Prologo.

354 21 14
                                    

Taong 1891.

Unang linggo ng buwan ng Mayo ginugunita ng bayan ng El lamparas ang kanilang pista na siyang tulong-tulong na pinaghandaan ng mga mamamayan. Ang lahat ay nagtitipon-tipon sa plaza upang magsaya buong araw at bago naman magdilim ay nagdadala sila ng kani-kanilang mga lampara upang sabay-sabay itong pailawin sa ganap na alas sais ng gabi.

Kasabay naman ng pista ay ang kaarawan ng katuwang ng gobernador na si Don Felipe De Leon. Taon-taon ay may nagaganap na malaking piging sa kanilang tahanan na bukas sa lahat ng mga mamamayan upang gunitain hindi lamang ang kaniyang kaarawan, kundi maging ang kanila ring pista. Karamihan sa mga dumadalo ay ang mga karaniwang mamamayan dahil magiliw silang inaasikaso doon at pantay rin ang pakikitungo ng pamilya De Leon sa kanila.

"Maligayang kaarawan, Don Felipe!" Bati ng isang maliit na batang babae na nakatingala ngayon kay Felipe habang hawak ang isang munting kahon. "Para sa inyo po ito, señor! Salamat po sa pagpapakain at pagpapatuloy ninyo sa aming pamilya tuwing pista, tunay na napakabuti po ng inyong puso!" Tugon ng bata na hindi mapigil sa pagngiti. Halos ilang taon na rin silang dumadalo sa kaarawan ni Felipe, sanggol pa lamang ang bata ay dito na sila nagdiriwang ng pista.

Natuwa naman si Felipe sa bata kaya nginitian niya ito, "Salamat, hija. Masaya ako't natutulungan ko kayo kahit na sa ganitong paraan lamang." Kinuha ni Felipe ang maliit na kahon mula sa kamay ng bata at muling nagpasalamat. "Nako! Higit pa po sa sapat ang tulong ninyong ito." Wika ng bata.

"Siyang tunay, Don Felipe," pagsang-ayon naman ng ina ng bata. "Marami na kayong naitulong sa bayan na ito, kung kaya't malaki ang pasasalamat namin sa inyo. Huwag ninyong isipin na maliit na bagay lamang ito dahil napakaraming pamilya na po ang natulungan ninyo." Wika ng babae. Nag-usap pa sila ng ilang minuto bago nagpaalam ang batang babae at ang kaniyang ina nang tawagin sila ng kanilang mga kamag-anak.

Dumating naman ang pamilya ni Felipe at sinalubong siya, "Ama! Tila mas marami ang mga bisita ngayon kaysa noong nakaraang taon," Wika ng siyam na taong gulang na bunso niyang si Jasmin na tila naninibago pa sa dami ng tao sa kanilang tahanan. "Nalulugod ako dahil mas marami pa tayong napapasayang mga mamamayan. Nawa'y mas marami pa ang dumalo sa susunod na taon." Wika ni Felipe at lumuhod upang magtagpo ang mga mata nila ni Jasmin, "Jasmin anak, ipagpatuloy mo pa sana ang pagtulong sa kapwa kahit na mawala man ako isang araw..."

Nagulat si Jasmin sa sinabi ng kaniyang ama. "Ama," Humawak siya sa kamay ni Felipe, "Magkasama po nating itataguyod ang pagtulong sa mga mamamayan. Hindi pa po kayo mawawala!"

Isang ngiti ang sumilay sa mga labi ni Felipe dahil sa sinabi ng kaniyang anak. "Natutuwa akong malaman na nais mo pang tumulong sa kanila, anak. Mawala man ako balang araw ay magiging panatag naman ako sapagkat maiiwan kitang may mabuting layunin para sa bayan." Wika ni Felipe at hinimas-himas ang munting kamay ni Jasmin. "Ibig kong malaman mo na mayroon kang isang ginintuang puso, anak. Isa kang espesyal na bata kung kaya't nagpapasalamat ako dahil nagkaroon ako ng anak na tulad mo."

Tumingin siya sa kaniyang asawang si Josefina at sa kinse años na panganay niyang si Jose Antonio, "Ako'y nalulugod rin at nagkaroon ako ng pamilyang tulad ninyo." Niyakap naman Jasmin ang kaniyang ama at di kalaunan ay nakisali rin sina Jose at Josefina. "Kayo ang pinakamalaking biyaya sa buhay ko." Wika ni Felipe at saka hinigpitan ang kaniyang yakap sa kanila.

"Siya nga pala," Bumitiw si Felipe sa pagkayakap sa kaniyang pamilya at kinuha ang isang maliit na kahon na kanina pa niya dala-dala. Inilapag muna niya sa sahig ang regalo ng munting bata kanina upang mahawakan niya nang maayos ang kahon.

Sumpa Kita (On Hold)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon