw ng dalawa.

Lumihis ng daan si Marco. “Dito, Dodong! Biliiiis!”

Sumunod ang lalaki sa kaibigan.

Palibhasay may kadiliman ang gabi, hindi napansin ng dalawa ang nakakalat na malaking tuyong sanga sa dinaraanan. Napatid sila roon. Pareho silang sumubsub sa lupa.

Nang mag-angat sila ng mukha, nakita nila ang isang babaing nakatayo sa kanilang harapan. Nakalutang ito sa hangin. Nakasuot ng damit pangkasal. Buntis!

Umikot ang ulo ng babae. Marahan sa simula ang pag-ikot hanggang sa unti-unti iyong bumilis!

Pabilis nang pabilis!

Hanggang sa maputol ang ulo nito at gumulong sa lupa!

Nabasa ang dalawa ng sumirit na dugo mula sa pugot na leeg ng babaing buntis!

Mayamaya ay napansin nilang tumataas ang umbok sa tiyan ng babae. Gumagapang pataas ang ipinagbubuntis nito!

Lumabas iyon sa pugot na leeg… at lumantad ang isang mabangis na tiyanak!

Kumilos ang tila kable sa matigas na pusod ng tiyanak. Pumulupot iyon nang mahigpit sa leeg ni Dodong!

Naghagilap nang madadampot na malaking bato si Marco. Pinukpok ang tiyanak. Isa, dalawa, tatlong pukpok! Hanggang sa mapatay niya ang halimaw na sanggol!

Habol ni Dodong ang hininga. Muntik na muntik na siya.

Inalalayan ni Marco ang nanghihinang kaibigan sa pagtakas. “Ako lang naman ang pakay ng mga kampon ng dilim, Marco! Pabayaan mo na ako!”

“Kaibigan kita, Dodong! Hindi kita mapapabayaan!” Nagpalingalinga si Marco. Nagliwanag ang mukha niya sa nakita. “Hayun, bahay! Makikituloy tayo!”

Tinungo niya ang lumang bahay.

Kumatok si Marco.

Lumangitngit ang pinto nang bumukas. Pero hindi inaasahan ni Marco na ang magbubukas ng pinto ay si Kamatayan!

Humaginit ang kalawit ni Kamatayan! At sa saglit ding iyon ay lumipad sa ere ang pugot na ulo ni Dodong!

Napabalikwas sa pagkakahiga si Marco. Panaginip lang pala niya ang mga kalagiman.

Gulo ang isip na nalabnot ni Marco ang buhok. Hindi lang minsan itong nangyari sa kanya. Madalas. “Pagkatapos kong maitakas sa mga tumutugis na kampon ng dilim si Dodong ay napapatay siya ni Kamatayan sa bandang huli. Bakit lagi akong ginagambala ng bangungot na iyon? Hindi ko maintindihan!”

Si Dodong ay ang matalik niyang kaibigan. At ang kaibigan niyang ito ay hindi na yata nauubusan nang mabibigat na problema.

“N-nabuntis mo si Selina?” gulat na pagkumpirma ni Marco kay Dodong habang nasa isang beerhouse sila. “Hindi maaaring ganoon lang iyon. Kailangang panagutan mo siya, Dodong!”

Tumuma ng beer si Dodong. Umiling. “Marco, ayokong magsisi habambuhay. Wala akong nararamdaman sa kanya. Tinukso lang niya ako.”

“Mayaman ang mga Escuerdo, Dodong! Maimpluwensiya! Baka pulutin ka na lang sa kangkungan pag nalaman ni Mr. Escuerdo na inapi mo ang kaisa-isa nyang anak!”

Tinitigan siya ni Dodong. Makahulugan. “Marco… patutulong nga sana ako sa iyo. Kailangang-kailangan lang kaya huwag mo naman sana akong tatanggihan.”

Kumunot ang noo ni Marco.

“May kilala kang abortionista, di ba?”

“Pero…”

“Please…”

Hindi natanggihan ni Marco si Dodong nang magpumilit ang kaibigan na tulungan niya itong humanap ng isang abortionista.

Mabigat man sa loob ay napilitan siyang alalayan ang kaibigan.

“Salamat, pare!”

Sa tulong niya, isang inosenteng buhay ang natampalasan.

Pero makaraan ang ilang buwan matapos patayin ang buhay sa sinapupunan ni Selina ay hindi nito iyon nakayanan. Dinugo ang dalaga at naospital. Hanggang isang gabi ay tumawag sa kanya si Dodong para ipaalam ang isang malungkot na balita.

“Patay na si Selina, Marco.”

“Ano?!” Halos magkandabulol si Marco. Durung-duro ang kunsensiya niya. “Kaya nga ba tumatanggi akong samahan kayo sa abortionista. Dahil baka hindi niya makayanan…”

“Huwag kang mag-alala, pare. Sinigurado kong di ka madadamay. Sa ngayon ay magtatago muna ako. Magpapalamig muna ako,” ang sabi ni Dodong.

Ilang buwan pa ang lumipas. Masungit ang panahon noon. Malakas ang ulan at hangin. Kasalukuyang naghahapunan si Marco nang biglang mag-brownout. Naghagilap siya ng kandila nang hindi makita kung saan nailagay ang flashlight na ginagamit sa gayong emergency.

Nagsindi siya ng kandila… upang magimbal!

“Dugo! Dugo ang iniluluha ng kandila!” bulalas niya.

Ipinilig-pilig ni Marco ang ulo. Aniya ay baka isang bangungot lang iyon, pero…

“Talagang dugo ang luha ng kandila!”

Natulala siya. Sa sumunod na mga sandali ay nakatayo lang siya sa harap ng kandila at nakamasid sa luha niyon. Bago pa siya panawan ng bait, nakita na lang ni Marco na nagbalik na sa normal ang luha ng kandila.

Ewan ba niya, pero biglang sumiksik sa kanyang isip si Dodong. Gininaw siya. Kinabahan!

“Baka may masamang nangyari kay Dodong! Diyos ko… wag naman po sana!” sambit niya.

Pero may masama ngang nangyari kay Dodong…

“Natagpuan na lang daw patay ang aking anak,” umiiyak na balita ng ina ni Dodong kay Marco. “Ibinalita samin ng pinagtataguan niya sa Bicol.”

At noon niya napagtagni-tagni ang lahat…

“Ang matandang babaing manananggal sa aking bangungot, iyon marahil ang sumisimbolo sa ina ni Selina, at ang kapre naman ay ang kanyang ama.”

Samantalang ang buntis na white lady ay si Selina mismo, at ang tiyanak ay ang anak nila ni Dodong.

“Sa panaginip ay pinatay ko ang tiyanak sapagkat ako marahil ang naging daan upang mamatay ang nasa sinapupunan ni Selina. God… napakalaki rin ng kasalanan ko!”

Si Kamatayan naman… marahil ay nagbabadyang si Dodong ay malapit nang mamatay.

At ang kandilang lumuluha ng dugo… pangitain iyon na si Dodong ay patay na.

May konsensiya rin si Marco. Pero ang ginawa ni Dodong ay hindi niya gagawin sapagkat malaking kasalanan iyon sa Diyos. Bagkus ay inilapit niya ang sarili sa Maykapal. Pinatibay ang paniniwala.

“Lord… patawarin po Ninyo ako sa aking kasalanan,” samo niya habang taimtim na nagdarasal.

WAKAS

ALL HORROR STORIES Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon