Kabanata Nuwebe

53 5 0
                                    

Ilang segundo kaming nagkatitigan ni Mang Solomon bago siya umiwas ng tingin.

Siya ang nagsabi sa mga tao.

Hindi ko akalaing magagawa niya iyon, batid niya na makapagbubunsod ito ng galit sa puso ng mga tao at gulo sa bayang ito subalit pinili niya pa rin itong gawin.

"Mateo, may pupuntahan lamang ako." Paalam ko sa kaniya ngunit nagulat ako nang ako'y pigilan niya, "Baka mapahamak ka, Jasmin. Ang iyong ama ang kinagagalitan ng mga tao, mabuti pa'y huwag ka na munang magpakita at baka ikaw naman ang pag-initan nila."

Tama si Mateo. Isa pa, baka naikuwento rin sa kanila ni Mang Solomon na ako ang may hawak ng bayong na naglalaman ng pera na siyang mga buwis na ibinayad nila.

Kaya naman pala ganoon na lamang ang galit ni Don Fidel sa akin, dahil sa gobyerno pala ang salaping iyon. Ngunit, bakit nga ba si Don Herman ang may hawak doon? Hindi naman kabilang sa kaniyang tungkulin ang humawak ng pera ng gobyerno. Saka, bakit niya sana iyon ibibigay kay Francisco? At kung tama ang aking naaalala ay tinawag pa niya itong, 'regalo mula sa gobernador', hindi ba?

"Ah," Napamasahe na lamang ako sa aking sentido dahil hindi ko talaga lubos maunawaan ang mga nangyayari, kahit anong pilit ko. "Jasmin? Ayos ka lang ba?" Pag-aalala ni Mateo, umiling naman ako. "Hindi. Hindi ko maunawaan ang lahat!" Napasapo ako sa aking noo dahil sa sobrang gulo ng isipan ko.

"Ibalik ninyo ang pera! Hindi pa nga ninyo natatapos ang pagpapatayo sa bagong simbahan ay sa kung ano-ano na ninyo ginagasta ang salapi ng gobyerno!" Isang matandang lalaki naman ang sumigaw sa gitna ng maraming tao. Naghiyawan naman ang iba pang mga mamamayan bilang pagsang-ayon. Nakita kong nakaupo si Don Herman sa isang gilid ng azotea at hindi umiimik. Bakit hindi siya nagsasalita? Bakit hindi niya ipaliwanag ang mga nangyari at sabihing hindi talaga siya nagpabaya? Bakit nakaupo lamang siya doon?! Hindi lamang ang pangalan niya ang masisira, kundi maging ang pangalan ni Don Venancio at ang lahat ng mga opisyal sa gobyerno.

Gusto kong sumigaw. Nais kong malaman ng lahat na walang kasalanan ang gobyerno sa pangyayaring iyon dahil iniingatan naman talaga ni Don Herman ang salapi, nagkataon lamang na nagkapalit ang aming mga bayong at nadapa ako kaya nagmukhang pabaya si Don Herman sa mga mata ni Mang Solomon. Ngunit, hindi ko magawang sabihin iyon sa takot na baka ako naman ang kainisan nila.

"Tila kanina pa narito ang mga mamamayang iyan dahil pawis na pawis na sila. Mukhang hindi sila aalis hangga't hindi sila tinutugon ng iyong ama." Wika ni Mateo. Ibig sabihin ay kanina pa nakatayo ang mga taong ito rito at wala manlang ginawa o sinabi si Don Herman? Bakit walang ginagawa ang mga guwardiyang nakapaligid sa kanila? Bakit hindi nila pakalmahin pansamantala ang mga tao upang maging payapa muna ang paligid?

"Anong kalokohan ba ito?" Hindi sinasadyang lumabas mula sa aking bibig ang mga nilalaman ng aking isip kaya agad akong napatakip sa aking labi.

Napatingin naman sa akin si Mateo, at tila nasindak siya sa sinabi ko. "At bakit mo naman nasabing isang kalokohan ang lahat ng ito?" Nagtataka niyang tanong.

Umiling na lamang ako, "W-Wala. Nagugulumihan lang talaga ako." tipid kong sagot at saka ibinaling na lang sa mga mamamayan ang atensiyon ko.

"Ano ba, Don Herman?! Ilang oras na kaming narito! Tugunin niyo naman kami!" Isang babaing nasa edad kuwarenta na siguro ang sumigaw. Hawak-hawak niya ang kaniyang sanggol na anak na ngayo'y hindi matigil sa pag-iyak dahil sa naninibago ito sa maalinsangang kapaligiran.

Nakita kong tumayo si Don Herman at pumasok na sa loob ng aming tahanan. Naghiyawan naman sa galit ang mga mamamayan dahil doon. Hindi ko alam kung duwag ba si Don Herman o sadyang wala siyang pakialam sa mga taong narito ngayon. Napapikit na lamang ako sa inis dahil sa ginawa niya.

Sumpa Kita (On Hold)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon