27: Unusual Morning

8.5K 259 16
                                    

Sabado na, at ang aga gumising ni Josef para magluto ng agahan. Si Armida ang gumagawa niyon simula nang magsama sila ulit pero dahil hindi ang asawa niya ang nasa katawan ngayon, wala siyang magagawa kundi ang gawin ang tipikal na ginagawa nito.

Nagsibabaan na ang mga batang Malavega para kumain ng almusal.

Naabutan nila na si Josef ang nagluluto at hindi ang mama nila.

"Pa, nasaan si Mama?" bungad ni Arjo nang makitang tapos nang mag-asikaso si Josef at inaayos na lang ang mesa. Alas-siyete at kung ang mama nila ang nasa kusina, malamang na naghihintay pa rin sila ng niluluto nito dahil mabagal itong kumilos.

"Tulog pa yata," sagot ni Josef.

Pinanood na lang niya si Zone na masayang tumungo sa puwesto nito na gilid lang ng puwesto ni Armida sa mesa. Bagong ligo lang din ito na ikinataka niya.

"Zone, who took you to your bath time?" usisa ni Josef at inabutan ng isang basong gatas ang anak.

"Kuya Max did, Josef," sagot nito sabay higop ng gatas.

Napatango na lang si Josef. Mukhang maaga ring nagising ang panganay niya.

"Pa, ano'ng nangyari kay Mama kagabi?" takang tanong ni Arjo at biglang napangiti dahil hindi lang basta french toast ang tinapay nila sa mesa. Ham sandwich na iyon na binalot ng melted parmesan cheese. Kumuha agad siya ng isa at tinikman. "Uhm . . ." Halos mapapikit siya sa sarap habang nginunguya iyon. "Papa, dapat ikaw na lang lagi magluto, mas masarap ka pa magluto kaysa kay Mama!"

Nagtaas ng hintuturo si Josef at matipid na ngumiti. "Ang Mama mo ang gustong magluto, I have to let her cook."

Ilang saglit pa, bumaba na rin si Max na bagong ligo na rin at nakabihis ng smart casual attire. Simpleng light blue folded-sleeved shirt na naka-tuck in sa isang cream-colored trouser. Naka-brush pa ang buhok nito at inaayos ang suot na black leather watch.

"May lakad ka, Maximilian?" tanong ni Josef sa anak bago lapagan ng chocolate drink si Arjo.

"May kakausaping kliyente, Pa," katwiran ni Max na hindi man lang inabalang tingnan ang ama.

"Anong oras ka uuwi? Magco-commute ka?"

"Probably. I used the car yesterday para ihatid si Mama kay Uncle Ray. I hope that didn't count since I'm still grounded to use my own vehicle." Umupo na lang siya sa puwesto niya katapat ng upuan ni Arjo.

Kumuha siya ng isang sandwich sa mesa na gaya ng kinakain ni Arjo at kumagat nang malaki. Nakakadalawang nguya pa lang siya nang matigilan at mapatingin doon sa hawak na tinapay.

"Ang sarap magluto ni Papa, di ba?" nakangising sinabi ni Arjo sa kanya habang ngumunguya ito.

Sumasabog sa bibig ang lasa ng ham at keso. Pero may nalalasahan pa siyang nagbabalanse sa alat. Hindi niya alam kung gatas ba o asukal. Hindi pa siya nakakatikim ng luto ng papa niya, pero masasabi niyang di-hamak na mas magaling itong magluto kaysa mama niya.

Ilang saglit pa, nilapagan na siya ni Josef ng isang tasang kape.

Si Armida ang madalas gumawa niyon, ngayon lang din niya naranasang ipagtimpla ng kape pero ama niya ang gumawa. Tiningnan niya ang ibang mga kapatid. Naroon ang favorite milk ni Zone, ang chocolate drink ni Arjo, at ang kape niya.

Humigop siya ng mainit na inumin at natigilan na naman dahil hindi instant coffee ang nalalasahan niya. Mas mabango rin ang aroma ng kape at mas matapang kaysa hinahanda ng mama niya. Mas gusto niya ang mas matapang ang lasa gaya ng iniinom niyang espresso sa mga coffee shop. At ganoon ang lasa ng kapeng gawa ng papa niya.

Secrets of the Malavegas (Book 7)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon