Magtatanghali na ngayon at tirik na tirik na ang araw. Narito ako ngayon sa bilangguan ng aming bayan upang dalawin si Mang Solomon.
Mag-isa ako ngayon dahil tumakas lamang ako mula sa aming tahanan. Labag man sa aking kalooban ay hindi na ako nagpaalam pa, dahil tiyak na hindi ako papayagang lumabas ni ina dahil sa mga nangyari kahapon.
"Magandang araw, binibining Jasmin." Bati sa akin ng isa sa apat na guwardiyang nagbabantay sa bungad ng bilangguan. "Magandang araw rin sa inyo." Bati ko pabalik sa kaniya, at nginitian ko rin ang mga kasama niya. Nang makapasok na ako sa loob ay tumambad sa akin ang isa pang guwardiya na tila may edad na. Siya marahil ang nag-aasikaso sa mga bumibisita sa mga bilanggo.
"Magandang tanghali, binibini. Ano ang aking maipaglilingkod sa inyo?" Tanong nito, ngunit hindi siya nakatingin sa akin dahil may isinusulat pa siya sa isang papel. "Ibig ko po sanang dalawin si ginoong Solomon Cabanes." Tugon ko. Nagtaka naman siya at napatingala sa akin dahil doon, "Kung hindi niyo mamasamain binibini, maaari ko bang malaman ang inyong dahilan?"
Napabuntong-hininga ako. Ano namang sasabihin ko sa guwardiyang ito? Na kailangan kong dalawin si Mang Solomon dahil may utang pa siya sa akin? Bakit ba kailangan pa niyang malaman ang dahilan ng aking pagbisita? "Ah, dati namin siyang kutsero. Ibig ko lamang malaman ang kalagayan niya," Tugon ko.
Napakamot naman sa ulo ang guwardiya, "Ah, pasensiya na kayo. Hindi raw maaaring dalawin ang matandang iyon, ayon sa heneral." Paliwanag niya.
Aba! Nagtanong pa siya ng dahilan, hindi naman pala puwedeng bisitahin si Mang Solomon.
"Sige na po, señor. Saglit lang naman po ako, ibig ko lang po talagang malaman ang kalagayan niya." Pagsusumamo ko.
Bumuntong-hininga naman ang guwardiya, "Pasensiya na po talaga kayo. Utos po ito ng heneral kung kaya't hindi maaaring hindi ito masunod." Paliwanag niya. Napa-isip naman ako saglit kung papaano ko malulusutan ang sitwasyong ito.
Sabihin ko kayang kaibigan ko si Francisco? Ngunit... hindi ko nais na isipin pa ng mga tao na malapit kami sa isa't isa, lalo pa't alam ko na ang tunay na ugali niya. "Ah, k-kilala ako ng heneral! At siguradong hahayaan niya naman akong bisitahin si Mang Solomon dahil batid niya na kutsero ko siya at malapit kaming dalawa. Sige na po, señor!"
Napatingin muna sa paligid ang guwardiya saka bumuga ng hangin. Napangiti naman ako nang bahagya ng tumango siya sa akin, "Sige. Ngunit mangako kayo na hindi ito makakarating sa heneral, o sa kahit na sino man." Lumapit siya sa akin ng kaunti at hininaan niya ang kaniyang tinig. Masaya naman akong tumango sa kaniya at tumugon ng, "Pangako po."
Tinawag niya ang isa sa mga guwardiya sa labas at inutusan na dalhin ako sa selda ni Mang Solomon. Noong una ay tatanggi pa sana siyang gawin iyon ngunit nang sabihin sa kaniya ng matandang guwardiya na kilala ako ni Francisco ay napasunod na lang din siya. Pamilyar ang mukha ng guwardiyang ito, parang nakita ko ata siya noong ipinakilala ako ni Francisco sa hukbo.
Nagsimula na kaming maglakad sa gitna ng mahaba at malamig na pasilyo kung saan naroon ang hilera ng napakaraming selda. Medyo madilim ang daan at tanging sa maliliit na bintana lamang nagmumula ang kakaunting liwanag. Kinilabutan naman ako nang mapansin kong pinagtitinginan ako ng mga bilanggo mula sa kani-kanilang mga selda. "Malayo pa po ba ang selda ni Mang Solomon?" Tanong ko sa guwardiya at umiwas ng tingin sa mga kakila-kilabot na mga bilanggo.
"Nasa dulo pa ang selda niya, binibini. Iniutos po kasi ng heneral na huwag siyang ihalo sa ibang mga bilanggo." Tugon niya habang iniikot-ikot pa sa mga daliri niya ang isang susi.
Tila may natitira pa atang kabutihan sa puso ni Francisco. Aba, ihiniwalay pa niya si Mang Solomon sa mga bilanggong tunay na masama at may nagawang kasalanan. Hindi kaya napilitan lamang siyang baliktarin ang matanda? Baka naman may nag-utos lamang sa kaniya kaya niya nagawa iyon?
BINABASA MO ANG
Sumpa Kita (On Hold)
Historical Fiction"Hindi ko maunawaan kung bakit... tila ang araw ng aking kapanganakan ay isang sumpa sa ating bayan." Mabait, matalino, maganda, ngunit mahiyain- iyan si Jasmin De Leon. Lumaki siyang may pag-ibig para sa bayan at may malasakit sa mga mamamayan, wal...