Kabanata Tres

95 10 0
                                    

Bakit may lamang salapi ang bayong?

"Estúpida! Mira a dónde vas!" (Stupid! Watch where you're going!) Sigaw ng lalaking kausap ni Francisco. Pinilit kong tumayo ngunit nanghihina pa ang aking mga braso dahil sa malakas na pagbagsak ko kanina.

"Hindi ka nag-iingat!" Nilapitan ako ng lalaki saka muling sinigawan. Doon ko malinaw na nakita kung sino siya, siya si Don Fidel Velasquez. Ang ama ni Francisco at ang dating heneral ng bayang ito.

Nagbago na siya. Noon ay hindi siya halos kumukibo at napakabait ng dating niya, ngunit ngayon ay tila arogante na siya.

Nakita kong napatingin siya sa isang tao na tila nakatayo sa likod ko, ngunit hindi ko alam kung sino ito dahil nga nakatalikod ako sa kaniya. Napa-masahe muna si Don Fidel sa kaniyang sentido saka muling tumingin sa akin,

"Saan mo nakuha ang perang iyan?!" Tanong niya. Sasagot na sana ako nang biglang nagsalita si Francisco, "Ama, huwag niyo siyang sigawan. Kabilang siya sa pamilya De Leon." Tugon niya at inalalayan ako patayo. Napansin kong pinupulot ng ibang mga guwardiya ang perang nagkalat sa sahig at muli itong ibinabalik sa pulang sisidlan.

"J-Jasmin? Ikaw ba iyan?" Gulat na tanong ni Don Fidel. Napatango naman ako, "Opo." Nanlaki ang mata niya nang marinig niya iyon. Naging maamo saglit ang kaniyang ekspresyon ngunit nang mapatingin siya sa mga barya na natirang nagkalat sa sahig ay napapikit siya sa inis. "Saan mo nakuha ang perang iyan?" Tanong niyang muli sa akin.

"H-Hindi ko po alam. Dapat po ay mga kakanin ang laman ng bayong na ito. Hindi ko alam kung saan nagmula ang mga perang ito." Sagot ko, huminga naman ng malalim si Don Fidel at tila pinipigil ang kaniyang galit. "Umuwi ka na, hija. Sa susunod ay titingin ka sa iyong dinaraanan." Saad niya saka dire-diretsong umakyat patungo sa ikalawang palapag.

Natahimik ang lahat dahil sa pangyayari at napatingin sa amin.

"Anong tinitingin-tingin ninyo riyan? Huwag nga kayong mangialam rito!" Sigaw ni Francisco, dahilan upang mapabalik ang lahat sa kaniya-kaniya nilang ginagawa.

"Jasmin, pasensiya na. Hindi siguro maganda ang daloy ng araw ni ama ngayon." Tugon niya, ngumiti lamang ako at tumango upang ipakita sa kaniya na ayos lang iyon. "Nais mo bang ihatid kita palabas?" Tanong niya, umiling naman ako, "Huwag na. Salamat na lamang Francisco." Sagot ko at saka naglakad na palabas. Nakita kong pinagtitinginan ako ng mga tao at nagbubulung-bulugan sila. Napayuko na lamang ako sa hiya.

"Jasmin," Nagulat ako dahil nasa may bandang pintuan pa pala si Mang Solomon. "M-Mang Solomon? Ang akala ko po'y nagtungo na kayo sa kalesa." Wika ko at sabay na kaming naglakad palabas. "Hindi, hija. Hinintay kita." Tugon niya.

Bigla kong napagtanto na nakita niya pala ang mga nangyari kanina. Nako, baka isumbong niya ako kay Don Herman!

"Pakiusap, huwag niyo na pong banggitin kay Don Herman ang nangyari kanina." Nag-aalala ako, baka masermunan pa ako ni Don Herman. Tila nagkapalit pala kami ng bayong kanina kaya nagulat si Francisco sa laman ng bayong na iniabot niya.

Para saan at ano nga ba ang perang iyon? Bakit tila galit na galit si Don Fidel nang makita niya ito?

"Bakit ang tagal na naman ninyo? Hindi ba't pinagmamadali kita, Jasmin?" Nag-krus ang dalawang braso ni Don Herman at tila galit na galit na siya. "Pasensiya na po, kinausap lang po ako ni Don Fidel." Pagsisinungaling ko.

Agad kaming umalis nang makapasok na ako sa kalesa dahil kanina pa pala nagmamadali si Don Herman. May pag-uusapan pa raw sila ni Don Venancio kung kaya't ibinaba na namin siya sa kanilang tahanan. Mag-aalas tres na ng hapon nang maka-uwi kami dahil namasyal pa kami ng kaunti sa plaza. Medyo nahirapan nga kami ni kuya dahil nahihiya pa kami sa kanila, ngunit dahil masyado nang naging tahimik ang aming pamamasyal ay napilitan na lamang kaming kausapin sila paminsan-minsan.


Sumpa Kita (On Hold)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon