[JEMUEL'S]
Dinala namin ni Maico ang bugbog-saradong katawan ng lalaki. Nahirapan pa kaming buhatin at ihiga siya sapagkat halos naligo na siya sa mga pasa, sugat at dugo. Wari ko'y may mga nabali siyang buto.
"Jemuel, kaawa-awa naman 'to. Hindi pinatawad kahit ang butas ng pwet.", sambit ni Maico. Ang lalaki nama'y nanatiling tikom ang bibig. Nakatingin sa kawalan. Tila lumilipad ang isipan. Hindi mabatid ng aking isipan kung gaano kagrabe ang pagbugbog na natamo ng lalaki. Marahil ay sobrang mas malubha pa kaysa sa aking iniisip.
"Ikuha mo ako ng tubig sa labas.", utos ko kay Maico at agad siyang lumabas para sundin iyon. Kinuha ko ang unan na nasa ilalim ng aking kawayang katre —— na siya ring kinahihigaan niya at iyon ay dahan-dahan kong ipinasok sa kanyang balakang. Sapagkat namamaga sa pasa ang pwetan niya. Sa paghawak ko sa kanyang balakang ay bigla siyang umiyak. Sunud-sunod ang pag-agos ng kanyang luha at bakas sa mukha niya ang takot. Iginigalaw niya ang kanyang katawan at mga braso, marahil ay upang pigilan ako sa ginagawa ko, ngunit hindi niya lubos na maikilos ang mga iyon. Tuluyan kong naipasok ang unan. Hindi pa rin siya tumitigil sa pagluha.
"Jemuel, bakit umiiyak na siya? Anong ginawa mo?", pag-usisa ni Maico mula sa aking likod.
"Wala. Nilagyan ko lang ng unan ang likod niya upang hindi labis na masaktan ang kanyang pwetan. Marahil ay nasaktan siya.", paliwanag ko. Kinuha ko ang dalang palanggana ni Maico at kumuha ng malambot na damit sa aking kahon.
"Jemuel, mauna na ako huh. Ala una na kasi. Alam mo namang medyo malayo tong bahay mo. Balik na lang ako para tumulong sa pag-aasikaso sa kanya."
"Sige. Ako ng bahala sa kanya. Huwag mo na lang ipagsasabi ang tungkol dito. Salamat rin kanina."
Tuluyan na siyang lumabas sa sawali kong tirahan. Dahan-dahan kong pinunasan ang balat ng lalaki upang mahawi ang dugo. Nakatingin pa rin sa kawalan. Hindi pa rin natatapos ang kanyang pag-iyak. Tila hindi nauubos ang luha. Ramdam kong nasasaktan siya sa bawat dampi ng basang tela ngunit iyon ay tinitiis niya. Pinunasan ko ang lahat ng parte ng kanyang hubad na katawan. Walang halong malisya kundi purong pag-aalaga at pagkaawa. Nahawi ang mga dugo. Namasdan ko ang kanyang hitsura. Makisig pa rin kahit mukhang kawawa. Kumuha ako ng sando at maluwang na shorts at iyon ay tinangka kung isuot sa kanya. Dahan-dahan. Tila isang doktor akong nag-aasikaso ng isang pasyenteng may malubhang sakit.
"Dito ka lang huh. Kukuha lang ako sa kusina ng mailalaman sa'yong tiyan. Siguro ay gutom na gutom ka na."
Pumunta agad ako sa kusina, sumandok ng natirang kanin at sinabawan iyon ng sinigang na talbos ng kamote. Hindi na iyon mainit. Dinurog ko ang kanin upang maayos niyang maisubo iyon saka muling pumasok sa kwarto. Ganoon pa rin siya ng aking datnan. Nakahiga at lumuluha. Papaano ko ba ito mapapakain? Bahala na. Dahan-dahan kong itinayo ang kanyang katawan at siya nama'y tila sumusunod. Inilagay ko ang unan sa kanyang pwetan sapagkat nasisiguro kong mananakit iyon kapag tumama sa banig at sa kawayan kong katre. Nilagyan ko rin ng unan ang kanyang likuran upang maayos siyang makasandal.
"Kumain ka na. Susubuan na lang kita."
Tinatanggap lamang niya ang bawat pasok ng pagkain sa kanyang bibig. Marahil nga ay gutom na gutom na siya.
"Ako pala si Jemuel Martinez. Mag-isa lang ako dito sa bahay kasi iniwan na ako dito ng nanay ko. Sa totoo lang hindi ko naman siya tunay na nanay, inampon lang niya ako. Kaya wala akong naramdamang galit sa kanya. Gusto ko pa nga siyang makita ulit eh. Pasensya ka na dito huh. Gasera lang ang ilaw Ikaw? Anong pangalan mo?", paglalahad ko ng aking sarili habang siya'y pinapakain. Tumingin siya sa akin ng saglit at muling iginawi ang tingin sa kawalan. Wala rin akong narinig na tugon sa kanya kundi ang bawat hikbi.
"Hanggang grade 3 lang ang natapos ko. Pero mahilig akong magbasa ng mga tagalog na libro kaya ayun, natuto akong sumulat ng mga tula. Libangan ko iyon sa tuwing magpapahinga ako galing bundok o sa dagat."
Patuloy pa rin siya sa pag-iyak at waring pinakikinggan lang ang aking mga itinuturan.
"Pero kung nakatapos ako. Mayaman na sana ako. Kaso hindi eh. Pinaga-ALS nga ako eh. Kaso ayoko na. Ayos na sakin to. Ikaw? Siguro nakatuntong ka ng kolehiyo." Sa pagkasabi ko noon at muling bumalik ang takot sa kanyang mukha. Umiling-iling siya at habol ang bawat hininga. Tila takot na takot. Naguluhan ako. Agad kong kinuha ang baso upang siya'y painumin. Tumulo ang iba sa kanyang sando. Saglit pa'y muling bumalik sa dati ang kanyang ekspresyon. Napanatag ang aking loob. Ibinaba ko na ang pinggan at muli siyang inihiga. Tiningnan ko ang lumang orasan na nakasabit sa dingding. Alas tres na ng umaga.
"Matulog ka na diyan. Dito na lang ako sa sahig. Dito ka muna sa amin hanggang sa gumaling ka. Huwag kang mag-alala. Mabait naman ako. Iingatan kita."
Alas diyes na at ako'y nagpasya munang pumalaot. Alas otso y media na rin ako ng magising dahil sa sikat ng araw na bahagyang tumagos sa mga siwang ng aking bahay. Pinakiusapan ko si Maico na bantayan muna ang aking inaalagaan. Marami-rami rin akong huli. Sapat ng pang-ulam at may maiibenta na rin. Nasa tapat na ako ng pintuan ng bahay ng makarinig ako ng pagbagsak. Nagmadali akong pumasok sa loob upang alamin kung ano iyon. Nagulat ako sa aking nadatnan na naging dahilan upang kuyumusin ko ang damit ni Maico.
"Lintik Maico, anong ginawa mo?", sambit ko at akmang susuntukin si Maico ng makita kong nahulog sa sahig ang lalaki. Umiiyak, takot na takot ngunit mababakas rin ang galit sa kanyang mukha. Iginagalaw ang mga hita't braso na tila itinataboy si Maico Waring may ginawang mali ang aking pinagbantay.
"Jemuel, wala akong ginawa sa kanya.", dipensa ni Maico at inalis ang mariin kong pagkakahawak sa kanyang damit. Hindi ko rin alam kung bakit mabilis na pumaitaas ang aking galit sa aking ulo. Agad kong nilapitan ang lalaki. Niyakap na parang amang nag-aalala kahit amoy-dagat ako. Sa hindi alam na dahilan ay may naramdaman akong kakaiba sa ginawa kong pagyakap. Marahil ay awa. Tila nilalabanan naman niya ang aking bisig upang huwag kong gawin ang pagyakap sa kanya. "Kinakausap ko lang siya, nagpakilala lang ako tapos bigla siyang umurong ng umurong at parang takot na takot. Pasensya.", dagdag nito.
"Sige, nauunawaan ko. Pasensya rin kung masyado akong nagalit. Dala siguro ng pagod. Tulungan mo na ako at ibalik natin siya sa higaan."
Lumapit si Maico ngunit lalong bumakas ang takot at galit sa mukha ng lalaki. Gumawa rin siya ng mga ungol na isinasabay niya sa bawat hikbi.
"Jemuel, ayaw niya yata sa akin." - si Maico.
"Sige, ako na lang ang bubuhat sa kanya. Pumunta ka na lang sa kusina at pakiluto mo yung huli ko bago ka pa maunahan ng pusa."
Lumabas naman si Maico at dahan-dahan kong binuhat ang lalaki. Umupo ako sa tabi ng katre.
"Pasensya ka na kay Maico huh. May ginawa ba siya sa'yo?", tanong kong nag-aalala. Tumingin siya sa aking mata. Dumadaloy ang luha mula roon. Tila may nais siyang sabihin. Naramdaman ko ang paghawak niya sa aking kamay. Mahigpit. Pahigpit ng pahigpit. Lalo pang lumakas ang kanyang pag-iyak. Nakaramdam ako ng pagkabalisa.
"Ano ba talagang nangyari sa'yo, huwag kang matakot sa amin. Hindi kami kalaban. Tutulungan ka namin."
Hindi pa rin siya nagsalita. Nanatiling nakatitig sa akin.
"Maya-maya, kakain na tayo. Sana gumaling ka na, gusto ko na kasing makakwentuhan ka. Pasensya ka na, amoy-dagat pa ako."
Hinubad ko ang basa kong itim na sando at iyon ay isinampay sa bintana. Mula sa bintana ay akin siyang tiningnan. Ang kanyang pasaang mukha ay nakaharap lang sa pawid na bubong. Hindi na siya umiiyak ngunit malamlam pa rin ang kanyang mata. Nakakaawa. Hindi ko maisip kung anong mararamdaman ko kung ako ang nasa kalagayan niya.
"Kapag gumaling ka na, igagala kita sa labas."
Sana nga gumaling na siya. Hindi ko alam kung bakit gusto ko agad na mangyari iyon. Parang may kakaiba akong nararamdaman. Sa bawat impit niya'y waring kirot sa aking puso. Siguro'y isa lang talaga itong pagkaawa, o marahil ay higit pa.
"Jemuel! Luto na yung ulam!", sigaw ni Maico mula sa kusina.
"Sige, susunod na ako diyan! Kumain ka na kung gusto mo.", tugon ko.
Nagbihis muna ako kahit hindi pa nakakapagbanlaw saka lumabas ng kusina.
"Para saan 'yang ginagawa mo? Maga-alas sais na ah. Gabi na 'yan!", usisa ni Maico sa pinupukpok kong kawayan.
"Upuan, ilalagay ko sa kwarto para may maupuan ako habang binabantayan ko siya.", pagpapatungkol ko sa lalaki.
"Ilang araw na rin siya dito ah. Kelan kaya yun magsasalita?", tanong niya at inabutan ako ng kawayan.
"Siguro ay masyado siyang nabugbog at iyon ay nagpapabalik-balik sa kanya kaya lagi siyang tulala. Medyo magaling na rin mga pasa niya at sana'y tuluyan na siyang gumaling."
"Yung butas ng pwet niya? Humihilom na ba ang sugat? Dalhin mo na kaya sa ospital, o sa manggagamot para mabigyan ng lunas."
"Hindi pa rin magaling. Nahihirapan nga siyang dumumi eh. Sa makalawa, ipapagamot ko siya hindi ko rin alam kung sapat 'yung nakatagong pera ko diyan eh. Dadagdagan ko pa."
"Masyado ka na yatang mabait sa kanya. Baka naman…"
"Baka ano Maico?"
"Baka ipagpalit muna ako.", tugon niya at inginuso ang labi na animo'y batang nagtatampo.
"Hahaha. Wala namang tayo ah. Hindi ba sabi mo trip-trip lang. Saka ano ka ba, pinag-isipan mo pa ng ganyan yung tao.", pag-angal ko at bahagyang tumawa.
"Hahaha. Biro lang Jemuel.", sambit niya at tinapik ang balikat ko. "Mabuti na lang, hindi na siya takot sa akin. Bukas mo na 'yan ituloy, hindi ko na 'yan makita eh.", dagdag nito.
Itinabi ko ang mga gamit sa may pintuan.
"May luto ka na ba? Gabi na ah.", usisa nito.
"Oo, kanina pa."
Bigla naming narinig ang takot na pagsigaw mula sa aking kwarto.
"Maico, bilis! Takot nga pala siya sa dilim."
Nagmadali kaming pumasok sa kwarto at agad na sinindihan ang gasera.
--
"Ano bang nangyari dito sa kasama niyo?", tanong ng doktor sa amin ni Maico.
"Napagtripan po. Nabugbog.", tugon ko kahit na hindi ko naman talaga alam ang nangyari.
"Marahil ay na-trauma siya sa kung papaanong paraan ang pagkakabugbog na ginawa. Grabe rin ang sugat niya sa butas ng pwet, mabuti at nagawan niyo ng paunang lunas kung kaya't hindi kumalat ang tetanus. Kaanu-ano niyo ba ang pasyente. Saka anung pangalan niya?", sambit ng doktor.
"Ahh. K-kapatid ko po.", pagsisinungaling ko. Hindi ko na alam na itatanong pa 'yon.
"Anong pangalan niya?", tanong muli ng doktor.
"Ahh—"
"Antonio Martinez po.", pagputol ni Maico sa aking sasabihin.
"Sige, bilhin niyo itong reseta ko sa kanya. Tatlong araw siyang mananatili dito para matingnan kung umaayos na ba ang lagay niya. Ihanda niyo na rin ang pambayad sa bill, hindi naman iyon kalakihan pero kung kukulangin kayo ay lumapit na lang kayo sa gobyerno.", mahabang saad ng doktor."
"Opo. Maraming salamat po. ", sambit ko at tuluyang umalis ang doktor. "Ako na lang magbabantay sa kanya, Maico, kung uuwi ka na. Balik ka na lang bukas, dalhan mo ako ng gamit.", pagbaling ko kay Maico.
"Maya-maya na. Ikaw huh. Makakalimutan mo pa 'yung pangalang ginawa natin sa kanya.", pabulong niyang tugon.
Dinaya lang namin ang mga papel na pinalapatan nila sa amin ng impormasyon. Mabuti at nakalusot.
"Oo nga eh. Salamat."
Lumakad na ako papunta sa higaan ng lalaki. Tulog siya. Siguro'y nakakadagdag sakit sa kanya ang nakakabit na dextrose.
"Jemuel, may pera ka namang dala, di ba?", tanong ni Maico.
"Oo, bakit? Gutom ka na?"
"Hindi. Bibilhin ko na 'yung reseta."
Dinukot ko ang lumang wallet mula sa aking kupas na pantalong maong at iniabot sa kanya ang isang libo. Tatlong libo lang ang laman noon na pinagsamang ipon ko at pinagbentahan ng copra bago kami pumaospital.
"Pagkasyahin mo nalang kung sakaling mahal."
Lumabas na si Maico at naiwan ako. Umupo ako sa isang plastik na upuan upang tingnan ang aking binabantayan. Tulog pa rin ito. Naalis na rin ang mga pasa sa kanyang katawan at tanging ang mga naghihilom na sugat na lang ang nandoon na sa palagay ko'y magaling na rin. Nakakatayo na rin siya kung kaya't hindi kami nahirapang dalhin siya dito. Ngunit nanatili siyang tulala at walang imik, waring nasiraan na ng isip. Huwag naman sana. Ang tanging sabi naman ng doktor ay na-trauma siya at gagaling din. Hindi ko mailarawan ang mararamdaman ko kapag nangyari na iyon. Marami siyang kinatatakutan noon, dilim, mga mahahabang bagay, lubid at kung anu-ano ngunit gaya ng bilin sa akin ni nanay, dapat harapin ang takot, kung kaya hindi ko siya inalalayo sa mga bagay na iyon. Nung-una'y nagwawala siya ngunit ipinilit ko ang dapat kung kaya unti-unti siyang nasasanay. Binabasahan ko rin siya ng mga tulang sinulat ko at nakikinig siyang tulala.
Binuhat ko ang aking upuan at iyon ay ipinwesto ko sa bandang uluhan kung saan nakaharap ang kanyang mukha. Tinitigan ko ang nakapikit niyang mukha. Maamo. Tila hindi kayang gumawa ng kasamaan. Naramdaman ko muli ang kakaibang bagay na madalas kong maramdaman sa kanya. Parang ginagawa ko ang mga ito ng hindi lang dahil sa awa.
"Sana, 'pag tuluyan ka ng gumaling, huwag ka agad umalis. Gusto pa kitang kilalanin."
Kinausap ko siya kahit alam kong wala siyang itutugon. Hinawakan ko ang kanyang ulo at hinimas ang kanyang buhok. May kakaibang kuryente na tila dumaloy sa aking pagkakahawak sa kanyang ulo. Tinitigan ko ang kanyang kulay-rosas na labi. Unti-unting lumapit ang aking mukha sa kanyang mukha. Tila hindi ko kayang pigilan ang pwersang nagtutulak sa akin na gawin ang aking binabalak. Waring bumagal ang oras at tumigil ang mundo. Nag-iba rin ang ritmo ng pagtibok ng aking puso. Sobrang lapit na ng aking mukha sa kanya at ang aking mga mata'y palit-palit na tumitingin sa kanyang nakapikit na mata at labi. Hanggang sa tuluyang nagtagpo ang aming malambot na labi. Dampi lang. Iginalaw ko ng bahagya, ibinuka ng kaunti kahit alam kong hindi siya tutugon. Naramdaman ko ang paggalaw ng kanyang braso kaya agad kong inalis ang aking mapagnasang mga labi. Iniayos ko ang aking upo at nanatiling nakatingin sa kanya. Hindi alam kung bakit nagawa ko ang bagay na iyon ngunit tila gusto kong ulitin. Unti-unting bumukas ang kanyang mata. Nang makita niya ako'y nabakas ko ang galit sa kanyang ekspresyon. Matinding galit.
"Marco!", sambit niyang madiin at itinulak ako ng kanan niyang kamay.
BINABASA MO ANG
The Art Of Loving You (COMPLETE ✔️)
Ficción GeneralPinili ni Xander na maging alipin ng makamundong gawain upang matugunan ang kanyang pangangailangan. Upang mas mayos nyang makamit ang kanyang kinabukasan. Ngunit ang bagay na ito pala'y lalong maglulugmok sa kanya at magbibigay daan upang mapunta s...