39: Citadel's Cursed Firstborn

5.8K 251 42
                                    

Ngata-ngata ni Arjo ang braso ng bagong biling teddy bear niya habang inaalala ang katangahang ginawa.

Kilala niya ang kuya niya at alam niyang  napakasama ng ugali nito. Pero talagang hindi niya alam kung ano ang nangyari kanina habang kausap niya ito. Ang hinahon kasi nito, parang may kung ano sa boses nito na parang pinakakalma siya pero pinabibilis din ang tibok ng puso niya.

Ipinikit niya nang mariin ang mga mata para hindi maisip ang nangyari. Ang kaso, pagpikit niya, parang lalong luminaw ang lahat.

"Siguro, di mo pa 'yon naiintindihan sa ngayon. Pero ginagawa naman ni Mama ang lahat para alagaan ka. Ginagawa ko naman lahat ng kaya ko para protektahan ka kahit pagalitan ako ni Mama."

Napakuyom siya ng kamao nang bigla siyang hinalikan sa noo ng kuya niya. Hindi naman iyon ang unang beses. Noong bata sila, lagi naman iyong ginagawa ng kuya niya sa kanya. Ganoon din ang ginagawang papa niya sa kanya. Kung tutuusin, pareho lang ang papa niya at ang kuya niya sa ginagawa. Mas masungit lang si Max.

Paglayo nito sa kanya, hindi niya alam kung ano bang pumasok sa isipan niya dahil bigla niya itong hinalikan sa labi.

"Max? Nasaan ka na?"

Mabilis din siyang lumayo at pumikit-pikit pa habang nanlalaki ang mga matang nakatitig sa kuya niya na hindi naman niya nakitaan ng gulat sa mukha. Kumunot lang kasi ang noo nito na mas nangibabaw pa ang pagtataka kaysa gulat.

Biglang bumukas ang pintuan ng kuwarto niya at sabay pa silang napatingin sa pinto.

"Max, mag-usap nga tayo. Bumaba ka sa sala," utos ng mama niya at mabilis na tumalikod para umalis.

Walang lingunang tumayo si Max at sumunod sa mama nila pababa sa sala.

"Eeeeh!" Hinagis niya ang pink niyang bear sa kama, dumapa roon, at sinubsob ang mukha niya sa dibdib nito.

Ngayon lang nag-sink in sa kanya na ang laking kabaliwan ng ginawa. Anong masamang ispiritu ang sumanib sa kanya at hinalikan niya ang kuya niya? Mas nakakahiya dahil unang beses niya humalik ng lalaki—at sa dinami-rami ng hahalikan, kuya pa niya.

Umayos siya ng higa at tinitigan ang kisame. Nakakunot ang noo niya habang hawak ang dibdib na parang gusto nang iluwa ang puso niyang tinalo pa ang nakikipagkarera sa kabayo dahil sa mabilis na pagtibok. Pakiramdam niya may humaharang sa paghinga niya, hirap na hirap pa siyang kumuha ng hangin. Ang init ng pisngi niya at pakiramdam niya, sasabog na siya.

Kagat-kagat pa niya ang labi dahil parang nararamdaman pa rin niya ang labi ng kuya niya roon.

"Shocks, Kuya, sooooorry . . ." nahihiya niyang paumanhin sa kisame.


***


Litong-lito bumaba si Max dahil inutos nga ng mama niya na bumaba siya. Kung ano man ang dahilan, hindi niya maisingit sa utak niya. Nagtataka siya kung ano ang nangyari sa kapatid niya at bigla siyang hinalikan. Kung tutuusin, mas nangingibabaw sa kanya ang pagtataka kaysa pagkagulat.

Balisa siyang umupo sa couch at nakatulalang sumandal doon.

"Max, nag-usap kami ng Papa mo."

Hindi bago sa kanya ang mga babaeng kapag natatagalan ang titig niya, bigla-bigla na lang siyang hahalikan. Isa sa dahilan kaya nga halos kalahating dekada rin siyang nagmukhang pinabayaan, para maiwasan ang mga ganoong pangyayari. Hindi lang talaga inasahang tatablan si Arjo ng matagal na niyang problema.

"Armida, hindi pa tayo tapos mag-usap."

"Mamaya na kita kakausapin, Josef. Magluto ka na lang muna ng dinner."

Kagat-kagat ni Max ang labi habang pinaniningkitan ng mata ang center table nila. Napapatanong siya sa sarili kung paanong tinatablan ito ng kung ano man ang meron siyang nakakaakit sa mga babae noon pa man.

"Maximilian, nakikinig ka ba?"

Doon lang nalipat ang atensiyon ni Max sa mama niya. "I'm not listening," pag-amin niya agad.

