4: Labyrinth

10.6K 298 19
                                    

Labingwalong taon na mula nang itatag ang HMU, at simula pa noon, isang professor lang naman talaga ang laging inaabangan ng mga estudyante roon. 

Pumasok sa room 403 ang babaeng tatlumpu’t siyam na taong gulang ang edad, nakasuot ng black bodycon dress na sobrang ikli at hanggang hita lang ang haba na pinatungan niya ng red blazer. Nakapusod ang blonde nitong buhok at may salaming mataas na rin ang grado. Angat na angat ang cherry red lipstick nito dahil sa mestisang balat, at walang lalaking estudyante ang umiiwas sa kaisa-isang subject niya sa university na iyon. At kahit na nakasisira ng utak ang pagtuturo niya ng Calculus, ang dami pa ring kumuha ng subject na iyon dahil lang sa prof na nagtuturo.

Kanya-kanya nang ayos ang mga lalaking estudyante habang ang mga babaeng estudyante ay kulang na lang na maging chubibo ang mata kakaikot.

 “So . . .” Tiningnan niya ang lahat ng estudyante niya sa room na iyon. Lampas sa tatlumpu ang naroon pero hindi naman umabot sa kuwarenta. “. . . siguro naman, may nakagawa ng homework n’yong pang-elementary lang.”

Napabuntonghininga na lang si Arjo dahil hindi niya alam kung paano ba kokopyahin ang homework na gawa ng kuya niya. Hindi niya alam kung saan sisimulan dahil wala siyang naintindihan doon kahit isa. Si Max naman, nakatulala lang sa labas ng bintana. Hinihintay na matapos ang klaseng iyon.

“Sino ang nakagawa? Raise your hands,” sabi ng prof.

“MA’AM, AKO!”

“Ako, ma’am! Furpect ’to! Pramis!”

“Ma’am, nako! Baka matawag n’yo ’kong Einstein dahil sa sagot ko!”

Another eyeroll mula sa mga babaeng estudyante.

Itinuro niya ang mesa para sabihin sa mga estudyante niyang ipasa nito ang mga homework nila. Agad-agad namang lumapit sa kanya ang mga lalaking estudyante na akala mo ay pinakawalan sa koral kung makasugod.

Lahat halos ng lalaki ay lumapit liban kay Max na hinihintay na lang na ipasa ng kapatid ang notebook niya.

Napansin agad ng prof si Max na nakatulala lang sa labas ng bintana. Hindi niya inalis ang tingin doon habang nagkakagulo pa rin ang iba sa pagpasa ng kanilang homework.

Pag-alis naman ng mga lalaki, parang mga zombie na tumayo ang mga babaeng estudyante at walang ganang nagpasa ng gawa nila.

Nalipat naman ang atensiyon ng prof kay Arjo na halatang namomroblema habang hawak ang isang black at isang pink na notebook. Nakasimangot si Arjo nang ilapag ang notebook sa pinakaibabaw ng mga ipinasa. Sinundan naman siya ng tingin ng prof niya. Nang makaupo na siya ay agad na kinuha ng guro ang notebook na black at aang pink na nasa ibabaw.

“Armida Josephine F. Malavega.” Halatang walang gana niyang binuklat-buklat ang notebook para maghanap pa ng ibang nakasulat. Kaso wala nang ibang nakasulat liban sa unahang page na may nakalagay na “I’m not a fan of Mathematics. And if this homework is only the introduction, I don’t want to know the next topic. You think it rhymes?” with smiley pa at LOL.

Napailing na lang siya dahil ang lakas ng loob ni Arjo para isulat iyon samantalang napaka-basic lang ng pinagagawa niya.

Parang wala lang na inilapag niya ang pink na notebook sa gilid. Sunod na binuklat niya ay ang itim na hawak. Tumaas ang kilay niya nang makita ang mga page na puno ng sagot at explanations with complete solutions pa.

 “Maximilian Joseph . . .” Napangisi na lang siya dahil gaya ng inaasahan niya ang nakita sa notebook. “. . . Zach.”

Inilapag na uli niya ang notebook at tiningnan ang mga estudyante niya.

Secrets of the Malavegas (Book 7)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon