Kabanata Disi Sais

84 1 0
                                    

"Malayo pa ba?" atat na tanong ko kay Samuel. Naglalakad na kami ngayon paakyat sa isang burol. Hindi ko alam kung paano kami nakarating dito, nakatulog kasi ako sa biyahe. Mahaba-haba rin kasi ang aming nilakbay kaya inantok na ako. Medyo nakakahilo rin dahil maraming lubak ang aming nadaanan.

Pasado alas dyes na ngayon kaya medyo mainit at masakit na sa balat ang sikat ng araw.

"Ah," Napahawak ako sa mga tuhod ko. Halos isang oras na kasi kaming umaakyat dito kaya nagsisimula nang manghina na ang mga ito.

Napalingon naman sa akin si Samuel at napatigil sa paglalakad. "Pasensiya ka na, sana pala'y hindi na lang kita dinala rito. Nahapo ka pa ng husto." Wika niya.

Napa-paypay naman ako sa sarili gamit ang kamay ko dahil sa sobrang alinsangan ng paligid.

"Naiinitan ka na rin ba?" tanong niya, ngunit hindi pa man ako nakakasagot ay ipinatong niya na sa ulo ko ang kaniyang salakot.

"A-Ayos lang naman ako," wika ko. Hindi ko alam kung bakit bigla na lang akong nautal. Bigla na lamang akong nahiya dahil kanina ko pa siya pinagtatarayan dahil sa kaniyang ugali ngunit ngayon ay nag-aalala pa siya para sa akin.

Pinilit kong maglakad pa ng kaunti kahit pa nanginginig na ang aking mga binti, ngunit ilang sandali lang ay napaupo rin ako sa lupa.

Dali-daling lumapit sa akin si Samuel, "Jasmin, ayos ka lang ba?" pag-aalala niya.

Tumango naman ako at pilit na bumangon, ngunit muli na naman akong nadapa dahil hindi na talaga kaya ng aking mga binti na tumayo.

"Bumaba na lamang tayo, Jasmin. Malayo-layo pa ang ating lalakarin." Wika ni Samuel. Umupo na rin siya sa aking tabi upang magtagpo ang aming mga mata.

"Hindi na. Narito na tayo, bakit pa tayo babalik? Ayos lang naman ako, kailangan ko lang siguro magpahinga ng kaunti." paliwanag ko. Sinusubukan kong tignan siya ng direstso sa mata habang ako'y nagsasalita, ngunit sa hindi ko malamang dahilan ay hindi ko ito magawa.

Nagmasid muna siya sa paligid saka ako muling hinarap, "Hindi tayo maaaring manatili rito ng matagal, masyado nang mainit ang sikat ng araw lalo pa't ilang oras na lang ay mag-aalas dose na rin. Hindi ko ibig na mahilo ka, Jasmin."

Wala sa sarili akong napangiti dahil sa sinabi niya. Nag-aalala na ba talaga siya para sa akin?

"Kaya ko pa namang tiisin ang init, dumito na lang muna tayo." saad ko saka umayos ng upo sa lupa. Tumayo naman siya at tinanaw ang nalalabing daan na aming aakyatin bago makarating sa tuktok ng burol.

Nagulat ako nang lumuhod siya sa tapat ko at inangat ang salakot na suot ko upang makita niya ng maayos ang aking mukha, "Pawis ka na, binibini." wika niya sabay kuha sa kaniyang panyo. Ang akala ko ay ibibigay niya ito sa akin upang ipamunas ko sa pawis ko, ngunit nagulat ako nang siya mismo ang gumawa nito para sa akin.

"A-Ako n-na." Kapansin-pansin na ang aking labis na pagka-utal kaya sinikap kong iklian lamang ang mga sinasabi ko.

Hindi niya ako pinakinggan at nagpatuloy lamang sa pagpunas ng aking pawis.

Ilang saglit pa ay inilahad niya sa harap ko ang kaniyang kamay, "Hindi naman gaanong malayo ang ating aakyatin,"

"Bubuhatin na lamang kita."

Natulala ako sa sinabi niya.

Ano? Ibig niyang gawin iyon para lang makarating kami sa tuktok ng burol?

"Jasmin?" Natauhan ako nang kumaway-kaway si Samuel sa mismong harap ng mukha ko.

Napa-kurap muna ako ng dalawang beses bago ako nakasagot. "Huwag na. Kaya ko na talaga." Wika ko at saka muling tumayo. Minasa-masahe ko muna ang aking mga tuhod bago muling naglakad. Medyo masakit man ay buong sikap ko pa rin itong ginawa, dahil gusto kong makita kung ano ang nasa tuktok ng burol na ito na siyang dahilan kung bakit niya ako dinala dito.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Jan 26, 2021 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Sumpa Kita (On Hold)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon