[Ten Years Later]
Buwan ng Hunyo, Taong 1901.
"Mabuti na lamang at naka-uwi pa tayo," Tugon ng aking kuya habang pinagmamasdan ang magagandang tanawin sa labas. "Mahigpit na ang pagbabantay ng mga Amerikano sa bawat sulok ng ating bansa kung kaya't mahirap nang lumabas ng Maynila. Maging sa paligid ng aming paaralan ay marami nang nakabantay."
Alas dyes na ngayon ng umaga at naglalakbay kami sakay ng isang kalesa patungo sa bayang aming kinalakihan, ang El lamparas. Taon-taon kami kung umuwi noon ngunit dahil sa biglaang pagdating ng mga Amerikano sa bansa ay halos dalawang taon na kaming hindi nakakauwi.
Ang kuya Jose Antonio ko ay nag-aaral ng pagpipinta sa Colegio de Nuestra Señora del Santisimo Rosario, samantalang ako naman ay nakikitira lamang sa aming pinsan na si ate Nelia na nagmamay-ari ng isang carinderia. Mula nang mamatay ang aming ama ay naisip ng aming ina na ipadala muna kami pareho sa Maynila upang maibsan ang aming kalungkutan at upang makapag-aral rin si kuya sa isang magandang paaralan.
"Jasmin," Tawag ni kuya sa akin. "Kanina ka pa hindi nagsasalita, ano ba iyang binabasa mo?" Tanong niya at itinuro ang aklat na nakapatong sa kandungan ko. "Ah, ito? Nakuha ko lamang sa bahay ng ate Nelia. Patungkol ito sa mga alamat ng iba't ibang lugar." Paliwanag ko.
Natawa siya, "Para kang bata. Binabasa ba iyan ng ate Nelia sa'yo bago ka matulog?"
Kinuha ko ang aklat na ubod ng kapal at ipinalo iyon kay kuya, ngunit agad naman siyang naka-iwas. "Hindi ah! nakita ko lang ito sa silid aklatan nila," Paliwanag ko. Isinara ko ang aklat at inirapan siya.
Ngunit napapikit naman ako sa inis nang muli pa siyang tumawa, "Hindi ka pa rin nagbabago, Asming! Mabilis ka pa ring mapikon." At dahil sa sinabi niyang iyon ay pinagpapalo ko siya ng mahina gamit ang abanico ko. "Huwag mo nga akong tawagin sa palayaw na iyan! Hindi kaaya-ayang pakinggan, kuya." Reklamo ko.
Ang palayaw na iyon ang tinatawag sa akin ni kuya kapag inaasar niya ako. Simula pa kasi noong mga bata kami ay madalas na talaga kaming mag-asaran ng kuya. Minsan nga ay sinaraduhan ko siya ng pinto nang maglaro siya sa labas ng bahay kasama ang mga kaibigan niya. Gumanti naman siya at itinago niya ang lahat ng mga paborito kong aklat.
"Narito na po tayo, Ginoong Jose at Binibining Jasmin." Tugon ng kutsero at tumigil kami sa ilalim ng isang malagong puno ng mangga na siyang kaharap ng aming tahanan. "Vamonos, kuya!" (Let's go, kuya!) Wika ko. Nang matanaw ko na ang tahanan namin na kay tagal ko nang hindi nasilayan ay napangiti ako ng malaki. Sabik kong inayos ang aking mga gamit at hinintay na ibaba ito ng aming kutsero.
Sa labas ng bintana ay natanaw ko ang maraming tao na nakapaligid sa amin. Maraming pamilyar na mukha, at marami rin sa kanila ang hindi ko kilala, ngunit lahat sila ay inaabangan ang pagbaba namin ni kuya.
Napangiti naman ako dahil sa ideyang maraming nasasabik na makita kaming muli. Noon pa man ay malapit na sa mga tao ang aming pamilya, kung kaya't nasanay na kami sa mga taong sumasalubong sa amin sa tuwing kami'y umuuwi. Kilala rin kasi ang aming pamilya sa ibang mga lugar dito sa bayan, lalo na rito malapit sa aming tahanan.
Kinuha na ng kutsero ang mga kagamitan ko at ibinaba ito, inalalayan niya rin ako sa pagbaba ng kalesa. Inabutan naman siya ni kuya ng bayad. "Salamat po." Tugon ni kuya at saka umalis ang kutsero sakay ng kaniyang kalesa.
"Ginoong Jose! Maligayang pagbabalik," Lumapit sa amin ang isang grupo ng mga kababaihan. Lahat sila ay tila nahihiya at nakatakip ng abanico ang mukha. Bigla naman nilang itinulak ang isang babae papunta sa direksyon namin. "G-Ginoong Jose..." Binaba ng babae ang kaniyang abaniko mula sa pagkakatakip nito sa kaniyang mukha at doon ko nasilayan ng maayos ang kaniyang mukha. Maputi siya at maganda. Sa tingin ko'y nagmula siya sa isang pamilyang may kaya dahil sa kaniyang magandang damit at mga alahas. Mapupungay ang kaniyang mga mata, maliit at matangos ang kaniyang ilong, at mapula ang kaniyang labi.
BINABASA MO ANG
Sumpa Kita (On Hold)
Historical Fiction"Hindi ko maunawaan kung bakit... tila ang araw ng aking kapanganakan ay isang sumpa sa ating bayan." Mabait, matalino, maganda, ngunit mahiyain- iyan si Jasmin De Leon. Lumaki siyang may pag-ibig para sa bayan at may malasakit sa mga mamamayan, wal...