Kabanata Kuwatro

97 7 0
                                    

Naistatwa ako at napapikit dahil sa pagtalsik ng tubig sa mukha ko. Nang marinig ko ang pagtawa ng lalaki ay unti-unti kong iminulat ang aking mata.

"P-Pasensiya na, binibini–" pinilit niyang pigilan ang kaniyang pagtawa ngunit nabigo siya. Humalakhak siya ng napakalakas at napahawak pa siya sa kaniyang sikmura.

Dali-dali kong kinuha ang balde ng tubig na kalahati na lang ang laman at mabilis na naglakad palayo. Bago ko isara ang pintuan ng aming tahanan ay dinig na dinig ko pa rin ang pagtawa niya.

Kumunot ang aking noo sa inis. Malakas kong isinara ang pintuan, dahilan upang masindak si Belen na nasa isang gilid ng silid.

"Oh? Jasmin? Tila galit ka yata. May nangyari ba sa iyong paglalakbay?" Tanong ni kuya Jose na ngayo'y nakabihis na ng maayos. Tila naayos na niya ang pintuan ng palikuran dahil nakaligo na siya.

"Wala." Tipid na tugon ko at nagtungo na sa likod-bahay upang ihatid ang tubig na gagamitin ni ina sa paglalaba.

"Kung gayon ay bakit... ganiyang ang hitsura mo?" Tanong ni kuya at napapikit naman ako. Isa pa itong makulit. Hindi niya ako tatantanan hangga't hindi ako sumasagot sa mga tanong niya.

"Basta, kuya. Huwag ka nang makulit." Saad ko saka inilapag ang sisidlan ng tubig sa tabi ng isang palanggana na puno ng maruruming damit.

Inakala kong aalis na siya dahil sa sinabi ko, ngunit nagkamali ako. Nanatili lamang siyang nakatayo roon habang nakatingin sa akin. Bakas ang pagtataka niya sa kaniyang mukha.

Bumuntong hininga ako, "Isang lalaki ang tumulong sa akin sa pagdadala ng sisidlan na ito. Nanghihingi pa siya ng kapalit sa tulong na ibinigay niya sa akin." Napa-irap ako nang maalala ko ang mukha ng lalaking iyon kanina.
Guwapo pa naman sana, sayang lang at napakatalipandas niya.

"Kilala mo ba siya?" Tanong pa ni kuya. Umiling naman ako, "Hindi. Kay kapal talaga ng mukha niya. Biruin mo, tinanong niya pa ako kung aayain ko ba raw siya na kumain kasama natin. Nako! Kumukulo talaga ang dugo ko sa tuwing maaalala ko ang hitsura niya." Nanggigigil na ako ngayon. Ibig ko talagang itulak ang lalaking iyon sa isang bangin upang malimutan niya ang mataas na tingin niya sa kaniyang sarili.

"Baka naman naga-guwapuhan ka lang sa lalaking iyon, Jasmin? Sigurado ka bang hindi mo siya natitipuhan?" Pang-aasar ni kuya. Aba, nagawa pang magbiro ng isang ito. Kung siya kaya ang itulak ko sa bangin nang malimutan niya ang mga kalokohang pumapasok sa utak niya?

"Kuya naman, kahit pa guwapo ang lalaking iyon ay nakakainis pa rin siya. Isa pa, hindi ako nagkakagusto sa isang lalaki dahil lamang sa kaniyang hitsura." Tugon ko.

Tumango naman si kuya ng mabagal upang asarin ako at para ipakita na hindi pa rin siya naniniwala sa akin. "Ah. Sige, sige. Ako'y naniniwala sa iyong mga sinasabi, Jasmin." Sarkastiko niyang wika habang nakangisi pa.

"Kuya! Tumigil ka na nga sa iyong pang-aasar sa akin! Seryoso ako, hindi ko nagugustuhan ang lalaking iyon!" Sigaw ko sa kaniya dahilan upang mapataas ang kaniyang kilay, "Aba, sinasabi ko lang naman na ako'y naniniwala sa iyo. Isa pa, dapat lang na hindi ka magkagusto sa lalaking iyon, dahil mas gusto kita para kay heneral Francisco." Muli na naman niya akong nginitian ng nakakaasar. Napa-irap na lamang ako at mabilis na nagtungo sa aking silid. Narinig kong tumatawa pa ng malakas si kuya kaya malakas kong isinara ang aking pintuan.

Kinabukasan

Hunyo 15, 1901

Sumpa Kita (On Hold)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon