Katatapos lamang ng tanghalian at agad na naman akong tumakas mula sa aming bahay upang puntahan ang anak ni Mang Solomon. Medyo nahirapan akong makatakas ngayon sapagkat mayroon nang mga guwardiya sa paligid ng aming tahanan. Binabantayan nila kami ng maigi dahil sa mga pangyayari noong isang araw.
Medyo makulimlim ang kalangitan ngayon at tila uulan pa, malamig na malamig din ang simoy ng hangin na umiihip paminsan-minsan.
Nakasakay ako ngayon sa isang kalesa patungo sa Kalye Miranda na siyang kinaroroonan ng tahanan nila Mang Solomon.
Isa-isa kong binilang ang mga baryang laman ng aking pitaka. Kakaunting salapi lang ang dala-dala ko ngayon dahil sa sarili kong alkansya lamang ako kumuha ng pera.
"Manong, diyan na lamang po sa gilid." Wika ko, at itinigil na ng matandang kutsero ang kalesa. Nang iniabot ko na ang bayad sa kaniya ay nginitian niya ako ng matamis saka nagpasalamat. Hay, naaalala ko tuloy si Mang Solomon sa kaniya. "Mag-ingat ho kayo." Saad ko sa kutsero bago siya makaalis. Tumango naman siya habang nakangiti pa rin bago tuluyang ipinatakbo ang kaniyang kalesa.
Napatingin ako sa mahabang kalye na kinaroroonan ko. Tahimik lamang ito at halos wala kang tao na madaratnan sa labas. Ang mga bahay sa kalyeng ito ay masyadong magkakatabi, at ang lahat ng iyon ay gawa lamang sa kahoy kung kaya't kapag nagkaroon ng sunog dito ay tiyak na madadamay ang lahat. Nako, huwag naman sana.
Sakto naman at isang matandang babae na kasama ang kaniyang apo ang dumaan sa harap ko, kaya agad ko silang nilapitan upang magtanong. "Ah, pasensiya na po sa abala. Nais ko lang po sanang magtanong, saan po nakatira rito si Mang Solomon Cabanes?" Tanong ko, at tila nagtaka naman sila dahil doon. "At bakit mo naman hinahanap ang tahanan ng sinungaling na iyon, hija?" Tanong ng matandang babae. May bahid ng pagtataray ang kaniyang pananalita, animo'y pinapamukha niya sa akin na mali ang binabalak kong gawin.
"Ibig ko po sanang kausapin ang kaniyang anak." Tugon ko, at napataas naman ang kilay niya, "Kaano-ano ka ng pamilya Cabanes? Bakit mo ibig kausapin ang dalaga? Kaibigan mo ba siya?" Sunod-sunod na tanong ng matanda. Ang apo niyang babae ay tila nagtataka rin, ngunit tahimik lamang siyang nakikinig sa amin habang nakahawak sa bisig ng kaniyang lola.
"A-Ah, kaibigan ko po siya." Pagpapalusot ko. Tiyak na hindi sasabihin ng babaing ito kung nasaan ang tahanan nila kapag sinabi kong hindi nila ako kaano-ano at kapag binanggit kong ako'y anak ng tagapayo ng gobernador. Maraming tao pa rin kasi ang may galit kay Don Herman sa kabila ng pagpapaliwanag ni Francisco noong isang araw.
"Talaga? Kung gayon ay bakit hindi mo alam kung nasaan ang kanilang tahanan?" Pagkukuwestiyon niya, at tahimik namang sumasang-ayon sa kaniya ang kaniyang apo na nasa tabi pa rin niya.
"Kakakilala lamang po naming dalawa." Labag man sa loob ko na magsinungaling sa iba, ngunit ito lamang ang tanging paraan upang malaman ko ang kinaroroonan ng tahanan ni Mang Solomon.
Bumuntong-hininga ang matanda saka napakamot sa ulo, "Nasa dulo ng kalyeng ito. Ang maliit na bahay na may itim na kurtina, iyon ang tahanan nila." Wika niya na siyang nagpangiti sa akin ng malaki, "Salamat po, nay!" Saad ko, ngunit hindi na nila ako pinansin at nagpatuloy na sila sa paglalakad.
Masaya ko namang tinahak ang daan patungo sa tahanan ng mga Cabanes.
Ilang minuto lamang ang nilakad ko bago ko natagpuan ang isang maliit at payak na bahay na gawa sa kahoy, na siyang nasa kadulu-duluhan ng kalye gaya ng itinuro ng matandang babae. Kapansin-pansin ang manipis na itim na kurtina sa isang bintana nito na siyang nililipad-lipad pa dahil sa malakas na hangin. Agad akong lumapit sa bungaran ng bahay at kumatok sa pintuan nito, "Tao po?" Sigaw ko, ngunit walang tumugon.
Nagpatuloy pa ako sa pagkatok doon subalit wala talagang sumasagot. Nagkamali ba ako ng bahay na napuntahan?
"Tao po? May tao po ba--" Hindi sinasadyang napalakas ang pagkatok ko, at nagulat ako nang biglang bumukas ang pintuan. Hinangin pa ito kaya tumama ito sa pader at lumikha ng isang malakas na kalabog. Nakapagtataka dahil sa kabila ng malakas na tunog na iyon ay wala pa ring tao na sumalubong o tumugon man lang sa akin.
BINABASA MO ANG
Sumpa Kita (On Hold)
Historical Fiction"Hindi ko maunawaan kung bakit... tila ang araw ng aking kapanganakan ay isang sumpa sa ating bayan." Mabait, matalino, maganda, ngunit mahiyain- iyan si Jasmin De Leon. Lumaki siyang may pag-ibig para sa bayan at may malasakit sa mga mamamayan, wal...