Halos lahat, inaabangan ang kamatayan ng mag-asawang Zordick-Zach. Hindi rin biro ang lahat ng kayamanang hawak nila, higit na si Richard Zach. Hindi pa kasama sa usapan na kaya ito gustong patayin ay dahil ito ang kasalukuyang may hawak sa tatlong project na ginawa ni Labyrinth.
Ayon nga sa kasunduan, dahil ipinangalan sa mga Zordick ang mga project, nakaatas sa mag-asawang Zordick-Zach ang pangangalaga rito. At babawiin lang ito ng Citadel oras na mamatay silang dalawa.
Iyon nga lang, iniisip ng lahat na imposible pa ang bagay na iyon dahil unang-una: kasalukuyang Fuhrer si Richard Zach; pangalawa, masyadong limitado ang impormasyong hawak ng lahat ukol sa Project Zone na matagal nang gustong bawiin ng mga Superior. Iniisip ng mga ito na kahit ang Project Zone lang ang makuha nila dahil napakalaking bagay ng prototype at ng bioweapon. May kakayahang kumontrol ng lahat ng system na konektado sa iba't ibang agency ang isa. May kakayahan namang
Pinag-iinteresan naman ng associations ang Project ARJO mula nang kumalat ang tungkol dito bilang susi sa imortalidad.
Pero sa kabila ng lahat ng iyon, para sa pananaw ng mga batang Malavega, isang normal na pamilya lang sila. At iyon ang mali ng mag-asawang Zordick-Zach, gaya ng palaging pinaaalala sa kanila ni Cas.
Imposible ang normal na buhay sa mga gaya nila.
Panibagong araw, at hindi lang iyon basta normal na araw lang. Kaarawan ni Prince Maximilian II Joseph ayon sa kalendaryo. Araw naman ng pagtatalaga para kay Maximilian Joseph Zach bilang Fuhrer.
Hindi gaya ng tipikal na kaarawan ni Max sa bahay nila na madalas abangan nina Arjo at Zone dahil nagpapahanda talaga sina Josef at Armida ng house party kahit ayaw niya, para lang masabi na may nangyayaring celebration sa pamilya—wala sa araw na iyon ang mga magulang niya. Wala rin sina Arjo at Zone. Wala rin ang inaasahang masayang selebrasyon. Walang kahit sino sa pamilya niya maliban sa lola sa pamilya ng ina at apat na Superior na sasaksi sa araw ng pagtatalaga sa kanya.
Bagsak na bagsak ang tuwa niya sa araw na iyon. Sa tatlong suit na pagpipilian, sinuot niya ang isang Alexander Amosu Vanquish II Bespoke na naka-armored van pa nang personal na i-deliver sa Citadel ayon sa sukat niya. Matagal nang nakahanda iyon para sa araw na iyon, pinagawa noon pang nakaraang taon ng mama niya at hindi niya inaasahang magagamit pala talaga niya ang damit.
Kinikilabutan siya habang inaayos ang sarili. Paulit-ulit niyang sinasabi sa harap ng salamin na kung hindi niya tatatagan ang loob, walang mangyayari sa kanya. Hawak ng ibang tao ang mga kapatid niya. Pinatay ang mga magulang niya. Wala siyang pakialam sa trono at pagiging Fuhrer, pero alam niyang oras na kunin ang titulo, magkakaroon na siya ng pagkakataong makaganti sa kung sino man ang sumira sa pamilya niya sa isang kisap-mata lang.
"Lord Maximilian, nakahanda na ang Oval para sa pagtatalaga," paalala ni Xerez na naghihintay sa labas.
Lalong lumala ang kilabot. Parang maraming maliliit na langgam ang gumagapang sa mga braso, likod, at binti niya.
Bumalik siya sa loob ng walk-in closet ng kuwartong inilaan sa kanya bilang anak nina Richard Zach at Armida Zordick. Humahalimuyak ang pabango sa loob. Para siyang inaakit ng amoy. Nakahilera sa kanan at kaliwang panig ang iba't ibang suit na nakatago sa isang glass box. May glass table sa gitna kung saan naman nakahilera ang mga box ng relo at mga custom perfume. Nakahanda sa ibabaw niyon ang isang maliit na bote ng pabangong may disenyong leon. Malamang na isa na naman sa customized perfume na likha ng angkan nina Xerez. Pinabango niya iyon sa kuwelyo at sa manggas dahil mas magtatagal sa damit ang amoy kaysa balat. Sinuot din ang Graff All-Black Eclipse watch at inayos iyon sa pulsuhan.
BINABASA MO ANG
Secrets of the Malavegas (Book 7)
Mystery / ThrillerWala na ang pinakamatinik na magnanakaw. Wala na ang pinakamagaling na manunubos. Isang simpleng pamilya na lang ang kanilang common denominator ngayon. Siguro nga, normal na ang buhay nila. Pero hanggang kailan? Walang lihim ang hindi nabubunyag, A...