Bumuntonghininga agad si Armida at pinagkrus ang mga braso at binti habang tinataasan siya ng kilay. "Kanina pa 'ko nagsasalita, hindi ka pala nakikinig."

"Sorry, Ma. What's with this talk?" tanong niya sa ina at sinulyapan sa kanan ang papa niyang nakapamaywang lang at nakikinig sa kanila—o sa mama niya lang.

"Mag-usap nga muna tayo ng kung anong gumugulo sa isip mo ngayon," inis na utos ni Armida sa anak. "Kasi ayokong salita ako nang salita tapos nagbibingi-bingihan ka lang."

Bumuga ng hininga si Max at ginaya ang ayos ng mama niya. Komportable siyang sumandal sa upuan at nagkrus din ng braso at binti. "Hindi ko tunay na kapatid si Arjo, di ba? Gano'n din si Zone."

Nawala ang simangot sa mukha ni Armida. Mas nangibabaw ang kaba at pagkalito. "Son, don't make this complicated for you and for us."

"Ma, kung isasalin ni Arjo ang lahat ng dugo niya sa 'yo, magiging okay ka na, di ba?"

Nakitaan ng gulat ang mukha ni Armida dahil sa sinabi ng anak. Mabilis niyang nilingon ang asawang nagulat din sa narinig.

"Saan mo nalaman 'yan?" kinakabahang tanong ni Armida kay Max.

"Ma, hindi na 'ko bata. And you know I have my ways to know the answers I want, di ba? Exhaust all resources take all information. You trained me to do that."

Biglang buga ng hangin ni Armida at napahimas naman ng noo. Bakas na bakas sa kanya ang pangamba sa kung ano man ang nalalaman ng anak niya. Kinakabahan siya dahil babagsak lang naman ang lahat ng paliwanag sa isang reserbang vessel lang si Arjo para mabuhay siya. Parang bagay na kapag tapos nang gamitin, puwede nang itapon. Dahil iyon ang gamit nito. Ginawa ito para doon. At mahirap ipaliwanag iyon sa anak niya dahil kukuwestiyunin nito ang moralidad nila bilang mga tao, lalo na ang paniniwala nitong magkapatid ang dalawa.

"Minsan, nagsisisi akong nagkaroon ako ng anak na matalino," pagsuko na lang ni Armida. Napaikot ang mga mata niya at nagtaas na ng magkabilang kamay para sukuan na ang anak. "Okay, Max, ganito. Kung ano man ang alam mo—"

"Kung ano'ng alam ko, hindi rin 'yon alam ni Papa. You didn't tell us the truth. Hindi mo sinabing kailangang mamili kami sa inyo ni Arjo. Hindi transfusion ang kailangan mo kundi blood replacement, or else you'll die. They'll drain her blood para isalin sa 'yo."

Napatayo sa kinauupuan si Armida at masamang tingin na ang ibinigay sa anak niya. Kapansin-pansin ang pag-akyat-baba ng dibdib niya dahil sa inis. Pero si Max, kampante lang sa pagkakaupo. Diretso ang tingin, walang takot. Noon, iniisip niya kung paano ba siya nahaharap ni Cas at bakit galit na galit ito sa kanya kapag kinakausap siya. Ngayon, naiintindihan na niya na ang laking sakit sa ulo kapag nagkaanak ng marunong mag-isip at kayang taliwasin ang paniniwala niya.

"Max," pagtawag ni Josef na bumasag sa umiinit na usapan nila. "Saan mo naman nalaman ang mga 'yan?"

"May mga bagay pala ang Citadel na naitatago sa 'yo, Pa," nang-uuyam na sinabi ni Max at tumayo na para harapin ang papa niya. "That place is playing with our lives. Mas corrupt ang lugar na 'yon kaysa inaasahan ko. And there's no doubt why some people want to take it down."

Inilipat niya ang tingin sa mama niyang ang talim na ng tingin sa kanya. Halatang may gustong sabihing masama pero nagtitimpi lang.

"Ma, I want the best for us, but I can't afford to lose any of this family. Not Arjo, not Zone, not you."

Hindi na niya hinintay magsalita ang mga magulang niya. Dumiretso na lang siya pabalik sa sariling kuwarto.

Naiwan naman sa sala ang mag-asawa na hindi na rin nakaimik sa lahat ng sinabi ni Max.

Napapailing na lang si Josef dahil lalo lang naging komplikado ang lahat para sa kanila.

"Now you know the realreason why they want to dethrone me," sabi ni Josef kay Armida na nanatilingbalisa habang kuyom-kuyom ang kamao. "I hate to admit it pero may point si Cas.Your son is the reincarnation of my grandfather." Bumalik na lang si Josef sakusina para ituloy ang pagluluto niya.

Secrets of the Malavegas (Book 7)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon