buhay❤

169 2 0
                                    

Sa bilyon bilyong tao sa mundo,
Magkakaibang estado,
Iba't ibang kasarian,
Na may iba't ibang pinanggalingan.

Iba't ibang dahilan ng pagpapatuloy sa buhay,
Magkakaibang paraan kung paano maglakbay.
Nakilala sa di pare-parehong panahon,
Nabuo ang pagkatao sa di mabilang na mga pagkakataon.

Ano nga bang silbi ng isang tao sa mundong ginagalawan nito?
Anong silbi ng isang ikaw sa isang buhay na kinalakhan mo?
Anong silbi ng isang ako sa mga taong nasa paligid ko?
Puro katanungan na mabibigyang kasagutan.

Simulan natin sa isang "siya" na pilit inaabot ang mga pangarap niya,
Gumawa ng paraan
Dumaan sa baku-bakong daan, nadapa, nasugatan, naging luhaan,
Ngunit di pa rin nagtagumapay sa kabila ng lahat.

Hindi pa,
Hindi pa siya nagtatagumpay sapagkat iba ang kaniyang tinahak,
Napagtanto niya sa kaniyang pagpapahinga na hindi pagiging inhenyero ang nararapat sa kanya.
Sa kaniyang pagkadapa nakita niya ang mga bata sa lansangan, nilamon ng kasalanan dahil sa kanilang kamusmusan.
Sa pagkakataong 'yon ginusto niyang maging guro–sila'y matulungan na kanya namang napagtagumpayan.

Isunod natin ang "sila" na ilang beses nang tinanggihan,
Ilang beses ibinaon sa pagkabigo at iniwang luhaan.
Hinusgahan pati ang kanilang kakayahan,
Binato ng mga masasakit na salita na talaga namang nagmarka sa kanilang mga isipan.

Muntik ng bumitaw,
Ngunit sila'y natagpuan ng mga taong minsan na ring nalagay sa kanilang kinalalagyan.
Nakita ang kanilang halaga, maging ang kakayahan nila.
Pinasikat at ngayo'y hinahangaan na ng madla sa ganda ng musikhang sila mismo ang may likha.

Dumako naman tayo sa isang "ikaw".
Ikaw na ilang beses tinalikuran ng mga kaibigang minsang nangako na hindi ka iiwanan.
Ikaw na ilang beses ng nawasak ang puso kahit ibinigay mo na ang lahat sa'yo.
Ikaw na di mo mahanap sa kung sino ang pagmamahal na inaasam-asam mo.

Ang sarili na paulit-ulit nawasak sa mga pagtangging paulit-ulit mo ring naranasan.
Ang ikaw na ilang beses ng naligaw sa kawalan,
Na sa bandang dulo'y natagpuan mo ang bagay na minsan mo nang tinalikuran,
Ang wagas na pagmamahal na kayang ibigay ng pamilya mo na binuo sa pamamagitan ng pag-ibig ng Diyos na minsan mo nang kinalimutan.

Ngayon, tumungo naman tayo sa salitang "ako" na minsan nang nawala,
Sumuko ngunit ngayo'y muling nagsimula.
Nagpatuloy sa pagsagwan.
Hindi pa tuluyang nagwawagi ngunit pinili kong ngumiti sa gitna ng laban.

Ngitian ang buhay kahit mahirap at masakit.
Pinili kong tignan ang ganda nito kahit gusto ko na lang pumikit.
Naging pasitibo ang pananaw kahit dulo'y 'di pa natatanaw,
Dahil alam ko,  sa gitna ng karagatan,  ako'y Kanyang ginagabayan.

Sa lahat ng katanungan,
Iisa lang ang sagot.
Buhay ay hindi basta-basta,
Marami itong surpresa.

Iba man ang estado mo sa iba,
Iba man ang kasariang mayroon ka,
Maging ang pinanggalingan ng bawat isa'y magkakaiba,
Sa bandang huli, pare-pareho lang tayong may gampanin na matutuklasan sa paraang hindi basta-basta.

Tungkuling maliit na bagay man sa iba,
Nanghihinayang sila sa pag aakalang wala itong halaga,
Ngunit sa nakararami'y isang napakagandang biyaya.
Biyayang pwedeng ibahagi sa mga taong unti-unti ring nawawalan ng pag-asa.

Sa pagtatapos nito,  isa lang ang masasabi ko.
Mayroon mang siya, sila, ikaw,  ako, tayo,
Ito ang tatandaan mo,
Hindi man patas ang buhay,
Subalit matagal na tayong nagtagumpay,
Dahil sa kaniyang mga mata,  lahat tayo pantay-pantay.

👇click thx

Tagalog Spoken Word PoetryTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon