33: The Usual Morning

5.6K 217 35
                                    

Sa bahay ng mga Malavega . . .

Napatalon agad si Melon sa may hagdan nang makitang susugod na ang isa sa mga lalaking nakaitim kina Lei. Inabot agad ang mukha nito ng suntok niya kaya bumagsak agad ito at dumausdos sa sahig. Binato na rin niya ng display na picture ang isa nitong kasama na natamaan niya sa mukha.

"Mel!" tawag ni Lei na kino-cover si Arjo.

"Ano bang nangyayari dito?!" nagtatakang tanong ni Arjo habang palipat-lipat ng tingin kay Melon at doon sa natitirang lalaking nakaitim

"Itago mo na siya!" utos ni Melon sabay turo ng ulo roon sa itaas. Tumango naman si Lei at hinatak si Arjo papunta sa hagdan.

"Sino ba yung mga 'yon?!" tanong ni Arjo habang hindi nilalayo ang tingin doon sa mga lalaking nakaitim.

"'Wag ka na lang magtanong! Tara na!" Itinulak ni Lei si Arjo papunta sa taas.

Kinuha ng isang lalaking nakaitim ang dalawang kunai at ibinato kay Melon. Iniwasan ni Melon ang isa at sinangga ang isa gamit ng display na figurine.

Kinuha ng isa pang lalaking nakaitim ang dala nitong baril at kinasa na. Napaatras tuloy si Melon dahil doon. Pero pinigilan ng lalaking naghagis ng kunai ang kasama niyang may hawak na baril. Umiling ito para sabihing huwag.

Pinakiramdaman sila ni Melon. Hindi puwedeng gumamit ng baril, may laban siya kahit paano.

Kinuha niya sa bulsa ang baong brass knuckles at sinuot. May laban siya sa mano-mano.

Sumugod na siya at binira sa mukha ang isa sa mga nakaitim. Nabasag ang suot nitong maskara at nakita ang parte ng mukha nitong duguan na. Sinipa si Melon sa sikmura ng isa pa kaya napaatras siya nang tatlong hakbang. Napahawak tuloy siya sa tiyan dahil sa sakit.

Nagtabi ang dalawang lalaki at pumuwesto para sabay na sugurin siya. Inilabas ng isa ang dalawa pang kunai, ang isa naman ay maliit na katana. Umayos naman ng tayo si Melon at pumorma na rin para sumugod. Itinaas niya ang dalawang kamao at tiningnan nang masama ang dalawa niyang kalaban.

"Aaargh!"

Magsusuguran na sana sila nang biglang may malalakas na putok ng baril ang narinig sa labas.

Bang! Bang! Bang!

May malakas ding sigaw mula sa labas at biglang tumahimik.

Pare-pareho tuloy silang natigilan.

Sandali silang nagtitigan doon. Tinatantya ang mga pangyayari.

Napalunok na lang si Melon.

Biglang bumukas ang pinto at bumungad sa kanila si Armida na may dala-dalang tatlong long envelope at binabasa ang address doon.

Huminto pa ito at tiningnan sila.

Humigpit ang pagkakahawak sa mga armas ng dalawang lalaking nakaitim.

"Ang lawak sa kalsada, bakit dito n'yo pa napiling magpatayan?" tanong pa niya sa mga nag-aaway sa loob ng bahay nila. Nagtuloy-tuloy siya ng lakad papasok sa loob na animo'y walang nangyayaring kaguluhan. Sinundan lang siya ng tingin ng dalawang nakaitim at ni Melon.

Si Josef naman, nagtuloy na lang din papasok sa loob na parang wala lang.

"Ayokong maglinis ng kalat," sabi ni Josef doon sa mga nag-aaway sa loob ng bahay nila. Magulo kasi sa sala nila at halatang nagkaroon ng komosyon.

"Aarrgghh!" Nagtuloy na lang sa pagsugod ang dalawang lalaking nakaitim na ang puntirya ay si Josef na.

"Watch out!" sigaw ni Melon.

Secrets of the Malavegas (Book 7)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon