Animo'y binuhusan ng napakalamig na tubig ang buong katawan ko nang mabasa ko ang nakasaad sa liham.
Hindi... hindi maaari!
"Nasaan si Adella?" Tanong ko sa dalagang kaharap ko ngunit hindi pa rin siya tumugon. Nang binuksan niya na ng husto ang pintuan ay tumambad sa akin ang iba pang mga kaibigan ni Adella na tumatangis din.
"B-Binibining Jasmin?" Gulat na napatingin sa akin ang isa sa kanila.
"B-Bakit kayo umiiyak?" Tanong ko. Itinuro naman ng dalagang nasa tabi ko ang isang mahabang bagay na nasa sulok ng silid.
Doon ko lamang napagtanto na isa pala iyong kabaong, at doon nakahimlay si Adella.
"A-Adella..." Agad akong lumapit at napaluhod sa tapat niyon.
Hindi...
Unti-unti nang bumuhos ang mga luha ko nang makita ko na ng maayos ang hitsura niya. Halos wala nang kulay ang mga labi niya't maputla na ang buong katawan niya. Mas malala pa ito sa kalagayan niya kahapon.
"P-Paano ito nangyari?" Ang tanging nasambit ko habang pinagmamasdan ang sinapit ni Adella. Napa-singhot muna ang isang dalaga bago siya sumagot sa akin, "H-Hindi namin batid, binibini. Pagdating namin dito ay naabutan na lang namin siyang nakahandusay sa sahig, at nag-aagaw buhay na." Paliwanag niya sa akin habang pinupunasan niya ang kaniyang mga luha gamit ang isang panyo, ngunit sa tuwing natutuyo ang mga ito'y may muli na namang dadaloy na tubig mula sa kaniyang mga mata.
Napatitig akong muli kay Adella. Sa maikling panahon ko lamang siya nakasama at nakilala, ngunit agad na naging magaan ang loob ko sa kaniya. Batid kong sinadya ng tadhana na makatagpo namin ang isa't isa, dahil marami akong natutunan mula sa kaniya at kahit papano'y napasaya ko naman siya bago siya lumisan sa mundong ito.
Hindi ako makapaniwalang kausap ko lamang ang dalagang ito kahapon, at ngayo'y pinagmamasdan ko na siya habang siya'y payapang nakahimlay sa kaniyang kabaong. Dahil sa pangyayaring ito ay naunawaan ko na kung bakit sinasabi ng mga matatanda na napakabilis lamang ng pag-usad ng panahon dito sa daigdig.
"Bago siya tuluyang malagutan ng hininga ay ibinilin niya sa akin na ibigay sa inyo ang liham na iyan," Wika ng dalagang katabi ko at itinuro ang papel na hawak ko. "Siguraduhin daw po ninyo na makakarating iyan kay tiyo Solomon." Saad pa niya. Dapat lang ay mabasa ito ni Mang Solomon sapagkat naglalaman ito ng mga kahilingan at mga bagay na hindi nabanggit ni Adella sa kaniya.
Tiyak na masasaktan ng husto si Mang Solomon sa oras na malaman niya na wala na ang unica hija niya. Nauna na siyang nawalan ng asawa, at ngayon nama'y ang anak niya ang nang-iwan sa kaniya. Kahabag-habag ang kalagayan niya ngayon, dahil siya na lamang mag-isa ang natitira sa buhay na ito.
"Binibini, maupo po muna kayo." Isa pang dalaga ang lumapit sa aking kinaroroonan, at may dala siyang mga silya para sa amin. Nginitian ko naman siya saka umupo sa isa roon.
"Ako po si Gregoria, Goyang na lamang po ang itawag ninyo sa akin," pagpapakilala niya nang maka-upo na rin siya sa tabi ko. Matangkad at payat ang dalagang ito, bilugan ang kaniyang mga mata, kayumanggi ang kaniyang balat at alun-alun ang kaniyang itim na buhok na abot hanggang sa baywang niya.
"At iyan naman po si Anastasya, Tasya po ang tawag namin sa kaniya." Itinuro naman ni Goyang ang babaing nag-abot sa akin ng sulat kanina. Medyo maliit naman ang dalagang ito, maputi ang kaniyang balat at nakapusod ang kaniyang buhok kaya hindi ko malaman kung diretso ba ito o hindi. Kapansin-pansin ang matangos niyang ilong at detalyado niyang mukha, animo'y mestiza ang babaing ito.
Sila pala ang barkada ni Adella, napakabait nila. Hanggang sa huling sandali ng kanilang kaibigan ay naroon pa rin sila upang bantayan siya.
"Ah, kilala po pala kayo ni Delang?" Tanong ni Tasya sa akin, at tumango naman ako. "Oo, sa katunayan nga'y kahapon lang kami nagkakilala. At labis akong nakakalungkot dahil hindi ko na siya muling makakasama pa o makikilala pa ng husto." Tugon ko habang nakatingin sa himlayan ni Adella. Hindi ko na inalis ang tingin ko roon, dahil ito na marahil ang huling pagkakataon na masisilayan ko siya.

BINABASA MO ANG
Sumpa Kita (On Hold)
Historical Fiction"Hindi ko maunawaan kung bakit... tila ang araw ng aking kapanganakan ay isang sumpa sa ating bayan." Mabait, matalino, maganda, ngunit mahiyain- iyan si Jasmin De Leon. Lumaki siyang may pag-ibig para sa bayan at may malasakit sa mga mamamayan, wal...