Nina
Umiikot talaga ang paningin ko habang mabilis na pinapaandar ni Reyden ang kotse. Basta na lang nila akong hinila at sinama nang sabihin ni Ethan kung saan nakita si Sky. Hinawakan ko ang aking ulo na parang puputok sa sakit. Naduduwal ako! Hindi talaga maganda ang pakiramdam ko!
Mahigit isang oras kaming nasa sasakyan. Isang oras na tinitiis ko ang bigat ng aking ulo. Alam kong napapansin iyon ng katabi kong si Ate Bel na todo kung makahagod sa aking likod.
"Sorry Nina, ikaw lang kasi ang nakakakilala kay Sky." Sabi ni Ate Bel.
Ako lang? Bakit ako lang? Kilala ko ba siyang talaga? Tuliro kong tanong sa aking isipan. Isinandal ko ang aking ulo sa headrest ng upuan at pumikit. Nahihilo talaga ako.
Hindi ako dumilat nang tumigil ang kotse. Inisip siguro nilang tulog ako kaya hinayaan na lang nila akong manatili sa loob. Bumaba sila ng sasakyan. Nakakarinig ako ng maraming boses sa paligid na para bang ang daming tao ang nasa labas at may pinagkakaguluhan.
Nang imulat ko ang aking mga mata ay nakumpirma kong marami ngang tao na nakakumpol at may tinitingnan sa malawak na halamanan. Pinilit kong umupo nang maayos at makiusyoso sa labas pero umiikot talaga ang paningin ko.
Pipikit na sana akong muli nang makita ko ang isang batang lalaki sa aking tabi. Paano siya nakapasok ng kotse gayong hindi ko naman narinig na bumukas ang pintuan.
"Ate, bumalik ka." Nakangiti niyang usal.
Napakunot ang noo ko. "Santino?" Tanong ko. Saan ko na nga ba siya nakilala? Bakit nagliliwanag ang kanyang katawan?
Ipinatong niya ang kanyang kamay sa aking kamay. "Tutulungan mo ko, di ba?" Magiliw niyang sabi.
Wala sa sarili akong napatango. Bakit ako tumatango? Anong tulong na nga ba ang gagawin ko? Napatigil ako nang lumusot siya palabas ng sasakyan. Anong nangyayari? Nananaginip ba ako? Nasa totoong mundo pa ba ako o napunta na ako sa ibang dimensyon?
Sa kabila ng aking pag-aalinlangan ay lumabas ako ng kotse at sinundan ang batang naglalakad. Hindi ko maipaliwanag pero gumanda ang pakiramdam ko nang hawakan niya ang aking kamay. Maya't-maya siyang lumilingon sa akin na para bang tinitiyak niyang nakasunod ako sa kanya.
Malayo ang nalakad ko mula sa kotse nang tumapat ako sa isang malaking gate na nakabukas. Tiningala ko ang karatula at nabasa na isa itong mental health hospital. Bakit dito?
Sinenyasan ako ng bata na pumasok. Pumasok ako paloob at muli siyang sinundan. Dahil may kausap ang security guard sa entrance ay hindi niya ako napansin. Tuloy-tuloy akong pumasok.
Umakyat ang bata sa hagdan. Ilang palapag na ang aming naakyat bago siya lumiko sa hallway. Maraming silid ang aming nadaanan na pawang mga nakasara. Tumapat siya sa isang pintuan at lumusot paloob. Pinagmasdan kong maigi ang pinto at hinanap ang doorknob pero wala. Tinulak ko ang pinto pero hindi ito bumubukas. Paano ako papasok?
"Excuse me miss. Bawal po rito. Sino po ang binibisita niyo? Authorized visitor po ba kayo?" Tanong ng isang nakaputing babae na nasa likuran ko na pala.
Napalingon ako sa kanya at pasimpleng ngumiti. Tumango ako.
"Pangalan niyo po?" Tanong niya.
Napalunok ako.
"Samantha Liwanag." Bulong ng boses ni Santino na sa pakiwari ko ay nasa aking likuran.
"Samantha Liwanag. I'm here to visit Santino." Confident kong sagot sa nurse.
"Kaano-ano niyo po si Santino?" Tanong niya.
"Anak." Bulong muli ni Santino.
"Anak ko siya." Sagot ko. Maniniwala kaya siya? Mukha ba akong may anak na?
BINABASA MO ANG
I AM NINA: Truth & Lies
Mystery / ThrillerBOOK 3 of I AM NINA Series Everything happened inside the dream. When two split souls got connected, something weird is going on! Find out as Nina continues her mission to get back the life she hopes for!