16: 6th Floor

7.8K 282 19
                                    

I dedicate this to MysticYeoja.

_______________



Isa ang sixth floor sa floor na may magagandang amenities sa HMU. Nandoon ang Hill-Miller bar na mga bartending student ang nag-o-operate. Katabi niyon ang Hill-Miller mock hotel na may apat na kuwarto na ino-operate ng mga hotel management and tourism student. Sa kabilang dulo naman ay ang Hill-Miller restaurant na ino-operate ng mga culinary and restaurant management student. Kitang-kita na ginastusan ang sixth floor, hindi mumurahin ang furnitures and fixtures na naroon, kahit ang mga equipment. Ultimo couch, gawa sa magandang klase ng materyal. At doon madalas ang tambayan ng mga professor ng HMU kapag gusto nilang magpahangin sa school, kaya naman iwas doon ang karamihan sa mga estudyante, maliban sa ibang malalapit talaga sa mga prof. Hindi rin naman libre doon dahil kada order ay may bayad na halos doble sa bayad ng nasa menu sa mess hall.

Sa sixth floor, may isang mahabang cream-colored couch na nakaharap sa railings. Tanaw roon ang buong block sa East Triangle ng Grei Vale na tinutumbok ang dulo ng sampung block patungo sa burol kung saan nakatirik ang mansion ni Erajin Hill-Miller.

Prenteng-prente ang pagkaka-dekuwatro roon ni Laby habang sinisimsim ang order niyang affogato. Tinatanaw niya ang mansion mula sa kinauupuan.

"Hey!"

Napasulyap si Laby sa kanang gilid nang may biglang lumukso roon mula sa likuran at naupo habang nakatingin sa kanya. Ipinatong pa nito ang kaliwang siko sa sandalan ng couch habang nakangisi sa kanya.

"Levarez, di ba dapat kasama mo si Arjo ngayon?" bored pang tanong ni Laby sabay higop sa inumin niya.

"Tatanungin sana kita tungkol diyan, pero mas na-curious ako kay Zone," ani Melon sa kanya at bahagyang nag-angat ng mukha. "Saan mo nakuha ang bata?"

"Hmm . . ." Napatanaw ulit sa mansion si Laby at naalala ang nangyari nitong umaga lang.



///



Naglalakad siya papunta sa CBA building na katabi ng secondary building, kaya natural lang na madaanan niya ang maraming high school students. Malaki ang HMU at hanggang gate 4 ang entrance at exit.

Naagaw ng atensiyon niya ang isang kulumpon ng mga estudyante na may pinagkakaguluhan sa may hagdan. Nagtuloy-tuloy lang siya sa paglalakad nang biglang makarinig ng ring, hudyat na simula na ng klase ng high school.

Napahinto siya nang mawala na ang mga estudyante at ang natira na lang ay ang isang batang nakaupo sa may hagdan ng secondary building. May hawak itong paruparo na ayaw umalis sa kamay nito.

Magdidire-diretso sana siya sa paglalakad nang mapansing parang pamilyar ang bata. Nilapitan niya agad ito para makompirma kung tama nga ang hinala niya. Napaatras siya ng isang hakbang nang makilala ito.

Tiningnan pa niya ang paligid kung may nakakakita sa kanila. nang makitang wala na halos estudyante sa paligid ay kinausap na niya ito.

"Hello . . ." Tumalungko siya sa harapan nito para pantayan ito sa pagkakaupo. "Ano'ng ginagawa mo rito?"

Inosente naman siyang tiningnan ng bata. "Butterfly!"

Tiningnan naman niya ang dilaw na paruparo na nasa kamay nito na dahan-dahang ginagalaw ang pakpak pero hindi pa balak na lumipad. Ibinalik niya rin ang tingin sa bata.

Secrets of the Malavegas (Book 7)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon