Eusebio
BAGSAK ang balikat kong umuwi ng bahay. Naabutan ko pa si Tatay na nag-aayos ng sinibak nitong mga kahoy. Napansin yata ni Tatay na malungkot ako.
"Bakit para kang pinagbagsakan ng langit at lupa sa hitsura mong iyan? May nangyari ba?" Tanong nito. Naupo ako sa kahoy na upuan na katabi lang ng sinibak nitong mga kahoy
"May nangyari po kasi 'Tay." Malungkot na kwento ko.
"Huwag mong sabihing may ginawa kang kabalbalan?" sabi ni Tatay at napatitig sa akin.
"Wala po, 'Tay." Napabuntong-hininga ako at saka ipinagpatuloy ang kwento ko. "Nasalubong ko po kasi si Crisanta diyan sa malapit sa bukid. Hindi po sinasadyang nakita kami ni Ninong na magkayakap. Hindi ko po intensyon ngunit niyakap po ako ni Crisanta at iyon ang naabutan ni Ninong. Sinabi po sa akin ni Crisanta na mahal niya ako at nakiusap na siya ang piliin ko at hindi si Chloe. May pagkakamali rin naman po ako dahil hindi ko 'agad sinabi sa kanya na may iba nang nilalaman ang aking puso." Paliwanag ko.
Inakbayan ako ni Tatay.
"Patunayan mo na may isang salita ka Eusebio. Wala ka namang kasalanan sa nangyari. Bakit nagdagdag pa ba uli ng ilang buwan ang Ninong mo?" tanong ni Tatay. Tumango ako saka napabuntong-hininga uli.Tumawa si Tatay. Napakamot na lang ako ng ulo ko.
"Naranasan ko na rin 'yan Eusebio. Ganoon talaga, kung talaga mahal mo ang iyong sinisinta gagawin mo ang lahat mapasaiyo lang ang minamahal. Alam ko naman na kaya mo ang mga pagsubok na iniaatang ng Ninong mo sa 'yo. May tiwala ako sa 'yo anak. Basta huwag kang susuko, isipin mong malalagpasan mo ang lahat ng iyan." Tinapik ni Tatay ang balikat ko at saka umalis.
Nakakahanga ang Tatay ko. Minsan nakagugulat ang mga binibitiwan nitong mga salita. Kaya nga numero unong taga hanga ako ni Tatay pagdating sa mga matatalinghagang mga salita.
KINAUMAGAHAN kagaya ng kinagawian ay maaga akong pumunta sa hasyenda. Sa kabila ng nangyari positibo pa rin akong malalampasan ko ang mga pagsubok ni Ninong. Patutunayan kong totoo ang damdamin ko para sa kanyang anak na si Chloe.
Nasasabik na akong masilayan si Chloe. Isang buwan ko na siyang hindi nakikita.
Natatakot akong baka sabihin ni Ninong kay Chloe ang nakita niya. Ayokong maging dahilan iyon para sumuko si Chloe sa aming relasyon. Dahil hindi ako susuko.
Narating ko ang hasyenda nang mas maaga sa inaasahan.
"Magandang umaga, Eusebio. 'Buti naman maaga kang pumarito." Sabi ni Ninong nang makita niya akong pumasok ng sala. Sumenyas itong maupo ako sa upuan na nasa gilid niya. Tipid akong napangiti.
"Sasabihin ko sa 'yo ang magiging trabaho mo ngayon." Ngumiti si Ninong.
"A-Ano po ang magiging trabaho ko po Ninong?" Tanong ko. Kahit kabado pinilit kong maging maayos.
"Magmula sa araw na ito, dito ka na maninirahan sa hasyenda. Tutulong ka sa lahat ng trabaho dito. Alam mo naman siguro ang mga trabaho dito?" Tumango ako sa tanong niya. "Ikaw pa rin ang magiging bodyguard ng anak ko. Pero..." Napahinto ito sa pagsasalita at tinitigan niya ako ng matiim.
"Hindi mo siya kakausapin. Kahit anong gawin ni Chloe huwag na huwag kang lalapit. Kailangan may sampong dipa ang magiging layo niyo sa isa't isa. Itong sinabi ko sa 'yo, hindi alam ito ng anak ko. Huwag na huwag kang magtatangkang magkamali, Eusebio. Dahil ito ang magiging mitsa ng paghihiwalay ninyo ni Chloe. Kilala mo ako Eusebio, kapag sinabi ko tinutupad ko." Napalunok ako sa sinabi ni Ninong. Parang ang hirap sa panig ko. Makakaya ko kayang hindi kausapin o mahawakan man lang si Chloe kung palagi ko naman siyang nakikita dito sa hacienda?
BINABASA MO ANG
Bodyguard (PROBINSYANO SERIES 1)
RomanceSi Eusebio Makalintal isang binata galing probinsya ng Mindoro. Nagtrabaho siya bilang bodyguard sa isang magandang modelo/artista na si Chloe Zobel. Hindi naging maganda ang pakikitungo ni Chloe kay Eusebio. Allergic na allergic ito sa mga lalaking...